Thursday, June 6, 2013

May himala!

Isang araw, bumili ako ng rosaryo. Sa unang gabi nung religious article sa aking pag-aari, nagkaroon ito sa akin ng sentimental value na siyang dahilan para magdasal ako ng rosaryo. Lampas alas onse na at tulog na ang lahat sa bahay. Tahimik akong bumaba para magrosaryo.

Pinili kong sa ibaba magrosaryo para walang makakita sa aking nagdarasal. Kaya hayun, nakaluhod ako sa imahen ng Birheng Maria, katabi ng Sto. Niño. Nakapikit ang aking mga mata, nakalahad ang aking mga kamay hawak-hawak ang mga butil ng rosaryo. (Kita mo, ganun na ako kaseryoso!)

Matapos magdasal, naupo ako sandali at saka nagdesisyong bumalik na sa taas para humiga. Nagulat ako sa aking nakita! Sa maniwala ka o sa hindi, lumiwanag ang rosaryong hawak ko. Kinusot ko ang aking mga mata upang makasiguro kung namamalikmata lang ba ako. Diyos ko, lumiliwanag nga talaga! Sa ilang sandali pa, bumilis ang tibok ng puso ko at namuo ang butil-butil na pawis sa di-mapaniwalaang pangyayari. Pero saksi ang Diyos, totoong-totoo talaga itong nakita ko.

Nagmadali na akong umakyat at bumalik sa pagkakahiga. Nagtalukbong ako ng kumot. Pero hindi ako madalaw man lang ng antok nung gabing iyon. Hindi pa rin mawala sa isip ko yung nakitang pagliwanag ng rosaryo. Inikot ko ang paningin. Tulog na sina mama, papa at mga kapatid ko.

“Himala iyon!” nasabi ko.

Naisip ko na baka magpakita sa ilang saglit ang Mahal na Birhen. Ano’ng sasabihin ko sa kanya? Kahit kailan hindi sumagi sa isip ko na maging lalaking bersyon ni Bernadette Soubirous! Ano na ang gagawin ko? Bakit ako? Paanong ang isang makasalanan ay nararapat makaharap ang Ina ng Diyos? Baka paanyaya yung lumiliwanag na rosaryo sa napipinto niyang aparisyon. Naramdaman ko yung halo-halong emosyon sa loob ko. Isang natatanging pribilehiyo kung magpapakita siya sa akin. Pero sa kabilang banda, paano ko sasabihin sa pamilya ko at sa ibang kakilala ko na merong nangyaring himala?


Sa sumunod na gabi, ganon ulit ang ginawa ko. Hinintay kong makatulog silang lahat saka ako bumaba hawak ang rosaryo. Taimtim akong nanalangin kasabay ng tahimik na paghihintay na magpapakita ang Mahal na Birhen. Kaso hindi siya nagpakita. Pero hindi nabawasan ang kasiyahan ko dahil lumiliwanag pa rin yung rosaryo.

Bago ko pa nalaman, nakaugalian ko nang magdasal ng rosaryo tuwing gabi. Sabik akong maghihintay na makatulog muna ang mga kasama sa bahay para walang makakakita sa akin. May mga gabi nga na ginugugol ko yung gabi na nakatitig lang sa rosaryo.

Hanggang isang gabi, sobrang pagod ako sa paglalaro at hindi ko na mapigilang antukin. Dahil hindi ko na talaga kaya ang antok, nagdesisyon akong tapusin na lang ang unang misteryo at saka matulog.

Nang tingnan ko ang rosaryo, tanging yung mga butil lamang ng unang misteryo ang lumiliwanag. Sobra akong natakot at nabahala. Baka nagalit ang Mahal na Birhen sa aking katamaran. Nung gabing iyon, talagang nahihiya ako dahil sa naramdaman kong pagka-guilty.

Yung insidenteng iyon ang nagbigay-daan para i-devote ko ang bahagi ng aking oras kada gabi para magdasal ng rosaryo. Kada pagdarasal, sinisigurado kong nasasamahan si Maria sa kanyang tuwa at hapis, lalo na ang pagpapakasakit at kamatayan ng kanyang anak na si Hesus.

Sa pagkakataong hindi ko inaasahan, dumating ang katotohanan. Nakakatawa pero totoo. Isa na namang nakakapagod na araw at nagdesisyon akong huwag muna magdasal. Nagsipilyo lang ako bago matulog at hindi inisip na magagalit sa akin si Maria. Nang tingnan ko ang rosaryo sa dilim, lumiwanag ito.

Hanggang sa nagkaroon ako ng lakas ng loob na ikuwento ito sa aking kaibigan (sa elementarya) at tinawanan niya lang ako. “Sira ka talaga! Luminous ang rosary mo!”

Nung mga panahong iyon, wala talaga akong kaide-ideya tungkol sa mgaluminous objects. Grade four pa lang ako noon. Ha ha ha! Habang inaalala ko iyon ngayong ipagdiriwang ng sambayanang Katoliko sa Pilipinas ang National Day of Consecration of Filipinos to the Virgin Mary sa June 8, masasabi kong isa iyong humbling experience. Wala talaga akong kaalam-alam na ang rosaryong nabili ko ay kumukuha ng liwanag mula sa fluorescent para mag-glow in the dark. Kahit na isa lang pala iyong natural phenomenon, dumating sa aking buhay ang isang himala. Mahal ako ni Mama Mary at mahal ko rin siya.



No comments :

Post a Comment