Ngayong araw ipinagdiwang ng Simbahan ang dakilang araw ng kapistahan ni Sta. Monica. Siya ang ina ni San Agustin na nanalangin nang mataimtim sa loob ng mahabang taon. Sa edad na tatlumpu, sumagot sa tawag ng grasya ng Diyos si San Agustin. At alam na natin ang sumunod na mga istorya. Ginamit ng Diyos si San Agustin upang maipalaganap ang Mabuting Balita, matulungan ang Simbahan sa pagpapalaganap ng pananampalataya sa pamamagitan ng kanyang mga sinulat. Patuloy na nakapagpapabago ng buhay ang kanyang otobayograpiya, ang Confessions.
Sa dami ng mga Internet searches, email shopping, text messages, tweets at instant credit, umiiksi ang ating pasensya sa mga bagay-bagay na nakauubos ng ating oras. Gayundin, gusto natin ng instant na sagot sa ating mga panalangin. Si Sta. Monica ay modelo ng birtud ng pasensya. Ang kanyang mahabang panahon ng pananalangin, na sinamahan ng matatag at disiplinadong karakter sa buhay, ang siyang naging dahilan ng pagbabalik-loob ng kanyang mainipin at mainising asawa, matapobreng biyenang babae, at ang kanyang matalino ngunit napariwarang anak na si San Agustin.
Si Sta. Monica ay patron ng mga ina. Kasinghalaga rin ng pagdiriwang ngayon ang kaarawan ng aking ina. Salamat kay Mama na nagdala sa akin dito sa mundo. Sa kanyang napakaraming sakripisyo, luha at pagmamahal na siyang nagpalaki sa akin bilang ako ngayon. Alam mo kung gaano kita kamahal. Patawad sa aking mga pagkukulang. Ilang linggo na lang, ako naman ang magdiriwang ng kaarawan. Sa bawat kaarawang iyon, pinaaalalahanan ako kung gaano kalaki ang aking utang na loob sa iyo. Masuwerte ako na kayo ni Papa ang naging mga magulang ko. Napakadakila niyong mga magulang na nagbigay ng pag-ibig sa kabila ng lahat. Salamat sa pagtitiwala at pagpaparamdam na ako'y taong may dangal. Mahaba ang listahan ng aking mga ipinagpapasalamat ngunit natatakot akong baka maging litanya lamang dito. Hiling ko lang na sana ano man ang maging buhay ko ay magbigay nawa ng karangalan sa inyo at maramdaman niyo sana kung gaano ako kasaya na binuhay at ginabayan niyo ako.
Panalangin ko na sa pamamagitan ni Sta. Monica ay mapuspos ka pa ng pag-ibig para sa aming lahat na iyong pamilya. Ipinagdarasal kita palagi. Nawa'y kahabagan tayo ng Diyos, at pagpalain kailanman. <3
Tuesday, August 27, 2013
Nawa'y kahabagan tayo ng Diyos at pagpalain kailanman.
Labels:
mother
,
mothers' day
,
panalangin
,
prayer
,
saint
,
Sta. Monica
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment