Humingi ka sa Diyos ng isang kendi, at bibigyan ka Niya ng dalawa.
Hilingin mong mangyari nawa sa iyo ang mga masasamang bagay at ibibigay iyon sa iyo ng Diyos sa paraang makapagpapabago ng iyong persepsyon sa kabutihan. Huwag kang humiling at masusurpresa ka sa mga ipagkakaloob Niya sa iyo na mabubuting bagay.
Ito ang aking mga karanasan sa mahabagin at mapagmahal na Diyos. May mga pagkakataon din na nararamdaman ko ang sobrang takot at kawalang-pag-asa at nagagawa kong akusahan ang Diyos noon na hindi nakikinig sa akin. Pero sa huli, lagi akong nakakaramdam na maging mapagkumbaba. Limitado ang aking pag-iisip at di kayang unawain ang mga kilos ng Diyos. Hindi ko naiintindihan yung maliliit na mga bagay at pangyayari na ipinadadala Niya sa akin, pa-isa-isa, upang maging solusyon sa mga problema ng tulad kong kayhilig magprotesta sa Kanya.
Noong bagong graduate lang ako ng Masters’ mula sa Ateneo, halos dalawang buwan akong walang mahanap na trabaho. Buong lakas ng loob akong nag-apply sa mga kompanya subalit parang walang may gustong tumanggap sa akin. Nanalangin ako sa Kanya para sa inaaasam na trabaho, yung sasapat para sa aking pamilya ang kikitain ko. At yung hindi ako mahihirapan sa gawain. Sinagot Niya ang aking dasal. Narito ako ngayon sa bangko, bilang isang officer, at masaya sa mga gawain araw-araw. Mayroon pa akong oras para magsimba at magsilbi sa Banal na Misa.
Subalit hindi agad nakahain sa isang pinggan ang pagsagot ng Diyos. Naiintindihan ko na ang Kanyang pagsagot ay kinapapalooban ng hamon para mas mapatatag pa ang aking pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Mahirap man pero nauunawaan ko na ngayon na ang Kanyang sagot ay hindi laging ang sagot na nais kong marinig o makuha. May pananampalataya ako sa Kanya kaya’t tinatanggap ko ang katotohanan at pinaniniwalaan ko nang buong puso na ang sagot Niya ang tamang solusyon sa iniluluhog kong problema.
Kumikilos ang Diyos sa Kanyang pamamaraan at sa Kanyang oras. Laging mabuti ang Kanyang gawa. Hindi ako natatakot na walang tutulong sa akin sa kadiliman ng aking buhay. Hindi Niya tayo iiwan at pababayaan kailanman.
Noon, maraming pagkakamali at pagbagsak ang aking naranasan na siyang naghasik sa aking puso ng takot at kawalang-paniniwala. Nagigimbal ang aking damdamin sa tuwing may kinakaharap akong problema. Kaybuti ng Diyos sapagkat hindi Niya ako binitiwan. Kaysaya ng bawat sandaling nawawalan ako ng problema.
Kaybuti ng Diyos at ang Kanyang kabutihan ay lampas sa kaya nating maunawaan. Sa grabeng kabutihan Niya, isinugo Niya ang sariling Anak upang mailigtas ang tao. Yung isipin lang ito – iyan ang nakapagpapanatag ng aking diwa. Ganoon kagaling, kabuti, kabait, kaibig-ibig ang Diyos. Mapagbigay Siya sa lahat ng oras, sa kahit na anong panahon.
Wednesday, August 7, 2013
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment