Thursday, June 13, 2013

Sa harap ng Blessed Sacrament.



Ilang linggo na akong tumatambay sa Adoration Chapel ng OLA Parish. Mas masarap tumambay sa malamig na lugar ha ha. At napapanatag ang isip ko mula sa mga ingay sa labas. Sa pagdarasal, patuloy pa rin ako sa aking discernment sa mga bagay-bagay na bumabagabag sa aking buhay. Habang nagtatagal, namamayani sa akin ang tatlong magkakaibang pakiramdam: takot, pananabik, at tuwa.

Una ang takot. Kahit ngayon, iniisip ko na na may malaking pagbabagong magaganap kapag dumating yung araw na papasok ako ng seminaryo. Mula sa buhay na malalim ang koneksyon sa mga kaibigan, kamag-anak at pamilya, darating yung araw na lilimitahan ko na ang paggamit ng telepono/cellphone, email o maging Facebook at Twitter. Mula sa buhay na patuloy ang pagtatrabaho at pagsuweldo, kakailanganin ko nang huminto muna saglit, magtalaga ng oras sa pagdarasal, repleksyon, pagbabasa, at iba pa. Mula sa buhay na maginhawa at komportable, magkakaroon ako ng oras upang makilala nang mas mabuti ang sakit at paghihirap kapag personal kong pinagdaanan ito sa iba’t ibang mga “trials.”

Ito yung takot sa hindi nakikita, ang pangambang nag-uugat mula sa kagustuhan kong mailagay ang kontrol sa sarili. Natatakot ako sa maaaring mangyari sa mga kaibigan at pamilya ko na wala akong paraan para makasama’t makausap kapag nasa loob na ako. Natatakot ako sa malalaking pagbabago sa mga nakasanayan ko na. Natatakot ako sa pagdadaanan ko sa loob, walang pera kaya’t aasa lamang sa kabutihang-loob ng ibang tao. Ganito ang mga takot na naiisip ko habang nasa harap ng Blessed Sacrament, nangangako sa Diyos na papasok pa rin ako ng seminaryo sa kabila ng lahat ng ito.

Ikalawa ang pananabik. May mga nakakausap akong pari at seminarista, noon pa man at ngayon, na nagkukuwento sa aking masaya ang pagdadaanan sa loob ng seminaryo. Sa mga Heswita nga, na dating namuno sa aming parokya, pinakamasayang parte ng buhay daw nila ang dalawang taong pamamalagi sa novitiate. Hindi naman siguro ito labis na pananabik pero naniniwala akong mapagyayaman ang aking karanasan sa loob ng seminaryo, makakabuo ng bago’t matatag na relasyon kasama ng mga kapwa-seminarista sa mga lugar na aming pagsisilbihan, at mapagtitibay ko ang relasyon sa Diyos.

Nasasabik akong makasalamuha ang iba pang nais maglingkod sa Diyos. Nasasabik akong makarating sa mga lugar na hindi ko pa napuntahan, hindi upang makapagbakasyon at magliwaliw kundi upang makapagsilbi sa bayang pinili ng Diyos. Pero ang mas kinapapanabikan ko ay kung paanong mamahalin ako ng Diyos sa pamamagitan ng patuloy Niyang pagbibigay sa akin ng Kanyang grasya sa loob ng mahabang taong mamamalagi ako sa seminaryo. Napapawi ang aking mga takot dahil sa mga pananabik na ito.

Ikatlo ang tuwa. Maligaya ako sa buhay ko ngayon, at alam kong mas liligaya ako kapag napagtagumpayan ko ang hamon ng Diyos sa akin. May mas hihigit pa ba sa tuwang hatid ng Diyos sa isang taong pinipili ang kalooban ng Diyos para sa kanyang buhay?

Gaya ng Mahal na Birheng Maria, napupuspos ako ng sobrang katuwaan dahil sa araw-araw na grasya ng Diyos para sa akin, sa aking pamilya at mga kaibigan. At nag-uugat ang pasasalamat ko mula sa katuwaang kahit na ako’y makasalanan at hindi karapat-dapat humarap sa kabanalan ng Diyos, iniimbitahan pa rin ako ng Kanyang walang hanggan at dakilang awa at pagmamahal na makasama Siya sa aking buhay.

Habang sinusulat ko ito pagkagaling ko sa Adoration Chapel, nababalot pa rin ako ng takot (paano na kapag iniwan ko ang aking mga kaibigan?) at ng pananabik (ilang bagong kaibigan kaya ang makikilala ko roon?). Pero higit sa lahat, umalis ako sa harap ng Banal na Sakramento nang may tuwa sapagkat bibihira lang ang nakakatanggap ng grasyang maimbitahan ng Panginoon na sundan ang yapak Niya. Tuwa ito na parehong mayaman at hindi maipaliwanag, tuwa ito na tanging kay Kristo Hesus lamang nagmumula.

Nais kong tapusin ang blog na ito sa isang linyang binitiwan ni Miggy kay Laida sa katapusan ng huling pelikula nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na It Takes a Man and a Woman (na walang kasawaang pinapanood ng mga kaibigan ko ha ha). Sa Diyos ko naman nais itong sabihin, sa harap ng Banal na Sakramento sa Adoration Chapel, ang mga linyang ito: “Today I stand here in front of you in complete surrender. I have no worries. I have no fear because I know… I am sure I am yours.”


Matagal pa naman po akong mag-a-apply at papasok sa seminaryo. (Siguro, naghihintay pa ako ng isa pang signos mula sa itaas. Pero sa totoo lang, nagtatrabaho pa ako upang matulungan ang aking mga magulang sa pagtataguyod at pagpapatibay ng aming pamilya.) Pero ngayon pa lang, nanalangin ako sa Diyos na bigyan pa ako ng katatagan at katapangan na huwag akong mabahala at maligaw sa pagtahak sa landas Niya. Humihiling ako ngayon pa lang na sana isama ninyo sa inyong panalangin na matupad ko talaga ang kalooban ng Diyos. 

2 comments :

  1. In God's will Keith. Kahit nasa seminaryo kana, we will wait for you here and invite you to do what Mhafans usually do.

    ReplyDelete
  2. Arvin! Napadpad ka. :) Salamat! Sana nga patuloy pa rin ang Mhafans kahit na ano'ng mangyari. Sa kabila ng lahat.

    ReplyDelete