Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil regalo itong tinanggap ko sa aking mga magulang. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil dito ko nahahanap ang paraan ng pagpapabuti ng pagkatao: sa Salita ng Diyos, sa Banal na Eukaristiya, sa sakramento ng pakikipagkasundo, sa mga turo at aral ukol sa maraming isyu ng buhay. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil sa kabutihang idinudulot niya sa buong mundo sa pamamagitan ng kaniyang mga institusyon: sa edukasyon, kagalingang panlipunan at kalusugan. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil sa mga lalaki’t babaeng, lahat ng nabubuhay at maging mga yumao na, nagbigay ng kahulugan ng pagiging-tao para sa ibang tao. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil sa mga katulad ko ring pilgrims--mga kapatid ko sa pananampalataya--na naging mabubuting halimbawa at inspirasyon ko; na ang kahinaan nila ay nagpaalala sa akin ng kahinaan ng tao pero minamahal ng Diyos.
Hindi perpekto ang Simbahang Katolika. Hindi ito kailanman magiging perpekto sapagkat mga tao ang nagpapatakbo sa kanya. Subalit hindi siya katulad ng ibang institusyon sapagkat may divine intervention sa bawat pagkilos niya. Binubuo ang Simbahang Katolika ng mga tao, pamayanan ng mga mahihina, mahihirap at nagkakasalang mga tao. Ang bawat isa ay naglalakbay patungo sa hinahanap na kahulugan ng kani-kaniyang buhay.
Nasasaktan ako kapag nasasaktan ang Simbahang Katolika dahil sa mga iskandalo at kawalan ng pagkakaisa. Nakakasakit ng damdamin kapag, minsan, hindi ang criteria ng Ebanghelyo ang ginagamit nating criteria sa ating mga pagpili. Nakakasama ng loob kapag inaatake ang Simbahang Katolika, madalas ay hindi patas, ng mga puwersang nasa labas niya. Pero mas nasasaktan ako kapag napahihina ang Simbahang Katolika ng mismong kapalaluan o kayabangan ng miyembro nito.
Masakit mabasa ang mga paglalahad sa librong Altar of Secrets. Pero mahal ko ang Simbahang Katolika at hindi magigiba nito ang pananampalataya ko.
Sumasampalataya ako sa Simbahang Katolika sapagkat personal ang aking pagdanas dito ng presensya ng Diyos sa marami’t ordinaryong paraan. Iyon ang sa tingin ko ay mahalaga. Hindi lang mga pamantayan, ritwal, at programa ang mahalaga, kundi ang madanas ang presensya ng tunay na Diyos sa mga pamantayan, ritwal at programa ng Simbahang Katolika.
At ito ang isa pang dahilan kumbakit mahal ko ang Simbahang Katolika. Tinutulungan niya akong huwag gumawa at sumamba ng diyos na naaayon sa sarili kong pamantayan. Tinutulungan niya akong huwag mahulog sa patibong na sambahin ang sarili.
Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil iyon ang ibinilin ni Hesus. Itinatag Niya ito upang makasama’t maalala natin Siya kahit noon pa Siya bumalik sa Ama. Kahit dahil lang dito, sapat na ang mahalin ko ang Simbahang Katolika.
Tuesday, July 2, 2013
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment