Hindi. Hindi ko talaga birthday ngayon! Sa September 7 pa. Tatlong mahahalagang araw ko ipagdiriwang ang birthday ko: sa September 6 sa Quiapo sa First Friday Mass, sa September 8 sa Marian Procession, at sa September 15 sa kapistahan ng Virgen de Dolores ng Pakil, Lguna.
Pero ang utak ko ay patuloy sa pag-iisip tungkol sa araw na once upon a time, sinabi ng Diyos, "Let there be Keith Buenaventura!" Sobra akong natutuwa kapag naiisip ito.
Wala pa ako noong planong pumasok ng seminaryo. Pero sumasali na ako noon sa gawain ng aming kapilya. Mayroong Children's Mass tuwing Linggo ng umaga. Mga batang pari (o brother pa nga yung iba: naalala ko sina Bro. Javy at Bro. Francis na ngayo'y mga pari na) mula sa Ateneo ang nagmimisa. Lagi akong excited sa Children's Mass. Doon ako naging Lector/Commentator at paglaon ay inimbitahang makasali sa Cathechetical Ministry para maging batang katekista. Atenista na ako noon. Nakakilala ako ng mga kaklaseng galing pa sa bansang East Timor na gustong maging Heswita. Hindi pa ako noon naaakit sa calling na meron sila. Pakiramdam ko pa noon, ang pagpasok sa seminaryo ang modernong bersyon ng pagiging martir. Isipin mo na lang, kailangan nilang pagdaanan ang buhay na hiwalay sa mahal nila sa buhay sa loob ng sampung taon na puro formation! Parang antagal. Oo, sobrang tagal nga noon. Graduate na ako sa Ateneo, sila naroon pa rin.
Pero kapag tumawag pala ang Diyos, hindi mo mahihindian. Talo Niya ang sinumang pinakamasugid manligaw. At noong papatapos na ako sa Masteral sa Ateneo, parang nag-iba ang pakiramdam ko. Mukhang seryoso talaga ang Diyos sa akin. All of a sudden, biglang gusto kong pumasok sa seminaryo. Siyempre magugulat ang lahat, lalo na ang pamilya ko. Sa padalos-dalos kong pasya, mabuti't napayapa ang aking nararamdaman pansamantala ng isang mabuting pari sa OLA Parish. May kasunduan kami. Hindi lang kami nung pari. Ako at ang Diyos, kami ang may kasunduan. Masaya ako ngayon sa aking buhay. Pero alam kong mas sasaya ako ilang taon pa mula ngayon, pagpasok ko ng seminaryo. =)
Sa tanda kong ito, sa iba't ibang pinagdaanan ng buhay ko, maraming problema at pangamba. Isang bagay na natutuhan ko sa mga taon ng buhay ko ay kung paano mahalin ang Diyos kahit minsa'y hindi ko Siya maintindihan. Ang kagustuhan Niya ay ibang-iba sa kagustuhan ko. May mga plano ako pero ang plano Niya para sa akin ang mas mahalaga. Ang pinakamahalaga. Maraming beses na akong nakakaranas ng madidilim na gabi sa aking buhay-pananampalataya. Pero nagpapasalamat pa rin ako sa Kanya sapagkat lagi pa rin akong gumigising sa umaga nang nakatanim sa isip na mayroon pa akong mas maliwanag na hinaharap. Sigurado akong araw-araw na binabagyo ang langit ng mga panalangin ng mga tao para sa akin. Salamat po sa inyo!
Mga kaibigan, kaunting panahon na lang at magpapaalam ako sa inyo sa naging desisyon ko. Ipanalangin niyo sana ako. Sa pamamagitan ng inyong panalangin, mas nararamdaman ko ang katapatan at pag-ibig ng Diyos sa aking buhay. Bahagi kayo ng bokasyon ko. Salamat ha. Nawa'y manahan ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus sa puso nating lahat. Amen.
No comments :
Post a Comment