Tuesday, July 30, 2013

Kaya ko palang sumayaw para sa Kanya. #WYD2013

Matagal ko nang alam ang mga Taize chants at mga acoustic songs of worship. Estudyante pa ako sa Ateneo noon. Pero ngayon ko ito mas nagustuhan. Ngayon ko ito mas kinasabikan.

Ang mabilis na ikot ng mundo at ang dami ng mga teknolohiyang maaaring gamitin sa panahon ngayon ang punong dahilan kumbakit imposible para sa isang taong tulad ko ang maging tahimik – ang magnilay sa katahimikan. Mula Lunes hanggang Biyernes, marami akong gawain at trabahong dapat tapusin sa itinakdang oras. Subalit ang ingay na dulot nitong aking mundo ang nagpapausbong sa kasabikan at uhaw ko para makamit ang katahimikan sa aking sarili.



Maliban sa araw-araw kong gawain bilang isang empleyado, may ibang mga bagay sa aking buhay na kumokontrol sa akin. Ginagamit ko ang Blog na ito upang makapagsulat ng aking mga repleksyon at panalangin. Ginagamit ko ang Facebook, Twitter, at Instagram upang makipag-usap sa mga kaibigan, makita ang kanilang mga litrato at makapagpakita rin ako ng aking mga litrato. Nagbabasa rin ako ng mga libro paminsan-minsan. Nakikinig din ako ng mga awit sa aking cellphone. Sa mga gawaing ito, mukhang hindi ko makakamit ang maging payapa kahit na isang minuto.

Pero nagkakamali ako. Ang nangyari sa Local World Youth Day sa Don Bosco Technical Institute (Makati) – ang naranasan kong pagdarasal kasama ng mga kapwa kabataan mula sa iba’t ibang diyosesis at organisasyong pangkabataan sa Metro Manila – ang nagturo sa akin muli kung ano ang pundamental nating pangangailangan, ang katahimikan. Nung isinaisantabi ko ang lahat ng aking mga gawain at alalahanin, katahimikan ang tanging natira sa akin. Sa katahimikan ng aking puso, doon ko sinimulang kausapin ang Diyos. Ang karanasang magdasal nang mataimtim kasama ng mga kabataan ay nagturo sa akin kung paano magtiwala at magmahal sa Diyos at pahalagahan kahit ang maliliit na kakayahan at talentong taglay ko. Ipinakita sa akin ng World Youth Day ang marami at kakaibang aspeto ng buhay ko na madalas ay hindi ko napapansin. Kaya ko palang sumayaw para sa Kanya. Kaya ko palang lumuhod sa harapan Niya nang pagkatagal-tagal. Kaya ko palang kalimutan at huwag munang alalahanin yung mga gawain ko sa labas.

Nagkaroon ako ng pagkakataong damhin ang kapayapaan sa gitna ng aking mga gawaing pinagkakaabalahan. Kahit tapos na ang dalawang araw ng pagsasama ng mga kabataan, at kahit lahat kami ay nakauwi na sa kani-kaniyang mga tahanan, patuloy pa rin ang paglalakbay tungo sa kapayapaan at katahimikan.

Kung susumahin ko ang aking karanasan sa Local World Youth Day, masasambit ko iyon sa tatlong salita: “Pag-ibig ng Diyos.” Sapagkat ang lahat ng kayang gawin ng Diyos ay umibig, hindi dahil sa atin kundi dahil sa Siya mismo ang pag-ibig. At ang pinakamahalagang desisyon o commitment na inialay ko sa huling Misa na pinangunahan ng butihing Arsobispo ng Maynila, Cardinal Tagle, ay ang maghamal hanggang sa masaktan, hanggang sa hindi na ako masaktan at tanging pag-ibig na lang ang aking maramdaman. Ang sikreto pala ay ang isuko sa Diyos ang lahat ng ating minamahal at kalimutan ang ating mga sarili sa ano mang kalooban Niya, nang may buong pagtitiwala na ang lahat ay mabuti basta’t Siya ang may gawa.

Bilang pangwakas nitong pagninilay, lubos akong nagpapasalamat sa mga kaibigang nakasama ko sa dalawang araw ng pagtitipon at sa mga bagong nakilalang sana’y maging kaibigan ko rin sa mga susunod pang imbitasyon ng Diyos at ng Simbahan sa aming mga kabataan. Hanggang sa susunod na pagsasama, pagsayaw, pag-awit, paglalakbay, at pagdarasal! Mahal na mahal tayong lahat ng Diyos. Amen.



Magwawala ako sa harap ng Panginoon
Aawit kahit wala sa tono.
Sasayaw ako ng buong laya.
Ito'y munting handog ko sa Kanya.

Eh ano! Eh ano!
Kung mukha akong baliw.
Eh ano! Eh ano! Eh ano!
Eh ano! Eh ano!
Kung mukha akong baliw.
Eh ano! Eh ano! Eh ano!
'Di ko maitago, pag-ibig kong ito
Eh ano!
Basta't mahal ko si Kristo.





No comments :

Post a Comment