Matagumpay ang pagdaraos ng National Consecration to the Immaculate Heart of Mary kaninang alas diyes ng umaga sa mga katedral, dambana at parokya sa buong Pilipinas. Kasama ko ang kaibigang si Abi sa pagdalo sa Misa sa Katedral ng Antipolo, ang Dambana ng Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Nung dumating kami sa Katedral, homily na agad ng pari. Dali-dali kaming pumasok sa simbahan. Akala ko talaga yun na yung Misa ng Pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria. Mabuti na lang, hindi pa pala iyon. Dahil mismong si Bishop Gabby Reyes ang nag-preside sa sumunod na Misa. Pasado alas diyes na nagsimula. Masarap sa pakiramdam kapag Obispo ang nagmimisa. Nakakaengganyong makinig sa kanyang sasabihin sa homily. Kaso ang hina na talaga ng boses ni Bishop Gabby. May mga pahayag siya na hindi na namin marinig nang maayos. Pero nakuha ko pa rin naman ang punto o buod ng kanyang pangangaral.
Pagkatapos ng Misa, siyempre naglibot pa kami sa simbahan at kumuha ng mga litrato ng mga santo at ng napakagandang retablo. Nakunan ko rin ang mga imahen ng Immaculate Heart of Mary at Sacred Heart of Jesus na malamang ay ipinrusisyon kagabi. Nakita pa nga namin yung pilgrim image ni Mama OLA na ginagamit sa taunang Lakbay-Dalaw. Ginamit yun malamang sa katatapos lang na Ahunan sa Antipolo na pinangunahan ng parish at ng Marikina City government.
Nakakatuwa si Abi sapagka't gustong-gusto pa niyang manood ng wedding entourage at hindi man lang nakaramdam ng gutom gayong pasado alas dose na ng tanghali noon at sabi niya'y di pa siya nakapag-almusal. Banat ko pa sa kanya, hindi lang naman sa pagkain nabubuhay ang tao. Tutal naka-dalawang beses naman kami nagkomunyon. Nakakabusog na yun. Ha ha.
Heto ang ilan sa mga kuha kong litrato.
“Pueblo Amante de Maria”: Isang Bayang Sumisinta Kay Maria
Ito raw ang dahilan ng ating pagtatalaga ng sarili sa Kalinis-linisang Puso ni Maria: na siya ang Ina nating lahat na tunay na tumutulong sa atin upang magkaisa. Sa ating kasaysayan, naging bayan tayong sumisinta sa kanya, isang bayan at isang bansa. Sa panahon man ng kahirapan at kagipitan, ng kadiliman at kawalan ng pag-asa, basta nagdarasal tayo sa kanya, lagi siyang dumarating at ipinaparamdam sa atin ang pag-ibig ng Diyos.
Ina ng Peñafrancia man ng Bikol o Nuestra Señora de Guia ng Ermita, Manila, Virgen de la Paz y Buenviaje ng Antipolo o Virgen del Santissimo Rosario ng La Naval, Manila at Manaoag, Pangasinan, Mother of Perpetual Help man ng Baclaran o Virgin of Miraculous Medal ng Sucat sa Parañaque, Our Lady of Piat ng Cagayan o Our Lady of Caysasay ng Taal, Batangas, Nuestra Señora de Guadalupe man ng Makati at Cebu o Our Lady of Lourdes ng Sta. Mesa Heights sa Quezon City, Nuestra Señora de Candelaria ng Jaro, Iloilo o Nuestra Señora del Pilar ng Zamboanga, Our Lady of the Abandoned ng Sta. Ana, Manila at Marikina o Our Lady of Light ng Cainta, Rizal...simula pa lamang ito ng isang litanya, ng mas mahabang litanya, kung saan halos lahat na ng panig ng ating bayan ay kikilalanin ang pangalan ng Mahal na Birheng Maria.
Gaya nga raw ng sabi ni dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin nang ipinagdiwang ang Marian Year noong 1980's: “When our land was not yet one land, and our people not yet a nation,...it was she, the Mother of Jesus the Incarnate Son, who became our first bonding tongue, the first common language of our hearts, the symbol of a new race to whom oneness and peace would come in time, as a gift of the Father in heaven, but as a gift which would reach us through her loving hands.”
Sa taong ito ng Pananampalataya o Year of Faith, ang pagtatalaga natin bilang nagkakaisang bayan sa Immaculate Heart of Mary, ay pagpapakita ng ating "renewal" sa di mapasusubaliang pagtitiwala natin sa kanya, ang ating pag-ibig sa kanya---siya na ngayon, at kahit pa man noon, ay atin nang Reyna at Ina ng awa,---vita, dulcedo et spes nostra salve: tama, ang aming buhay, katamisan at pag-asa.
No comments :
Post a Comment