Tuesday, July 9, 2013

Kapag may nakasalubong tayong mahirap, paano ang ating reaksyon?

Kapag may nakasalubong tayong mahirap, paano ang ating reaksyon? Madalas inaabala natin ang ating sarili sa pang-araw-araw na alalahanin kaya wala tayong reaksyon sa nasasalubong. Pero may kabutihang nananahan sa atin kaya nakakaramdam tayo ng simpatiya sa mahirap, na madalas nakikita sa ating pagkikibit-balikat o may impulse ng pagtulong. Pipili ka lang ng reaksyon sa dalawang opsyon, at depende ito sa iyong mood, kung paano ang magiging reaksyon sakaling makasalubong ang mahihirap.

May ilang taong nagkikibit-balikat at patuloy lang sa paglalakad, habang sinasabi sa sarili: “Talagang ganyan ang mundo.” May ilang tao namang nagkikibit-balikat din ngunit nag-aalay ng panalangin para sa mahirap habang tahimik na naglalakad palayo. May nananalangin sa Diyos na alisin sa kaawa-awang kondisyon yaong nakasalubong na mahirap kahit man lang isang araw. May nagkikibit-balikat at napapabuntong-hininga: “Kung mayaman lang ako, natulungan na sana kita. Kaso sa sitwasyon ko rin ngayon, mas mayaman lang naman ako ng kaunti kaysa sa iyo.”

Subalit relatibo ang kahirapan. Sino ba ang tunay na mahirap sa usaping ito? May mga pahayag sa Bibliya, lalong-lalo na ang Beatitudes, na nagpapakitang paborito at binibigyang-halaga ng Diyos ang mahihirap. Mas higit ang Kanyang pagmamahal sa kanila. Mas nangangailangan sa Diyos ang mahihirap, samantalang hindi na pinapansin paminsan-minsan ng mayayaman ang Diyos. Naka-angkla ang buhay ng mahihirap sa maawain at umaapaw na grasya ng Diyos samantalang madalas na nabubulag ang mayayaman sa materyal na
bagay.

Sino ang mas nakaaangat---ang salat sa materyal na pag-aari o yung salat sa pagmamahal ng Diyos? Yung maglakad sa kalsada o eskinita o footbridge o underpass ng may napakagarang sandalyas na pinupuri ng mga tao, o yung walang masuot na panyapak ngunit puspos ang pagmamahal ng Diyos? Ano ang pipiliin mo?


Panalangin: 
Panginoon, huwag sanang magmaliw ang pag-ibig Mo sa akin. Maghirap man ako sa materyal na bagay, makamit ko naman sana ang kayamanan ng Iyong awa at pag-ibig. Hindi ko hahangarin na mag-ari ng yaman dahil sasapat na ang makapiling Ka sa bawat araw. Amen.

No comments :

Post a Comment