Thursday, August 8, 2013

Debosyon.

Ginanap sa kasalukuyang Bikol, masugid na deboto si Mando (Paulo Avelino) ng Birhen ng Penafrancia. Naging debosyon niya iyon para sa ikararami ng kanyang ani. Dahil hindi pa panahon ng anihan, kumikita si Mando sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga orchids sa gubat at ipinagbibili niya ito sa kabayanan. Isang araw, nakakita siya ng napakagandang orchid. Nang subukan niyang kunin iyon, nawalan siya ng balanse at nahulog mula sa puno.

Tinulungan siya ni Saling (Mara Lopez), isang mabait ngunit misteryosang dalaga na mag-isang nakatira sa gubat. Dahil sa kanilang pagkagusto sa musika, pareho silang nabitag ng kanilang pag-ibig. Kahit sinsero ang pagmamahal ni Mando kay Saling, nanatiling misteryosa ang dalaga. Pagtagal-tagal ng kanilang pagkakakilala, ipinakita na ni Saling ang misteryong bumabalot sa kanyang pagkatao na nagdulot ng pagdistansya nila mula sa isa't isa. Hindi matanggap ni Mando na umiibig siya sa isang engkantada. Kay Oryol na sa sinaunang kuwentong Bikolano ay ang babaing isinumpang maging ahas.

Napatanong ako sa sarili nung pinanonood ang pelikula: iiwan na ba talaga ni Mando si Saling? O pipiliin niya ang pag-ibig kaysa pagdistansya. Ang pelikulang Debosyon ay hindi lang kuwento ng pagmamahal ng maraming beses at pagkasakit dahil sa pag-ibig, kundi isa ring salamin ng malalim na obserbasyon sa kultura at debosyong Filipino.

Ang Debosyon ay kuwentong naririnig natin mula sa mga taong nasa laylayan. Sa mga gilid gaya ng gubat, taniman at tabing-dagat. Ito'y tila nabasa ko na noong bata pa ngunit may kung anong lalim at bigat ang tema. Hindi ako makapaniwala sa katapusan ng eksena at para sa akin ay hindi dapat doon natapos iyon. Pero naunawaan ko naman pagkatapos na maganda rin naman pala ang katapusan ng pelikula. Binigyang-diin at bigat ang pagpapalitan ng salita nina Mando at Saling. Nakakaantig sa puso, at kaalinsabay niyon, napag-iisip kang talaga.

Sa katapusan ng pelikula, tinanong ni Saling si Mando kumbakit binalikan pa siya ng binata. Simple pero may lalim ang sagot ni Mando. Nakita niya ang mga mata ni Saling sa mga mata ng Ina ng Penafrancia. May nais sabihin ang Debosyon. Na ang pag-ibig ni Saling ay tumatalab sa puso ng binata. Hindi sumpa ang ibigin si Saling. Isa itong biyaya. Iyon ang mga matang maawain, maalam at matamis ng Mahal na Ina.

Gaya ni Mando, nahuhumaling na rin ako sa aking pagdedebosyon sa Mahal na Ina. Hindi sa Ina ng Penafrancia kundi sa Ina ng Walang Mag-ampon. Yung makita lang siya sa altar ng simbahan tuwing Lunes (para sa pagrorosaryo sa Monday Devotion) ay talagang nakagagaan ng pakiramdam. Tila ba binibigyan ako ng lakas para sa mga susunod na araw ng pagbibiyahe at pagtatrabaho. At nang sa pagbabalik ulit ng Lunes ay sabik akong muli na umuwi mula sa trabaho, nagmamadali upang makahabol sa pagrorosaryo at pagdarasal sa Mahal na Ina.

At naniniwala ako na ang bawat puso ng mga Pilipino ay may nakalaang puwang para sa mga Ina. Sa mga inang nag-aruga sa atin mula pagkabata, at sa namumukod-tanging Ina sa lahat ng mga ina.



No comments :

Post a Comment