Sunday, June 30, 2013

Usapang Pamilya.

Akala ko Vespers ang gumising sa akin kaninang umaga. Kanta pala ni Rey Valera, pinatutugtog ni Papa na naunang nagising kaysa sa akin. Sapagkat Linggo at wala naman akong pasok. Nagising ako at nagdasal: "kung ano mang dahila'y hindi mahalaga, basta't sinasamba kita."

Medyo puyat ako pero na-excite akong gumising sapagkat may bibisitahin akong simbahan. Nagyaya si Jo Idris at niyaya ko rin naman si Abi na magpunta sa Our Lady of the Abandoned Church sa Sta. Ana, Manila. Maganda yung simbahan at doon na kami nagmisa. Naalala ko nung bata pa ako at mayroon laging Children's Mass sa aming kapilya. Sapagkat sa unang misa sa hapon doon, mga bata ang nanguna at nagsidalo. Nag-feeling bata na lang din kami.

Habang nasa misa, napansin kong maaaring akyatin ang likod ng retablo at mahawakan ang manto ni OLA. Hindi kami nagkamali kaya't hindi namin pinalampas ang pagkakataong makaakyat at makahalik sa manto. Nakapagrosaryo pa kaming tatlo sa likuran ng Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.

May night out ang pamilya ni Jo Idris kaya't nagsiuwian kami bago pa gumabi. Sa OLA Marikina kami bumaba. At bago magkahiwa-hiwalay, tuwang-tuwa si Abi sapagkat unang beses niyang nakapag-bless kay Bishop Francis, ang Auxillary Bishop ng Antipolo at Kura Paroko ng OLA Parish. Biro ko pa sa kanya na huwag munang maghilamos ng noo ng isang linggo dahil sa pagbless ni Bishop. Iba talaga sa pakiramdam kapag yung gusto mo't kinasasabikan mong paring magmisa ay nahawakan ka sa noo. Nakakalundag sa tuwa---gaya ng ginawa ni Abi kanina.

At di pa roon natapos ang araw ko. Nagkayayaan pa kami ni Abi na manood ng sine. Four Sisters and a Wedding. Kaya't usapang pamilya ang pamagat ng blog post kong ito. Sapagkat tungkol sa dinamismo ng bawat miyembro ng pamilya ang buod ng kuwento ng pelikula. Nahagip ng pelikula ang bawat detalyeng sumasalamin sa mga isyung pampamilya. Hindi lang tawa ang hatid, nakakaantig at nakakaiyak ang mga linya.

Naisip ko tuloy ang aking pamilya. Yung mga pinagdaanan namin mula noong bata pa kaming magkakapatid, hanggang sa mag-aral na't makatapos at ngayo'y malalaki na nga. Naalala ko sina Mama at Papa na nakitaan ko ng katatagan ng loob at buong pagtitiwala sa Diyos na malalampasan ng aming pamilya, lalo na nila, ang mga problema. Naiyak ako sa komprontasyon sa pelikula. Hindi ko alam kung sakaling mangyari rin iyon sa aking pamilya. Naalala ko tuloy yung Gospel. Na sumunod sa Diyos agad-agad, walang lingunan at buong pagtitiwalang susunod sa daan ng krus. Ng buhay. At yung pangarap kong mapaglingkuran din ang Diyos. At paano ko ipaliliwanag ito sa aking pamilya. Paano kung may mangyari ring ganitong komprontasyon? Iyakan. Kabigatan ng pakiramdam. Hindi ko alam ang mangyayari. Gusto kong magtiwala at maghintay sa panahong inilaan ng Diyos.

Nalaman kong anniversary pala ng mga magulang ni Jo Idris. At sa buwan naman ng Hulyo ang anibersaryo ng aking mga magulang. Doon siguro dapat ako ma-excite ngayon. Kung paano ko sila i-treat. Kung paano ko maipaparamdam na minamahal ko sila.



O, mahal naming Ina ng mga walang mag-ampon, sa kupkop mo kami ay sumasalilong. Nawa'y ibulong mo sa iyong minamahal na Anak, na amin ding kapatid, na mapagtagumpayan ng aking pamilya at ng pamilya ng aking mga kaibigan at lahat ng pamilyang Pilipino ang mga usapin at isyu sa loob ng aming pami-pamilya. Kayo San Jose, Maria at Hesus ang halimbawa ng banal na pamilyang kinalugdan ng Diyos. Maging gabay nawa namin kayo sa aming bahay. Amen.

Maging Dakilang Guro.




Nangalahati na ang taong 2013. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapagturo bilang Math tutor. Hindi dahil sa nakaka-miss yung kumikita ako sa dati kong sideline. Nakakagaan kasi ng pakiramdam kapag nagtuturo ako. Madalas na akakapagod pero nakakatuwa ang magturo. Lalo na kapag natututo ang mga tinuturuan ko. Sigurado akong hindi na nila malilimutan anuman yung ideya o konsepto, at dadalhin na nila iyon sa kanilang buhay. 

Naaalala ko, ang pinakamasayang pagkakataong nakapagturo ako ay iyong walang bayad. Nung katatapos ko pa lamang ng high school. Sa Pathways-Ateneo, sumali ako sa isang samahan na tinatawag na SERVICE. Mula 2005 hanggang 2009, naging kasapi ako. Bilang Chemistry tutor at department head ng subject na iyon. Pero yung pinakanagustuhan ko ay iyong maging CL teacher ako noong summer 2008. Christian Living subject. Nag-aaral ako sa Ateneo summer class kapag umaga at nagtuturo naman sa mga Marikina public high school students kapag hapon. Masusi ko namang isinusulat ang aking lesson plan at visual aids sa bahay kapag gabi. Masasaya ang mga naging usapan at diskusyon namin ng mga estudyante buong summer. Hindi sa nagbubuhat ng sariling bangko subalit sa palagay ko naman ay naintindihan na nila ang Trinity, Transfiguration, Salvation of Dying Jesus in the Cross, Holy Eucharist at ilang Parables. Maging ako ay natuto sa mga pagbabasa at pag-aaral kay Kristo. Pinagaan ko sa mga bata iyong napakahirap na diskusyon ukol kay Kristo. Nag-focus kami sa pinakapaboritong paraan ni Hesus sa pagpapalaganap ng kautusan ng Diyos: mga parabula.

Sa pagtuturo kong iyon, nakita ko yung halaga ng pagtuturo sapagkat si Hesus din mismo ay naging guro. Noong mga panahong iyon, iba't ibang paraan ng pagtuturo ang pinag-isipan at isinagawa ko. Ginamitan ko ng analohiya ang di-malinaw na konsepto nila ng Trinity. Nagsalo-salo kami sa spanish bread at isang litro ng Coke habang nag-uusap tungkol sa Huling Hapunan bilang institusyon ng Banal na Sakramento ng Eukaristiya. Closed-door open forum naman kami nung pinag-usapan ang salvific nature of Jesus' Cross. At siyempre, mabigat man sa mga estudyante dahil alam kong hectic din ang iskedyul at demanding din ang mga tutor nila sa ibang subjects, pinilit ko pa rin sila na makapagsulat ng journal entries pag-uwi ng bahay at ipapasa kinabukasan. Napakasayang magbasa ng kanilang mga insights at comments na isinulat sa journal notebook.

At bilang guro, nakilala ko rin si Kristo sa ibang aspeto. Kilala na Siya bilang Mabuting Pastol. Siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Ang Anak ng Diyos ay napakaraming pagkakakilanlan. Karamihan nga ay hindi naman madalas gamitin o hindi masyadong naiintindihan ng mga tao. Noon, nakilala ko si Kristo bilang guro.

Nagturo Siya gamit ang mga parabula. Gumamit Siya ng mga metapora at pagkukumpara upang maiparating ang Kaniyang punto. Nung maisip ko ito noon, mas ginanahan akong magturo. Nagturo Siya sa mga sinagoga, gumamit ng mga kuwentong maiintindihan ng mga tao. Sapagkat sa mga umpukan, kalong Niya ang mga bata habang nagsasalita. Bumibigat yung usapan kapag nagtatanong ang mga Pariseo at matatanda ng bayan ngunit pinalilinaw Niya ang mga turo sa harap ng mga bata. Hindi mga highfalutin words ng pilosopiya ang ginamit ni Hesus. Simpleng salita lamang. Kaya nga ganun din ang pinilit kong gawin. Ipaintindi sa mga estudyante ang buhay at mga turo ni Kristo sa paraang maiintindihan nila ito.

At ngayon, habang inaalala ko ang mga ito at nagre-reflect, na-realize ko kung paanong ginusto ni Kristo na maiparating at maipaunawa sa mga tao noon ang wagas na pagmamahal ng Ama. At noong hindi na epektibo ang Kaniyang mga kuwento, analogo, halimbawa at diskurso at hindi na Siya inunawa ng Kaniyang audience, ginawa nga Niya ang pinakamahalagang kuewnto ng pagmamahal. Inialay Niya ang sariling buhay para sa ating kaligtasan.

Bilang dating guro at ngayo'y nagnanais mapaglingkuran Siya, ipinapanalangin kong magkaroon ako ng sense of creativity sa pagiging halimbawa sa mga bata. Minsan nararamdaman kong napapagod ako sa pagbibigay ng aking kabuuan at hindi gaanong nagiging mabunga ang aking mga gawain. Dalangin ko na sana, gaya ng Dakilang Guro, maibigay ko ang lahat-lahat para sa Diyos at sa bayan: ang aking mga talento, kalakasan, at sana sa hinaharap, maging aking buong buhay.

Tuesday, June 25, 2013

Ang tanawin mula sa itaas.




Jesus answered and said to them, "Amen, amen, I say to you, no one can see the kingdom of God without being born from above." (John 3:3)

Ang tanawin mula sa itaas ang nagbibigay sa atin ng buong litrato. Ang tanawin mula sa itaas ang nagbibigay sa atin ng tamang batayan. Ito ang tanawing magpapakilala sa atin ng perspektibo ng Diyos.

Kapag tinitingnan natin ang buhay sa pananaw ng Diyos, alam nating anuman ang nangyayari ngayon, gaano man kahirap at kasakit ito, hindi iyon ang buong istorya. Sapagkat mayroon naman talagang masasaya at hindi masasayang araw ng nakaraan, ganoon din naman sa kasalukuyan, at maging sa hinaharap. Ang mabuti at hindi mabuti, ang masaya at hindi masaya - lahat ng ito'y bahagi lamang ng makulay na mosaik ng buhay.

Kapag tinitingnan natin ang buhay sa pananaw ng Diyos, naililigtas natin ang sarili mula sa maraming exaggerations at assumptions na umuubos sa ating lakas at nagnanakaw ng ating kapayapaan at kapanatagan ng loob. Alam nating anuman ang tila bundok na hindi natin malampasan ngayon, makaaasa tayong hindi tayo pababayaan ng Diyos. 


Kaya't hilingin nating bigyan tayo ng pananampalataya. Idalangin natin sa Diyos na pag-alabin at patatagin pa ang ating pananampalataya, na gaya Niya, makita nawa natin ang buhay mula sa itaas. 

Saturday, June 22, 2013

Pintig ng puso ko.

PINTIG NG PUSO KO
Batay sa Hosea 11: 1-9
titik: Arsobispo Luis Antonio G. Cardinal Tagle, DD (Arkidiyosesis ng Maynila)
lapat at musika: Eduardo P. Hontiveros, SJ (+)

1. Musmos ka pa lamang minahal na kita. Mula sa kawalan tinuring kang anak sa bawat tawag Ko ika’y lumalayo. Hindi mo ba batid ako’y nabibigo?

2. Aking isasaysay kung mararapatin sa una mong hakbang ng kita’y akayin. Binalabalan ka matang masintahin, kinakandong kita animo’y alipin.

Koda: Pinagtabuyan mo Ako! Pinagtulakan nang husto! Maglaho ka sa harap Ko! Ngunit yaring pintig ng puso Ko!

4. Matupok mang lahat sa buong daigdig hindi magmamaliw ang Aking pag-ibig. Panginoon Ako, at hindi alabok; Paano Ko kaya ikaw malilimot? Paano Ko kaya ikaw malilimot?



Reflectio:

Habang ninanamnam ang bawat linya ng kanta, isang kaibigan ang naaalala ko. Para sa kanya sana ito. Sayang, hindi ako ang naunang gumawa ng mga linyang nito. (Magaling ang pagkakasulat ni Cardinal Chito Tagle). Malapit sa puso ko ang awit; malapit sa mga naramdaman ko; malapit sa mga pangarap ko; malapit sa kuwento ko. Mahiwaga ang pakikipagkaibigan namin. Hindi ko na matandaan ang kwento. Natunaw na yata sa utak ko ang lahat. Pero ipinipintig pa rin ng puso ko.

LSS talaga ako sa huling linya ng kantang ito: "Paano Ko kaya ikaw malilimot?" Habang pinapatugtog ko ang isang cd na naglalaman ng mga awit na para sa Kuwaresma (kahit tapos na ang Kuwaresma!), bumalot sa aking isip ang paulit-ulit kong realisasyon na mahal tayong lahat ng Diyos. Na kasama natin ang Diyos sa paglaban natin sa makamundong inklinasyon. Kung sana'y hindi natin Siya ipagtatabuyan, ipagtutulakan at hahangaring maglaho sa ating buhay. 

Mananalo tayo sa mga hamon ng buhay kung hindi tayo bibitiw, at patuloy na magtitiwala sa Diyos. 

Thursday, June 20, 2013

Prayer to Know My Vocation.


Lord, my God and my loving Father,
you have made me to know you,
to love you, to serve you,
and thereby to find and to fulfill myself.
I know that you are in all things,
and that every path can lead me to you.
But of them all, there is one especially
by which you want me to come to you.
Since I will do what you want of me,
I pray you, send your Holy Spirit to me: into my mind,
to show me what you want of me; into my heart,
to give me the determination to do it,
and to do it with all my love, with all my mind,
and with all my strength right to the end.

***

Compassionate Heart of Jesus,
graciously listen to our prayers.
Give us generous hearts
to respond to your call in our lives.
Lift up courageous men and women
willing to follow after your heart
as priests, sisters, brothers, and deacons.
Help parents and teachers to share the
faith and to encourage young people
to explore religious vocations.
Guide all people, Lord, in your ways
of compassion, truth, and peace,
that we may find happiness
in fulfilling our vocation.
Amen.

Wednesday, June 19, 2013

Nagsasakatawang-tao ang panalangin.

Para sa ilan, ang pananalangin ay sangdalî ng pagtigil. Para sa akin, ito ang mismong buhay. Mahalaga ang mga sandali ng pananalangin, kasinghalaga ng pangangailangan nating ipakita sa ating minamahal ang kongkretong manipestasyon ng ating pag-ibig. Nawawala ang halaga nito kung kumikilos ka nga para maipakita ang manipestasyon subalit wala namang pag-ibig sa iyong puso. Para na lang siyang isang requirement o kinaugaliang aksyon.

Ganoon din sa pananalangin. May mga pagkakataong pinagdaraanan natin ang sandaling ito ng pananalangin subalit wala naman talaga sa atin yung hangaring magdasal. Gayunpaman, nagdarasal pa rin tayo dahil alam nating ito’y mabuti at nararapat na gawin. Minsan walang pumapasok na mabubuti at magagandang ideya sa pananalangin. May pagkakataon pa nga siguro na palihim nating iniisip na sana’y matapos na itong sandali ng pananalangin. Naniniwala ako na tanggap ng Diyos ang imperpeksyon ng ating mga panalangin. 
Hindi man tayo nasasabik gawin ito, nagdarasal pa rin tayo sapagkat alam nating ito’y mabuti at nararapat na gawin. 

Ganoon din sa buhay. Hindi ganoon karami ang mga sandali ng euphoria. Marami sa atin, hindi na napapansin dahil hindi naman ganoon kakomplikadong isipin na ang ating pagkatao ay nabubuo’t nahuhubog sa ating pang-araw-araw na gawain. Sa tuwing pumipili tayo, sa tuwing ginagawa natin ang isang bagay, sa tuwing sinasabi natin ang isang pahayag, hindi dahil sa pagkasabik o may inaasahang kapalit kundi dahil sa alam mo lang na ito’y mabuti at siyang nararapat na piliin o gawin o sabihin, doon nagiging panalangin ang ating buhay.

Kung gayon, nagsasakatawang-tao ang panalangin. Tayo at ang mga ginagawa natin ang manipestasyon ng panalangin.


Panalangin: O, Banal na Espirito, samahan mo akong buksan ang aking isipan at puso upang tanggapin ang liwanag na dulot mo. Sa mga pagkakataong nagtatalo ang aking diwa’t damdamin, tulungan mo akong buuin ang nagkapira-pirasong bahagi ng aking pagkatao. Sa mga pagkakataong alam ko naman ang dapat kong gawin subalit nakakaramdam ako ng kawalang-kapangyarihan, bigyan mo ako ng lakas para lumaban. Ang daang tinatahak ko’y madalas nakakawalang-gana, walang nagbibigay-dahilan para ako’y manabik at magpatuloy, hipuin mo ang aking damdami’t sigla. Sa mga panahong nararamdaman kong ako’y marumi, na parang wala nang puwang ang kalinisan sa aking buhay, pumarito ka’t panariwain mo ang aking pinakaunang alaala bago pa ako nagkasala, noong ako’y nasa palad pa ng Diyos Manlilikha. Sa mga pagkakataong napakalakas ng aking hangaring makontrol ang lahat, paluwagin mo ang aking hawak at turuan ang aking palad na madama ang kalayaan sa pagbitiw. O, Banal na Espirito, alisin mo sa akin ang kawalan ng gana. Tulutan akong makalipad nang lampas sa de-kahong mentalidad nitong mundo. Tulutan akong marating ang kailaliman ng pag-ibig kung saan ikaw ang aking pipiliin. Mahanap ko nawa ang puwang sa iyong dakilang pag-ibig. 
Amen.

Tuesday, June 18, 2013

Epektibo ba talaga ang manalangin?

Kapag humihiling sa akin ang ilang kakilala’t kaibigan na isama ko sa aking panalangin ang kanilang mga pansariling intensyon o kapag nangangako ako sa kanila na ipagdarasal ko ang kanilang mga intensyon, may mga pagkakataong natatanong ko ang aking sarili kung epektibo ba talaga ang manalangin para sa mga intensyon. 

Ayusin ko yung sinasabi ko: halimbawa, kapag may mga taong nananalangin para sa ulan samantalang may nananalangin para sa maulap o maaraw na panahon, ano kaya ang gagawin ng Diyos? Pagbibigyan ba Niya ang hiling ng ilan, at sa kabilang banda, hindi masasagot ang panalangin ng iba? Naitatanong ko: kung ang Diyos ang Siyang makapangyarihan at nakakaalam ng lahat, kailangan pa kaya Niya ng listahan ng mga bagay na dapat Niyang gawin upang maging maayos ang takbo ng mundo?

Sa isa sa aking mga “moments of silence and introspection,” tumambad sa aking realisasyon na sa tuwing ako ay nananalangin para sa isang bagay, mas nabubuhay sa aking harapan ang bagay o intensyon na iyon. Sa gayong realisasyon, masasabi kong napapalaki ng panalangin ang aking puso. 

Halimbawa, kapag nananalangin ako para sa kapayapaan ng mundo, nababalot ang aking diwa nitong kapayapaan. Kapag mas maraming beses kong ipinanalangin ito, mas nagiging prinsipyo na ng aking mga ideya, ugali at pang-araw-araw na buhay ang kapayapaan. Kapag ipanapanalangin ko naman ang isang tao, hindi na lang siya nagiging obheto ng aking panalangin kundi nagiging bahagi na ng aking isip at kilos. Nabubuhay akong may pagpapahalaga sa kanya. 

Hindi kailangan ng Diyos ang aking mga panalangin at petisyon. Ako ang may kailangan sa Kanya.

Sunday, June 16, 2013

Hindi man lang ako makapaghiganti sa Diyos!

Sa paghalungkat sa luma kong journal noong high school at college, nabasa ko ito. Natatawa ako at natutuwa. Natatawa ako na naisip ko na palang magsulat ng ganito noong bata-bata pa ako. Natutuwa naman ako na hindi ko itinuloy noon yung galit ko (na may bantang paghihiganti). Marahil hindi ko kasi alam kung paano ba gumanti ha ha. 
Kahit noon pa, marunong na akong magpigil ng galit. Nagdaramdam ako, madalas, pero agad-agad ding nawawala. Sapagkat sa tuwing malalagay ako sa sitwasyong "magdadamdam ako" sa isang tao o bagay o pangyayari, tanging "Diyos ko, ayaw ko pong magalit. Alisin mo po ang inis sa puso ko" na uri ng panalangin ang tumatakbo sa isip ko. Sabi ko nga sa matalik na kaibigan ko, "I usually do get upset most of the time...but for only five minutes." Sapagkat sa loob ng limang minutong yaon, nakapagdasal na ako't nawala na ang pagdaramdam sa puso ko.
Heto yung isa sa mga naging journal entries ko:
"Hindi man lang ako makapaghiganti sa Diyos! Hindi ako makatingin sa mukha Mo, bakit? Ramdam ko pa rin ang galit at kapaitan. Malungkot ako't nag-iisa, mahina, tinanggihan at walang importansiya. Naghihinagpis, trinaydor. Mayabang ako, matigas ang ulo, tamad at hambog.
Bakit hindi ako makatingin sa mukha Mo? Hindi, hindi dahil sa mga ito. Alam ko, hindi dahil sa mga ito.
Pinipigilan kong tingnan ang mukha Mo, dahil alam ko na sa pinakamasidhi kong galit at kapaitan, kalungkutan at pag-iisa; sa pinakaugat ng aking kahambugan, kayabangan at katamaran; siguradong makikita ko sa Iyong mukha yung kakaiba't mapagmahal Mong ngiti. Iyang ngiti na tanging Ikaw at ako lamang ang nagkakaintindihan. Naiisip ko pa lang 'yun, natutunaw na ako sa hiya. Wala akong karapatang magalit at maghiganti sa Iyo. Sorry, pero gusto ko lang talagang maramdamang kahit Ikaw man lang ay minamahal ako. Ikaw na lang po ang mamahalin ko."

Thursday, June 13, 2013

Sa harap ng Blessed Sacrament.



Ilang linggo na akong tumatambay sa Adoration Chapel ng OLA Parish. Mas masarap tumambay sa malamig na lugar ha ha. At napapanatag ang isip ko mula sa mga ingay sa labas. Sa pagdarasal, patuloy pa rin ako sa aking discernment sa mga bagay-bagay na bumabagabag sa aking buhay. Habang nagtatagal, namamayani sa akin ang tatlong magkakaibang pakiramdam: takot, pananabik, at tuwa.

Una ang takot. Kahit ngayon, iniisip ko na na may malaking pagbabagong magaganap kapag dumating yung araw na papasok ako ng seminaryo. Mula sa buhay na malalim ang koneksyon sa mga kaibigan, kamag-anak at pamilya, darating yung araw na lilimitahan ko na ang paggamit ng telepono/cellphone, email o maging Facebook at Twitter. Mula sa buhay na patuloy ang pagtatrabaho at pagsuweldo, kakailanganin ko nang huminto muna saglit, magtalaga ng oras sa pagdarasal, repleksyon, pagbabasa, at iba pa. Mula sa buhay na maginhawa at komportable, magkakaroon ako ng oras upang makilala nang mas mabuti ang sakit at paghihirap kapag personal kong pinagdaanan ito sa iba’t ibang mga “trials.”

Ito yung takot sa hindi nakikita, ang pangambang nag-uugat mula sa kagustuhan kong mailagay ang kontrol sa sarili. Natatakot ako sa maaaring mangyari sa mga kaibigan at pamilya ko na wala akong paraan para makasama’t makausap kapag nasa loob na ako. Natatakot ako sa malalaking pagbabago sa mga nakasanayan ko na. Natatakot ako sa pagdadaanan ko sa loob, walang pera kaya’t aasa lamang sa kabutihang-loob ng ibang tao. Ganito ang mga takot na naiisip ko habang nasa harap ng Blessed Sacrament, nangangako sa Diyos na papasok pa rin ako ng seminaryo sa kabila ng lahat ng ito.

Ikalawa ang pananabik. May mga nakakausap akong pari at seminarista, noon pa man at ngayon, na nagkukuwento sa aking masaya ang pagdadaanan sa loob ng seminaryo. Sa mga Heswita nga, na dating namuno sa aming parokya, pinakamasayang parte ng buhay daw nila ang dalawang taong pamamalagi sa novitiate. Hindi naman siguro ito labis na pananabik pero naniniwala akong mapagyayaman ang aking karanasan sa loob ng seminaryo, makakabuo ng bago’t matatag na relasyon kasama ng mga kapwa-seminarista sa mga lugar na aming pagsisilbihan, at mapagtitibay ko ang relasyon sa Diyos.

Nasasabik akong makasalamuha ang iba pang nais maglingkod sa Diyos. Nasasabik akong makarating sa mga lugar na hindi ko pa napuntahan, hindi upang makapagbakasyon at magliwaliw kundi upang makapagsilbi sa bayang pinili ng Diyos. Pero ang mas kinapapanabikan ko ay kung paanong mamahalin ako ng Diyos sa pamamagitan ng patuloy Niyang pagbibigay sa akin ng Kanyang grasya sa loob ng mahabang taong mamamalagi ako sa seminaryo. Napapawi ang aking mga takot dahil sa mga pananabik na ito.

Ikatlo ang tuwa. Maligaya ako sa buhay ko ngayon, at alam kong mas liligaya ako kapag napagtagumpayan ko ang hamon ng Diyos sa akin. May mas hihigit pa ba sa tuwang hatid ng Diyos sa isang taong pinipili ang kalooban ng Diyos para sa kanyang buhay?

Gaya ng Mahal na Birheng Maria, napupuspos ako ng sobrang katuwaan dahil sa araw-araw na grasya ng Diyos para sa akin, sa aking pamilya at mga kaibigan. At nag-uugat ang pasasalamat ko mula sa katuwaang kahit na ako’y makasalanan at hindi karapat-dapat humarap sa kabanalan ng Diyos, iniimbitahan pa rin ako ng Kanyang walang hanggan at dakilang awa at pagmamahal na makasama Siya sa aking buhay.

Habang sinusulat ko ito pagkagaling ko sa Adoration Chapel, nababalot pa rin ako ng takot (paano na kapag iniwan ko ang aking mga kaibigan?) at ng pananabik (ilang bagong kaibigan kaya ang makikilala ko roon?). Pero higit sa lahat, umalis ako sa harap ng Banal na Sakramento nang may tuwa sapagkat bibihira lang ang nakakatanggap ng grasyang maimbitahan ng Panginoon na sundan ang yapak Niya. Tuwa ito na parehong mayaman at hindi maipaliwanag, tuwa ito na tanging kay Kristo Hesus lamang nagmumula.

Nais kong tapusin ang blog na ito sa isang linyang binitiwan ni Miggy kay Laida sa katapusan ng huling pelikula nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na It Takes a Man and a Woman (na walang kasawaang pinapanood ng mga kaibigan ko ha ha). Sa Diyos ko naman nais itong sabihin, sa harap ng Banal na Sakramento sa Adoration Chapel, ang mga linyang ito: “Today I stand here in front of you in complete surrender. I have no worries. I have no fear because I know… I am sure I am yours.”


Matagal pa naman po akong mag-a-apply at papasok sa seminaryo. (Siguro, naghihintay pa ako ng isa pang signos mula sa itaas. Pero sa totoo lang, nagtatrabaho pa ako upang matulungan ang aking mga magulang sa pagtataguyod at pagpapatibay ng aming pamilya.) Pero ngayon pa lang, nanalangin ako sa Diyos na bigyan pa ako ng katatagan at katapangan na huwag akong mabahala at maligaw sa pagtahak sa landas Niya. Humihiling ako ngayon pa lang na sana isama ninyo sa inyong panalangin na matupad ko talaga ang kalooban ng Diyos. 

Sunday, June 9, 2013

Happy birthday!

Hindi. Hindi ko talaga birthday ngayon! Sa September 7 pa. Tatlong mahahalagang araw ko ipagdiriwang ang birthday ko: sa September 6 sa Quiapo sa First Friday Mass, sa September 8 sa Marian Procession, at sa September 15 sa kapistahan ng Virgen de Dolores ng Pakil, Lguna.

Pero ang utak ko ay patuloy sa pag-iisip tungkol sa araw na once upon a time, sinabi ng Diyos, "Let there be Keith Buenaventura!" Sobra akong natutuwa kapag naiisip ito.

Wala pa ako noong planong pumasok ng seminaryo. Pero sumasali na ako noon sa gawain ng aming kapilya. Mayroong Children's Mass tuwing Linggo ng umaga. Mga batang pari (o brother pa nga yung iba: naalala ko sina Bro. Javy at Bro. Francis na ngayo'y mga pari na) mula sa Ateneo ang nagmimisa. Lagi akong excited sa Children's Mass. Doon ako naging Lector/Commentator at paglaon ay inimbitahang makasali sa Cathechetical Ministry para maging batang katekista. Atenista na ako noon. Nakakilala ako ng mga kaklaseng galing pa sa bansang East Timor na gustong maging Heswita. Hindi pa ako noon naaakit sa calling na meron sila. Pakiramdam ko pa noon, ang pagpasok sa seminaryo ang modernong bersyon ng pagiging martir. Isipin mo na lang, kailangan nilang pagdaanan ang buhay na hiwalay sa mahal nila sa buhay sa loob ng sampung taon na puro formation! Parang antagal. Oo, sobrang tagal nga noon. Graduate na ako sa Ateneo, sila naroon pa rin.

Pero kapag tumawag pala ang Diyos, hindi mo mahihindian. Talo Niya ang sinumang pinakamasugid manligaw. At noong papatapos na ako sa Masteral sa Ateneo, parang nag-iba ang pakiramdam ko. Mukhang seryoso talaga ang Diyos sa akin. All of a sudden, biglang gusto kong pumasok sa seminaryo. Siyempre magugulat ang lahat, lalo na ang pamilya ko. Sa padalos-dalos kong pasya, mabuti't napayapa ang aking nararamdaman pansamantala ng isang mabuting pari sa OLA Parish. May kasunduan kami. Hindi lang kami nung pari. Ako at ang Diyos, kami ang may kasunduan. Masaya ako ngayon sa aking buhay. Pero alam kong mas sasaya ako ilang taon pa mula ngayon, pagpasok ko ng seminaryo. =)

Sa tanda kong ito, sa iba't ibang pinagdaanan ng buhay ko, maraming problema at pangamba. Isang bagay na natutuhan ko sa mga taon ng buhay ko ay kung paano mahalin ang Diyos kahit minsa'y hindi ko Siya maintindihan. Ang kagustuhan Niya ay ibang-iba sa kagustuhan ko. May mga plano ako pero ang plano Niya para sa akin ang mas mahalaga. Ang pinakamahalaga. Maraming beses na akong nakakaranas ng madidilim na gabi sa aking buhay-pananampalataya. Pero nagpapasalamat pa rin ako sa Kanya sapagkat lagi pa rin akong gumigising sa umaga nang nakatanim sa isip na mayroon pa akong mas maliwanag na hinaharap. Sigurado akong araw-araw na binabagyo ang langit ng mga panalangin ng mga tao para sa akin. Salamat po sa inyo!

Mga kaibigan, kaunting panahon na lang at magpapaalam ako sa inyo sa naging desisyon ko. Ipanalangin niyo sana ako. Sa pamamagitan ng inyong panalangin, mas nararamdaman ko ang katapatan at pag-ibig ng Diyos sa aking buhay. Bahagi kayo ng bokasyon ko. Salamat ha. Nawa'y manahan ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus sa puso nating lahat. Amen.

Saturday, June 8, 2013

Bayang sumisinta kay Maria.








Matagumpay ang pagdaraos ng National Consecration to the Immaculate Heart of Mary kaninang alas diyes ng umaga sa mga katedral, dambana at parokya sa buong Pilipinas. Kasama ko ang kaibigang si Abi sa pagdalo sa Misa sa Katedral ng Antipolo, ang Dambana ng Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Nung dumating kami sa Katedral, homily na agad ng pari. Dali-dali kaming pumasok sa simbahan. Akala ko talaga yun na yung Misa ng Pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria. Mabuti na lang, hindi pa pala iyon. Dahil mismong si Bishop Gabby Reyes ang nag-preside sa sumunod na Misa. Pasado alas diyes na nagsimula. Masarap sa pakiramdam kapag Obispo ang nagmimisa. Nakakaengganyong makinig sa kanyang sasabihin sa homily. Kaso ang hina na talaga ng boses ni Bishop Gabby. May mga pahayag siya na hindi na namin marinig nang maayos. Pero nakuha ko pa rin naman ang punto o buod ng kanyang pangangaral.

Pagkatapos ng Misa, siyempre naglibot pa kami sa simbahan at kumuha ng mga litrato ng mga santo at ng napakagandang retablo. Nakunan ko rin ang mga imahen ng Immaculate Heart of Mary at Sacred Heart of Jesus na malamang ay ipinrusisyon kagabi. Nakita pa nga namin yung pilgrim image ni Mama OLA na ginagamit sa taunang Lakbay-Dalaw. Ginamit yun malamang sa katatapos lang na Ahunan sa Antipolo na pinangunahan ng parish at ng Marikina City government.

Nakakatuwa si Abi sapagka't gustong-gusto pa niyang manood ng wedding entourage at hindi man lang nakaramdam ng gutom gayong pasado alas dose na ng tanghali noon at sabi niya'y di pa siya nakapag-almusal. Banat ko pa sa kanya, hindi lang naman sa pagkain nabubuhay ang tao. Tutal naka-dalawang beses naman kami nagkomunyon. Nakakabusog na yun. Ha ha.

Heto ang ilan sa mga kuha kong litrato.









Pueblo Amante de Maria”: Isang Bayang Sumisinta Kay Maria


Ito raw ang dahilan ng ating pagtatalaga ng sarili sa Kalinis-linisang Puso ni Maria: na siya ang Ina nating lahat na tunay na tumutulong sa atin upang magkaisa. Sa ating kasaysayan, naging bayan tayong sumisinta sa kanya, isang bayan at isang bansa. Sa panahon man ng kahirapan at kagipitan, ng kadiliman at kawalan ng pag-asa, basta nagdarasal tayo sa kanya, lagi siyang dumarating at ipinaparamdam sa atin ang pag-ibig ng Diyos. 

Ina ng Peñafrancia man ng Bikol o Nuestra Señora de Guia ng Ermita, Manila, Virgen de la Paz y Buenviaje ng Antipolo o Virgen del Santissimo Rosario ng La Naval, Manila at Manaoag, Pangasinan, Mother of Perpetual Help man ng Baclaran o Virgin of Miraculous Medal ng Sucat sa Parañaque, Our Lady of Piat ng Cagayan o Our Lady of Caysasay ng Taal, Batangas, Nuestra Señora de Guadalupe man ng Makati at Cebu o Our Lady of Lourdes ng Sta. Mesa Heights sa Quezon City, Nuestra Señora de Candelaria ng Jaro, Iloilo o Nuestra Señora del Pilar ng Zamboanga, Our Lady of the Abandoned ng Sta. Ana, Manila at Marikina o Our Lady of Light ng Cainta, Rizal...simula pa lamang ito ng isang litanya, ng mas mahabang litanya, kung saan halos lahat na ng panig ng ating bayan ay kikilalanin ang pangalan ng Mahal na Birheng Maria.

Gaya nga raw ng sabi ni dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin nang ipinagdiwang ang Marian Year noong 1980's: “When our land was not yet one land, and our people not yet a nation,...it was she, the Mother of Jesus the Incarnate Son, who became our first bonding tongue, the first common language of our hearts, the symbol of a new race to whom oneness and peace would come in time, as a gift of the Father in heaven, but as a gift which would reach us through her loving hands.”

Sa taong ito ng Pananampalataya o Year of Faith, ang pagtatalaga natin bilang nagkakaisang bayan sa Immaculate Heart of Mary, ay pagpapakita ng ating "renewal" sa di mapasusubaliang pagtitiwala natin sa kanya, ang ating pag-ibig sa kanya---siya na ngayon, at kahit pa man noon, ay atin nang Reyna at Ina ng awa,---vita, dulcedo et spes nostra salve: tama, ang aming buhay, katamisan at pag-asa.


Thursday, June 6, 2013

May himala!

Isang araw, bumili ako ng rosaryo. Sa unang gabi nung religious article sa aking pag-aari, nagkaroon ito sa akin ng sentimental value na siyang dahilan para magdasal ako ng rosaryo. Lampas alas onse na at tulog na ang lahat sa bahay. Tahimik akong bumaba para magrosaryo.

Pinili kong sa ibaba magrosaryo para walang makakita sa aking nagdarasal. Kaya hayun, nakaluhod ako sa imahen ng Birheng Maria, katabi ng Sto. Niño. Nakapikit ang aking mga mata, nakalahad ang aking mga kamay hawak-hawak ang mga butil ng rosaryo. (Kita mo, ganun na ako kaseryoso!)

Matapos magdasal, naupo ako sandali at saka nagdesisyong bumalik na sa taas para humiga. Nagulat ako sa aking nakita! Sa maniwala ka o sa hindi, lumiwanag ang rosaryong hawak ko. Kinusot ko ang aking mga mata upang makasiguro kung namamalikmata lang ba ako. Diyos ko, lumiliwanag nga talaga! Sa ilang sandali pa, bumilis ang tibok ng puso ko at namuo ang butil-butil na pawis sa di-mapaniwalaang pangyayari. Pero saksi ang Diyos, totoong-totoo talaga itong nakita ko.

Nagmadali na akong umakyat at bumalik sa pagkakahiga. Nagtalukbong ako ng kumot. Pero hindi ako madalaw man lang ng antok nung gabing iyon. Hindi pa rin mawala sa isip ko yung nakitang pagliwanag ng rosaryo. Inikot ko ang paningin. Tulog na sina mama, papa at mga kapatid ko.

“Himala iyon!” nasabi ko.

Naisip ko na baka magpakita sa ilang saglit ang Mahal na Birhen. Ano’ng sasabihin ko sa kanya? Kahit kailan hindi sumagi sa isip ko na maging lalaking bersyon ni Bernadette Soubirous! Ano na ang gagawin ko? Bakit ako? Paanong ang isang makasalanan ay nararapat makaharap ang Ina ng Diyos? Baka paanyaya yung lumiliwanag na rosaryo sa napipinto niyang aparisyon. Naramdaman ko yung halo-halong emosyon sa loob ko. Isang natatanging pribilehiyo kung magpapakita siya sa akin. Pero sa kabilang banda, paano ko sasabihin sa pamilya ko at sa ibang kakilala ko na merong nangyaring himala?


Sa sumunod na gabi, ganon ulit ang ginawa ko. Hinintay kong makatulog silang lahat saka ako bumaba hawak ang rosaryo. Taimtim akong nanalangin kasabay ng tahimik na paghihintay na magpapakita ang Mahal na Birhen. Kaso hindi siya nagpakita. Pero hindi nabawasan ang kasiyahan ko dahil lumiliwanag pa rin yung rosaryo.

Bago ko pa nalaman, nakaugalian ko nang magdasal ng rosaryo tuwing gabi. Sabik akong maghihintay na makatulog muna ang mga kasama sa bahay para walang makakakita sa akin. May mga gabi nga na ginugugol ko yung gabi na nakatitig lang sa rosaryo.

Hanggang isang gabi, sobrang pagod ako sa paglalaro at hindi ko na mapigilang antukin. Dahil hindi ko na talaga kaya ang antok, nagdesisyon akong tapusin na lang ang unang misteryo at saka matulog.

Nang tingnan ko ang rosaryo, tanging yung mga butil lamang ng unang misteryo ang lumiliwanag. Sobra akong natakot at nabahala. Baka nagalit ang Mahal na Birhen sa aking katamaran. Nung gabing iyon, talagang nahihiya ako dahil sa naramdaman kong pagka-guilty.

Yung insidenteng iyon ang nagbigay-daan para i-devote ko ang bahagi ng aking oras kada gabi para magdasal ng rosaryo. Kada pagdarasal, sinisigurado kong nasasamahan si Maria sa kanyang tuwa at hapis, lalo na ang pagpapakasakit at kamatayan ng kanyang anak na si Hesus.

Sa pagkakataong hindi ko inaasahan, dumating ang katotohanan. Nakakatawa pero totoo. Isa na namang nakakapagod na araw at nagdesisyon akong huwag muna magdasal. Nagsipilyo lang ako bago matulog at hindi inisip na magagalit sa akin si Maria. Nang tingnan ko ang rosaryo sa dilim, lumiwanag ito.

Hanggang sa nagkaroon ako ng lakas ng loob na ikuwento ito sa aking kaibigan (sa elementarya) at tinawanan niya lang ako. “Sira ka talaga! Luminous ang rosary mo!”

Nung mga panahong iyon, wala talaga akong kaide-ideya tungkol sa mgaluminous objects. Grade four pa lang ako noon. Ha ha ha! Habang inaalala ko iyon ngayong ipagdiriwang ng sambayanang Katoliko sa Pilipinas ang National Day of Consecration of Filipinos to the Virgin Mary sa June 8, masasabi kong isa iyong humbling experience. Wala talaga akong kaalam-alam na ang rosaryong nabili ko ay kumukuha ng liwanag mula sa fluorescent para mag-glow in the dark. Kahit na isa lang pala iyong natural phenomenon, dumating sa aking buhay ang isang himala. Mahal ako ni Mama Mary at mahal ko rin siya.