Sunday, June 30, 2013

Maging Dakilang Guro.




Nangalahati na ang taong 2013. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapagturo bilang Math tutor. Hindi dahil sa nakaka-miss yung kumikita ako sa dati kong sideline. Nakakagaan kasi ng pakiramdam kapag nagtuturo ako. Madalas na akakapagod pero nakakatuwa ang magturo. Lalo na kapag natututo ang mga tinuturuan ko. Sigurado akong hindi na nila malilimutan anuman yung ideya o konsepto, at dadalhin na nila iyon sa kanilang buhay. 

Naaalala ko, ang pinakamasayang pagkakataong nakapagturo ako ay iyong walang bayad. Nung katatapos ko pa lamang ng high school. Sa Pathways-Ateneo, sumali ako sa isang samahan na tinatawag na SERVICE. Mula 2005 hanggang 2009, naging kasapi ako. Bilang Chemistry tutor at department head ng subject na iyon. Pero yung pinakanagustuhan ko ay iyong maging CL teacher ako noong summer 2008. Christian Living subject. Nag-aaral ako sa Ateneo summer class kapag umaga at nagtuturo naman sa mga Marikina public high school students kapag hapon. Masusi ko namang isinusulat ang aking lesson plan at visual aids sa bahay kapag gabi. Masasaya ang mga naging usapan at diskusyon namin ng mga estudyante buong summer. Hindi sa nagbubuhat ng sariling bangko subalit sa palagay ko naman ay naintindihan na nila ang Trinity, Transfiguration, Salvation of Dying Jesus in the Cross, Holy Eucharist at ilang Parables. Maging ako ay natuto sa mga pagbabasa at pag-aaral kay Kristo. Pinagaan ko sa mga bata iyong napakahirap na diskusyon ukol kay Kristo. Nag-focus kami sa pinakapaboritong paraan ni Hesus sa pagpapalaganap ng kautusan ng Diyos: mga parabula.

Sa pagtuturo kong iyon, nakita ko yung halaga ng pagtuturo sapagkat si Hesus din mismo ay naging guro. Noong mga panahong iyon, iba't ibang paraan ng pagtuturo ang pinag-isipan at isinagawa ko. Ginamitan ko ng analohiya ang di-malinaw na konsepto nila ng Trinity. Nagsalo-salo kami sa spanish bread at isang litro ng Coke habang nag-uusap tungkol sa Huling Hapunan bilang institusyon ng Banal na Sakramento ng Eukaristiya. Closed-door open forum naman kami nung pinag-usapan ang salvific nature of Jesus' Cross. At siyempre, mabigat man sa mga estudyante dahil alam kong hectic din ang iskedyul at demanding din ang mga tutor nila sa ibang subjects, pinilit ko pa rin sila na makapagsulat ng journal entries pag-uwi ng bahay at ipapasa kinabukasan. Napakasayang magbasa ng kanilang mga insights at comments na isinulat sa journal notebook.

At bilang guro, nakilala ko rin si Kristo sa ibang aspeto. Kilala na Siya bilang Mabuting Pastol. Siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Ang Anak ng Diyos ay napakaraming pagkakakilanlan. Karamihan nga ay hindi naman madalas gamitin o hindi masyadong naiintindihan ng mga tao. Noon, nakilala ko si Kristo bilang guro.

Nagturo Siya gamit ang mga parabula. Gumamit Siya ng mga metapora at pagkukumpara upang maiparating ang Kaniyang punto. Nung maisip ko ito noon, mas ginanahan akong magturo. Nagturo Siya sa mga sinagoga, gumamit ng mga kuwentong maiintindihan ng mga tao. Sapagkat sa mga umpukan, kalong Niya ang mga bata habang nagsasalita. Bumibigat yung usapan kapag nagtatanong ang mga Pariseo at matatanda ng bayan ngunit pinalilinaw Niya ang mga turo sa harap ng mga bata. Hindi mga highfalutin words ng pilosopiya ang ginamit ni Hesus. Simpleng salita lamang. Kaya nga ganun din ang pinilit kong gawin. Ipaintindi sa mga estudyante ang buhay at mga turo ni Kristo sa paraang maiintindihan nila ito.

At ngayon, habang inaalala ko ang mga ito at nagre-reflect, na-realize ko kung paanong ginusto ni Kristo na maiparating at maipaunawa sa mga tao noon ang wagas na pagmamahal ng Ama. At noong hindi na epektibo ang Kaniyang mga kuwento, analogo, halimbawa at diskurso at hindi na Siya inunawa ng Kaniyang audience, ginawa nga Niya ang pinakamahalagang kuewnto ng pagmamahal. Inialay Niya ang sariling buhay para sa ating kaligtasan.

Bilang dating guro at ngayo'y nagnanais mapaglingkuran Siya, ipinapanalangin kong magkaroon ako ng sense of creativity sa pagiging halimbawa sa mga bata. Minsan nararamdaman kong napapagod ako sa pagbibigay ng aking kabuuan at hindi gaanong nagiging mabunga ang aking mga gawain. Dalangin ko na sana, gaya ng Dakilang Guro, maibigay ko ang lahat-lahat para sa Diyos at sa bayan: ang aking mga talento, kalakasan, at sana sa hinaharap, maging aking buong buhay.

No comments :

Post a Comment