Tuesday, July 23, 2013

Kung ikaw ay mahulog sa bangin ay sasaluhin kita. Huwag kang matakot.


Huwag kang matakot
'Di mo ba alam nandito lang ako
Sa iyong tabi
'Di kita pababayaan kailan man
At kung ikaw ay mahulog sa bangin
Ay sasaluhin kita

Huwag kang matakot na matulog mag-isa
Kasama mo naman ako
Huwag kang matakot na umibig at lumuha
Kasama mo naman ako
Huwag kang matakot

Huwag kang matakot
Dahil ang buhay mo'y walang katapusan
Makapangyarihan ang pag-ibig
Na hawak mo sa iyong kamay...


Napakaganda ng pahiwatig ng awit na ito sa aking buhay ngayon. Marahil, ito rin ang nais ipagbigay-alam ng Diyos sa sinumang nagnanais na sumunod sa kanya. "Huwag kang matakot, 'di kita pababayaan, nandito lang ako." 

Naisip ko noong marahan akong bumababa sa bundok ng Daguldul sa Batangas kasama ng aking mga kaibigan. Kumakatok ang Diyos sa ating mga puso, palagi, at ang pinakamaliit na bagay na maaari nating magawa ay magpatuloy sa Kanyang tawag. Dahil madalas ay pinipili nating huwag damhin ang pagkatok Niya sa ating mga puso, nami-miss natin yung sandaling iniimbitahan Niya tayong marinig ang bawat pagtawag Niya. 

Habang nababalot kami ng dilim at kawalan sa tuktok ng bundok, sinubukan kong pagmunihan kumbakit dapat manalig sa Kanya. Bumukas sa aking isip ang ganitong realisasyon. Na hindi sa lahat ng pagkakataon madadala natin ang mga bagay na gusto nating dalhin. Lalo na sa pag-akyat sa bundok. Mayroon kang dapat iwan. Kaya nga sabi ni Hesus noon sa Kanyang mga alagad: humayo kayo sa bawat bayan bilang mga sugo Ko nang walang dalang lukbutan ni mga pansapin sa paa. Naisip ko, kung gayon, ang pananalig ang simula ng bawat nating pagbubukas ng puso at pagpapaunlak sa Diyos na manahan sa ating piling. Tila ito pagsusugal sa ating buhay. At inaatasan tayong sumugal nang lahat-lahat sa atin. Sapagkat matalo man tayo at maubos ang ating mga dalahin, patuloy pa rin naman ang ragasa ng pag-ibig ng Diyos. Iyon ang pananalig. Kahit ang pinakamatulis na bato sa gubat ay napakikinis ng patuloy na ragasa ng tubig.

At salamat sa aking mga kaibigan, sa mga simpleng gimik natin, sa mga kuwentuhan at sharings, sa pagtitiwala ng mga bagay-bagay sa akin. Salamat sa mga simpleng trips natin. Sa pagpapakatotoo, at pagiging tunay na kaibigan. Ang pagiging simple ang pundasyon ng pagkakaibigang ito. Manatili nawa tayong ganito. Salamat sa growth experiences na kasama kayo. Ngunit hindi nananatili rito ang lahat. Kailangan din nating maghanap ng ibang growth sa ibang bagay na patuloy na hinahangad ng puso natin. Nawa ay marami pa tayong gawing alaala na magkakasama. Samahan niyo akong maging panatag sa mga susunod na buwan. Ipagdasal niyo ang aking bokasyon. Upang maging karapat-dapat ang sarili ko para sa kagustuhan ng Diyos sa buhay ko. Salamat sa inyo Idris, Matthew, Abi at Jek na naging bahagi ng buhay ko. ü


















































Take nothing but pictures,
Leave nothing but footprints,
Kill nothing but time.

No comments :

Post a Comment