— John 15:15-16
Binibigyang depinisyon ko ang pagkakaibigan sa pamamagitan ng pagkilala sa puso ng iba at pagbabahagi ko naman ng sariling puso sa kapwa. Ibinabahagi kasi natin ang nilalaman ng ating puso sa mga taong pinagkakatiwalaan natin, at pinagkakatiwalaan natin yung mga taong may pakialam sa buhay natin. Nagbabahagi tayo sa ating mga kaibigan dahil sigurado tayong gagamitin nila ang ibinigay nating personal na kuwento at impormasyon sa pagtulong sa atin, hindi sa ating pagkasira. Ganun din naman ang ating mga kaibigan sa atin sa parehong kadahilanan.
Madalas nating itinuturing si Hesus bilang ating kaibigan dahil alam nating ang tanging nais Niya ay yaong makabubuti sa atin. Ibinabahagi natin sa Kanya ang kuwento ng ating buhay dahil nagtitiwala tayo sa Kanya. Pero ganoon nga rin ba Siya sa atin?
Sinimulan Niyang tawagin ang mga disipulo hindi bilang tagasunod kundi bilang kaibigan dahil ipinagkatiwala Niya sa kanila ang lahat na narinig Niya mula sa Ama (Juan 15:15). Naniniwala si Hesus na gagamitin ng Kaniyang mga kaibigang disipulo ang lahat ng Kaniyang naibahagi para sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Kahit alam naman nating kaibigan si Hesus, masasabi ba nating kaibigan din tayo ni Hesus? Nakikinig ba tayo sa Kanya? O gusto nating sa atin lang makikinig ang Diyos? Gusto ba nating malaman kung ano ang nasa puso Niya? O gusto nating tayo lamang ang magbabahagi kung ano ang nasa puso natin? Upang maging kaibigan ni Hesus, kailangan nating makinig sa nais Niyang malaman natin at magamit ang mga impormasyong iyon upang madala rin ang ibang tao sa pakikipagkasundo o pakikipagkaibigan sa Diyos.
Ang kaibiga'y mag-aalay ng sarili niyang buhay, walang hihigit sa yaring pag-aalay. |
No comments :
Post a Comment