May anim na pagbabago sa takbo ng buhay ko. Iisa-isahin ko na ngayon.
- Nagbago ang pang-araw-araw kong gawain. Nagkaroon ako ng panahon para mas mataimtim ang pananalangin. Ganito ang naging iskedyul ko kada araw:
05:30 AM: Lauds
06:30 AM: Pag-alis ng bahay; Biyahe papasok sa Makati
07:00 AM: Morning Prayer; Rosary
08:30 AM: Simula ng walong oras na trabaho
12:00 NN: Midday Prayer; Angelus (Regina Coeli kapag Easter season)
12:15 PM: Mass sa BPI Chapel (at choir member na ako!)
01:00 PM: Lunch kasabay ang mga katrabaho
01:30 PM: Balik sa trabaho
06:00 PM: Pagbibiyahe pauwi ng bahay; Vespers habang nagbibiyahe
07:30 PM: Dinner
10:30 PM: Evening Prayer; pagbabasa ng Didache readings para sa susunod na araw
Kapag Sabado at Linggo, siyempre, may oras ako para mas makapagpahinga sa bahay. Sa hapon o sa gabi naman ako nagsisimba sa DSPOLA. May oras din ako para sa mga kaibigan, lalo na sa paggagala at paglalaro ng badminton at/o bowling. At kapag Lunes, sabik pa rin akong makauwi ng maaga para makasama ang mga Obreros de la Nuestra Señora de los Desamparados sa pagrorosaryo at pagdarasal sa Birhen ng Marikina sa ganap na ikasiyam ng gabi.
- Nagagamit ko ang aking oras sa makabuluhang bagay. Dahil alam kong ilang oras lamang ang pagitan mula sa umaga hanggang sa tanghali at mula sa hapon hanggang gabi, bawat oras ay ginagamit ko nang maayos. Naiiwasan ko na ang ma-stress sa oras. Mas nasasabik ako sa bawat oras na daraan.
- Kakaiba ito pero napansin kong mas pinahalagahan ko ang oras ng pagkain. Hindi lang dahil sa masarap na pagkain at masasayang kasama o kasabay sa pagkain. Ang pagkain sa takdang oras sa bawat araw ay nangangailangan ng sakripisyo: binibigyang importansya ko na ang pagkain kaysa ibang gawain. Kapag nagsabi akong kakain ako sa ganap na ala una ng hapon, hindi ko iyon ipinagpapaliban. Ang resulta ay nasasabik ako sa bawat oras ng pagkain sapagkat naghahatid ito sa akin ng saya na kaya kong isakripisyo ang ibang gawain para sa biyayang ito.
- Sabi ko ihahabilin ko sa Diyos ang aking buhay. Siya ang bahala sa akin. Sa hinaharap. Na sampu o dalawampung taon mula ngayon, magtitiwala pa rin ako sa Kanyang kabutihan. Pero hindi lang pala dapat ganito. Dahil sa naging takbo ng buhay ko araw-araw, mas isinuko ko ang buhay ko sa Diyos bawat araw, bawat oras. Mas nagtiwala ako sa Kanya, na may Divine Providence at Divine Intervention. Kumikilos ako sa bawat araw nang iniisip na nariyan ang Diyos na gumagabay sa akin.
- Hindi ako sanay sa interruptions o biglaang pagkaantala. Hindi na ngayon. Sapagkat natutuhan ko nang ilagay sa perspektibo ang aking mga plano. Madami akong ginagawa sa trabaho pero hindi nahahadlangan nito ang aking oras para magdasal at magsimba. Dati naiinis ako kapag oras na para sa Misa o sa pagkain ngunit hindi pa ako tapos sa aking ginagawa sa trabaho. Parang ayaw kong tumayo. Gusto ko lang munang tapusin. Pero nakakatuwa na dahil pinipili kong sundin ang oras na itinakda ko para sa aking sarili, mas napapayapa ako sa bawat araw. Pinaaalalahanan ko ang aking sarili na hindi (lang) trabaho ang sentro ng aking buhay.
- Ang sentro ng buhay ko ay inilalaan ko sa Diyos. Gusto kong kausapin Siya palagi. Parang mas napapalaya ako ng pagtiktak ng oras. Pinipili kong sundin ang oras bilang pagsunod ko rin sa Diyos. Mas nagiging sentro ko na Siya kaysa ibang bagay. Mas sumasaya ako sa bawat araw. Sana nga laging ganito ang araw ko.
Simple lang talaga yung usapan namin ni San Pedro Calungsod. Na turuan niya akong manalangin. Gabayan niya ako sa aking mga panalangin. At tulungan niya akong gawing sentro ng buhay ko ang pananalangin.
Sapagkat nang makilala ko siya nung naging katekista ako noong 2005, napansin kong may kakaiba siyang aura. Kung ano yun, saka ko na lang napag-isip-isip. Na maikli man ang naging buhay niya, inialay niya iyon sa Diyos sa bawat niyang pananalangin, pagsama sa misyon at pag-aalay ng buhay para sa kapwa.
No comments :
Post a Comment