Kapag humihiling sa akin ang ilang kakilala’t kaibigan na isama ko sa aking panalangin ang kanilang mga pansariling intensyon o kapag nangangako ako sa kanila na ipagdarasal ko ang kanilang mga intensyon, may mga pagkakataong natatanong ko ang aking sarili kung epektibo ba talaga ang manalangin para sa mga intensyon.
Ayusin ko yung sinasabi ko: halimbawa, kapag may mga taong nananalangin para sa ulan samantalang may nananalangin para sa maulap o maaraw na panahon, ano kaya ang gagawin ng Diyos? Pagbibigyan ba Niya ang hiling ng ilan, at sa kabilang banda, hindi masasagot ang panalangin ng iba? Naitatanong ko: kung ang Diyos ang Siyang makapangyarihan at nakakaalam ng lahat, kailangan pa kaya Niya ng listahan ng mga bagay na dapat Niyang gawin upang maging maayos ang takbo ng mundo?
Sa isa sa aking mga “moments of silence and introspection,” tumambad sa aking realisasyon na sa tuwing ako ay nananalangin para sa isang bagay, mas nabubuhay sa aking harapan ang bagay o intensyon na iyon. Sa gayong realisasyon, masasabi kong napapalaki ng panalangin ang aking puso.
Halimbawa, kapag nananalangin ako para sa kapayapaan ng mundo, nababalot ang aking diwa nitong kapayapaan. Kapag mas maraming beses kong ipinanalangin ito, mas nagiging prinsipyo na ng aking mga ideya, ugali at pang-araw-araw na buhay ang kapayapaan. Kapag ipanapanalangin ko naman ang isang tao, hindi na lang siya nagiging obheto ng aking panalangin kundi nagiging bahagi na ng aking isip at kilos. Nabubuhay akong may pagpapahalaga sa kanya.
Hindi kailangan ng Diyos ang aking mga panalangin at petisyon. Ako ang may kailangan sa Kanya.
Tuesday, June 18, 2013
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment