Wednesday, July 17, 2013

Pagpili, Paglalakad.

Pauwi ako ng bahay galing Ateneo nang magdesisyon akong maglakad kaysa sumakay ng dyip. Habang naglalakad sa Barangka, may napadaang traysikel at bumusina sa akin. Kilala ko yung nagmamaneho ng traysikel dahil madalas akong sumasakay noon sa kanyang traysikel. Sabi niya, “Bakit ka naglalakad? Sakay na, siyete na lang (ibayad mo).” Sagot ko, “Salamat pero hindi na ho.” Saka ako nagpatuloy sa paglalakad.

Nung naalala ko ang pangyayaring yun, bigla kong naisipang magnilay tungkol sa simplicity o kapayakan. Hindi dahil sa ayaw kong sumakay ng dyip o traysikel kundi dahil tungkol ito sa pagpili kong maglakad bilang mas maginhawang opsyon para sa akin. Hindi ko tinanggihan ang sumakay kundi pinili ko lang yung simpleng gawin, ang maglakad. Madalas naman akong naglalakad – mula bahay patungong sakayan ng shuttle, o patungong simbahan o noong estudyante pa ako, patungong eskuwelahan. Pero siyempre pinipili ko rin naman ang sumakay kapag malayo-layo ang pupuntahan.

Binibigyan ako ng kakaibigang ligaya kapag naglalakad sapagkat napagmamasdan ko ang paligid at nakikita ko nang malapitan ang ibang tao. Yung oportunidad na makakilala ng kapwa ay naghahatid ng simpleng saya na tanging sa paglalakad ko lamang nakukuha. Kakaibang karanasan at mas malalim na pagkilala sa tao at kapaligiran. Higit sa lahat, mas mabuti sa kalusugan.

Kaya nga nang una kong pagbisita sa Tagaytay kasama ang isang kaibigan, hindi kami sumakay ng dyip o traysikel mula Olivarez rotonda patungong Picnic Grove at People’s Park in the Sky. Pinili naming maglakad sa gilid ng daan, umiiwas sa panaka-nakang harurot ng mga sasakyan. Mabuting tirik man ang araw ay malamig naman. Doon ko napagtanto na sa paglalakad ay hindi ka mauubusan ng salita. Upang hindi maramdaman ang pagod sa paglalakad ng labindalawang kilometro, makikipagkuwentuhan ka talaga. Hindi tulad sa dyip o traysikel na basta ka na lang matatahimik. Mas may umuusbong na komunikasyon sa paglalakad. Ako at ang aking kaibigan. Ako at ang aking sarili. Ako at ang kapaligiran.

Naalala ko yung kuwento dati ni Fr. Chito Tagle, na ngayon ay mabunying Arsobispo na ng Arsidiyosesis ng Maynila, na sa pagbibigay niya ng seminar o pagmimisa, mas pinipili niyang maglakad kaysa ang sumakay lalo na kung doon lang naman sa nasasakupan niyang parokya. Sa ganung pagpili raw nagkaroon siya ng oras na mas makilala ang kanyang mga parokyano. Isa pang kuwento niya sa kanyang homiliya noong 1st Ignatian Festival sa Ateneo ay tungkol sa pagpunta-punta niya sa Baguio City para magbigay ng annual retreat. Sa pagpili raw ng sasakyang bus ng Victory Liner – kung airconditioned o ordinary – pinipili niya kung saan makakasalamuha ang karaniwang tao at masusundan ang daan ni Kristo. Saka siya nagbigay ng halimbawang maka-Atenista: kung bibili raw ba o hindi ng Starbucks coffee sa Katipunan, iisipin daw kung saan masusundan ang daang tinahak ni Kristo. Discernment parati, sapagkat hinubog daw ang Atenista bilang mga ka-diwa ni San Ignacio de Loyola.


Hanga ako sa kanyang kapayakan kaya’t pinipili ko siya bilang aking modelo. Kardinal na siya, subalit puno pa rin ng kababaang-loob at kapayakan sa pagkilos. Simpleng buhay pero malaki ang epekto sa paningin ng mga tao, kasama na ako.

1 comment :

  1. Nice story. Ako din mas ginugusto kong maglakad lalo na kapag malapit lang nmn ang pupuntahan. Minsan kahit may kalayuan, ginugusto ko pa ring maglakad. Dun mo kasi nakikita ang kagandahan ng mga lugar sa paligid mo. Kung paano mamuhay ng payak ang mga tao.

    ReplyDelete