Sa paghalungkat sa luma kong journal noong high school at college, nabasa ko ito. Natatawa ako at natutuwa. Natatawa ako na naisip ko na palang magsulat ng ganito noong bata-bata pa ako. Natutuwa naman ako na hindi ko itinuloy noon yung galit ko (na may bantang paghihiganti). Marahil hindi ko kasi alam kung paano ba gumanti ha ha.
Kahit noon pa, marunong na akong magpigil ng galit. Nagdaramdam ako, madalas, pero agad-agad ding nawawala. Sapagkat sa tuwing malalagay ako sa sitwasyong "magdadamdam ako" sa isang tao o bagay o pangyayari, tanging "Diyos ko, ayaw ko pong magalit. Alisin mo po ang inis sa puso ko" na uri ng panalangin ang tumatakbo sa isip ko. Sabi ko nga sa matalik na kaibigan ko, "I usually do get upset most of the time...but for only five minutes." Sapagkat sa loob ng limang minutong yaon, nakapagdasal na ako't nawala na ang pagdaramdam sa puso ko.
Heto yung isa sa mga naging journal entries ko:
"Hindi man lang ako makapaghiganti sa Diyos! Hindi ako makatingin sa mukha Mo, bakit? Ramdam ko pa rin ang galit at kapaitan. Malungkot ako't nag-iisa, mahina, tinanggihan at walang importansiya. Naghihinagpis, trinaydor. Mayabang ako, matigas ang ulo, tamad at hambog.
Bakit hindi ako makatingin sa mukha Mo? Hindi, hindi dahil sa mga ito. Alam ko, hindi dahil sa mga ito.
Pinipigilan kong tingnan ang mukha Mo, dahil alam ko na sa pinakamasidhi kong galit at kapaitan, kalungkutan at pag-iisa; sa pinakaugat ng aking kahambugan, kayabangan at katamaran; siguradong makikita ko sa Iyong mukha yung kakaiba't mapagmahal Mong ngiti. Iyang ngiti na tanging Ikaw at ako lamang ang nagkakaintindihan. Naiisip ko pa lang 'yun, natutunaw na ako sa hiya. Wala akong karapatang magalit at maghiganti sa Iyo. Sorry, pero gusto ko lang talagang maramdamang kahit Ikaw man lang ay minamahal ako. Ikaw na lang po ang mamahalin ko."
No comments :
Post a Comment