Para sa ilan, ang pananalangin ay sangdalî ng pagtigil. Para sa akin, ito ang mismong buhay. Mahalaga ang mga sandali ng pananalangin, kasinghalaga ng pangangailangan nating ipakita sa ating minamahal ang kongkretong manipestasyon ng ating pag-ibig. Nawawala ang halaga nito kung kumikilos ka nga para maipakita ang manipestasyon subalit wala namang pag-ibig sa iyong puso. Para na lang siyang isang requirement o kinaugaliang aksyon.
Ganoon din sa pananalangin. May mga pagkakataong pinagdaraanan natin ang sandaling ito ng pananalangin subalit wala naman talaga sa atin yung hangaring magdasal. Gayunpaman, nagdarasal pa rin tayo dahil alam nating ito’y mabuti at nararapat na gawin. Minsan walang pumapasok na mabubuti at magagandang ideya sa pananalangin. May pagkakataon pa nga siguro na palihim nating iniisip na sana’y matapos na itong sandali ng pananalangin. Naniniwala ako na tanggap ng Diyos ang imperpeksyon ng ating mga panalangin. Hindi man tayo nasasabik gawin ito, nagdarasal pa rin tayo sapagkat alam nating ito’y mabuti at nararapat na gawin.
Ganoon din sa buhay. Hindi ganoon karami ang mga sandali ng euphoria. Marami sa atin, hindi na napapansin dahil hindi naman ganoon kakomplikadong isipin na ang ating pagkatao ay nabubuo’t nahuhubog sa ating pang-araw-araw na gawain. Sa tuwing pumipili tayo, sa tuwing ginagawa natin ang isang bagay, sa tuwing sinasabi natin ang isang pahayag, hindi dahil sa pagkasabik o may inaasahang kapalit kundi dahil sa alam mo lang na ito’y mabuti at siyang nararapat na piliin o gawin o sabihin, doon nagiging panalangin ang ating buhay.
Kung gayon, nagsasakatawang-tao ang panalangin. Tayo at ang mga ginagawa natin ang manipestasyon ng panalangin.
Panalangin: O, Banal na Espirito, samahan mo akong buksan ang aking isipan at puso upang tanggapin ang liwanag na dulot mo. Sa mga pagkakataong nagtatalo ang aking diwa’t damdamin, tulungan mo akong buuin ang nagkapira-pirasong bahagi ng aking pagkatao. Sa mga pagkakataong alam ko naman ang dapat kong gawin subalit nakakaramdam ako ng kawalang-kapangyarihan, bigyan mo ako ng lakas para lumaban. Ang daang tinatahak ko’y madalas nakakawalang-gana, walang nagbibigay-dahilan para ako’y manabik at magpatuloy, hipuin mo ang aking damdami’t sigla. Sa mga panahong nararamdaman kong ako’y marumi, na parang wala nang puwang ang kalinisan sa aking buhay, pumarito ka’t panariwain mo ang aking pinakaunang alaala bago pa ako nagkasala, noong ako’y nasa palad pa ng Diyos Manlilikha. Sa mga pagkakataong napakalakas ng aking hangaring makontrol ang lahat, paluwagin mo ang aking hawak at turuan ang aking palad na madama ang kalayaan sa pagbitiw. O, Banal na Espirito, alisin mo sa akin ang kawalan ng gana. Tulutan akong makalipad nang lampas sa de-kahong mentalidad nitong mundo. Tulutan akong marating ang kailaliman ng pag-ibig kung saan ikaw ang aking pipiliin. Mahanap ko nawa ang puwang sa iyong dakilang pag-ibig. Amen.
Wednesday, June 19, 2013
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment