Ilan sa mga markang iniwan niya noon ay baha sa halos buong bahagi ng Kamaynilaan, mga sibilyang istranded sa kanilang opisina o tahanan, naglulutangang mga kotseng inabandona sa highway at kalsada, nasirang mga imprastraktura na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso, at listahan ng mga namatay na daan-daang biktima na marahil hanggang sa huling sandali ay ginawa ang lahat upang makaligtas, subalit kahit ang hangaring mabuhay ay hindi napagtagumpayan sa huli. Yung nangyaring Ondoy noong 2009 at ng Sendong noong 2011 at ng Habagat noong 2012 ay tunay ngang hindi lang mga bagyo ng mundo, kundi mga bagyo ng ating buhay.
Noong panahong yaon, wala akong magawa, ngunit ang isiping wala akong magawa ay di kailanman naging opsyon para sa akin. Yung mga taong may halaga sa akin, lahat-lahat ay nasa bahay samantalang ako'y malayo at wala akong paraan upang malaman ang eksaktong nangyayari sa kanila at kung sila ba'y ligtas. Sinubukan ko talagang magpakatatag. Pinagsikapan kong magdasal nang mas mataimtim kaysa ano mang dasal na nagawa ko noon dahil iyon ang tangi kong magagawa at ang magtiwala - na bubuti ang lahat. Lahat ng misteryo ng Sto. Rosario, sunod-sunod na pananalangin, ang siyang nakasama ko noon. Nung mga panahong yaon, nalaman ko kung paano ang mag-isa.
Sana isa akong superhero noon para makalipad at magkaroon ng mga superpowers upang makuha ko ang aking mga mahal sa buhay at matiyak ang kanilang kaligtasan. Subalit hindi ko kaya at hindi kailanman mangyayari iyon. Gaya ng text sa akin ng isang kaibigan noon, "Gusto kong mailigtas lahat sila ngunit wala akong nailigtas kahit isa." Hinangad ko rin iyon. Pero naisip ko pagkatapos na may nailigtas pala ako noon - ako mismo. Dahil nailigtas ko ang sarili, nailigtas ko rin ang lahat ng posibilidad na nasa akin, at ang mawala ang aking sarili ay ang mawala rin ang lahat ng posibilidad na nasa akin. Sa palagay ko, ako at ang ibang tao ay maiintindihan ang naramdaman kong takot na mawala ang lahat ng aking minamahal, hindi lang dahil maiiwan tayong mag-isa at hindi na madarama ang kanilang pagmamahal, kundi dahil hindi na natin maibibigay ang ating pag-ibig, paglilingkod at buong buhay sa kanila kailanman.
Ito ang pinakamalupit na trahedyang maiiwan ng kahit anong bagyong daraan sa ating bayan at sa ating buhay; na hindi na natin kailanman malalaman kung gaano kaimortal tayong nilalang ng Diyos at kung gaano tayo katatag sa kaya nating maibahagi at maihandog na lampas pa sa ating buhay.
The storms of life may shake our ground, but a greater peace still dwells in our heart. Fear no harm for we are ruled by a far greater love.
No comments :
Post a Comment