Upang makaengganyo ng marami-raming miyembro sa kanilang kongregasyon, marami sa mga denominasyon ng simbahan ngayon ang ina-advertise ang kanilang sarili, ipinakikita ang pinakamagandang imahe ng kanilang kongregasyon. Pero merong Simbahan na magkasabay na nadadagdagan at nababawasan ng miyembro, na hindi madalas nagsasalita para sa kanyang sarili, at mas maraming masasamang publisidad ang nakukuha kaysa magaganda, hindi ba? Kunsabagay, siya ay Simbahan ng mga makasalanan.
Ipinagmamalaki at ipinagpapasalamat ko ang pagiging Katoliko. Bilib ako sa Simbahan na nadedekorasyunan ng napakaraming kabalintuan. Hangga't hindi siya titingnan ng isang matang sumasampalataya, hindi nila siya maiintindihan. Kaya nga ang misteryo ay ipinakikita sa mga simple lamang.
Muli at muli, ang Simbahan at kanyang mga lider/miyembro ay nasasangkot na naman sa iskandalo. Naguguluhan ang mga mananampalataya kung paanong ang mga gagabay sa moralidad ng lipunan ay makagagawa ng, o makikibahagi sa, ganitong iskandalo. Nagsisimula silang magtanong, kung importante pa ba ang Simbahan ngayon gayong hindi niya maisabuhay ang kanyang mga ideolohiya? Importante pa ba ang Simbahan ngayon gayong may mga bago at mas nakapupukaw na ideolohiya ang namamayani sa lupaing sekular at paganong pananampalataya? Mahalaga pa kaya ang kanyang mga turo at utos gayong ito'y napakahirap samantalang ang mga alternatibo ay mas madadali?
Nagsisimulang mawalan ng pananampalataya ang mga tao, at sa kawalan ng pananampalataya ay nawawalan na rin sila ng pag-asa hanggang sa mahulog sila sa bitag ng kawalang-katiyakan o pagdududa, at hindi na mapahalagahan ang tama at totoo. Ang tunay at totoong Simbahan ay, siya ay Simbahan ng mga makasalanan. Simula ng maipanganak siya hanggang sa ngayon, siya ay makasalanan. Ang kaniyang mga miyembro ay nahuhulog bawat araw sa mismong mga bagay o pangyayari na ipinupukol nila sa kanilang Simbahan. May bahid siya ng kasalanan, mahina, at nakalilimot sa kung paanong ganon din ang ginagawa ng kaniyang mga miyembro. Oo, hindi perpekto ang aking Simbahan.
Kaya nga siya ang madalas pukulin ng mundong nagmamalaki ng kanyang balikong pagpapahalaga. Tinitingnan siya bilang tradisyonal at lumang relikya ng nakaraan na dapat maalis sa post-moderno at masalimuot na mundo. Iniinsulto siya bilang ganid, pangit at kalaban ng kaginhawahan. Gayon ang trato sa kanya ng mga tao dahil nakikita nila ang repleksyon ng kanilang tunay na mukha sa Simbahan. Pinapaalala kasi ng Simbahan ang kanilang kapangitan gayong kumbinsido na sila sa kanilang bagong mukha at pilit nilang kinakalimutan ang kapangitan at pagkamakasalanan.
Kahit madilim ang mga kuwentong bumabalot sa aking Simbahan, nananatili pa rin siyang maganda. Hindi lang dahil sa kanyang ginagawa, kundi dahil siya ang pinili. Hindi siya umiral dito dala ng kanyang sariling kagustuhan o ng pagkamasigasig ng labindalawa. Gaano man siya kamakasalanan, dinamitan siya ng pinakamalinis at pinakamaputing damit pangkasal upang maging kabiyak. Kahit galing siya sa putik at dumi, si Kristo mismo ang pumili sa kanya upang maging asawa.
Oo, tayo ay Simbahan ng mga makasalanan. At oo, yung tinatawag nating mga Santo at Santa ay makasalanan din at ang iba pa'y makasalanan din, mula sa pinakamakapangyarihang tao sa tuktok ng hirarkiya hanggang sa pinakamaliit at hindi kilalang miyembro. Ngunit heto ang Simbahan ng mga makasalanan na iniligtas, inililigtas, at ililigtas ng isang Dakilang Mangingibig na inibig siya hanggang sa Kanyang huling hininga. Sapagkat ang pagkamakasalanan ng Simbahan ay walang-wala kung ikukumpara sa pagmamahal na mayroon Siya para sa atin.
Sa kanyang imperpeksyon ginawa siyang perpekto. Sapagkat kung noon pa'y perpekto na siya, hindi na niya kakailanganin ang kanyang Kristo. Hindi na niya kakailanganin ang Pag-ibig subalit lubos niya itong kailangan sapagkat ang pinakamalalim na sugat ng sangkatauhan ay naghuhumiyaw para sa kanyang paggaling. Kaya kinuha ng Groom ang kanyang bride sa karumihan at nilinis. Binasbasan Niya ito sa Kanyang kagustuhan at ginawang maganda. Ang pribilehiyong ito, hindi man karapat-dapat tanggapin, ay hindi malalampasan ninuman at siyang dahilan ng inggit ng mundong ayaw nang makibahagi sa pag-iisang-dibdib na ito.
Tinatawag nila tayong makasalanan at totoo naman ito. Ngunit nakikita ba nila tayong nagsusumikap bumangon muli? Nakikita ba nila ang ating ginagawa upang maabot ang nakadipang mga kamay ni Kristo na humihiling sa ating bumalik sa ating mga paa, sa dati nating dignidad? Hindi, nakikita lang nila tayong nahuhulog at gusto nilang makita tayong mahulog sapagkat napakagandang balita iyon para sa kanila. Kaya nga nagagalak tayo sa ating kahinaan. Ngunit hindi nila malalaman na sa ating kahinaan ginagawa tayong malakas ng Diyos na Siyang ating lakas. Diyos ang pumili sa atin. We are the bride of Christ.
Katoliko ako. Hindi ako perpekto ngunit nagsusumikap akong magiging perpekto sa pamamagitan Niya na Siyang aking lakas.
No comments :
Post a Comment