Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?” “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” (Juan 21:15)
Iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito? Sa puso ko, narinig ko rin ang tanong na ito, "Keith, anak ni Rolando, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?" At nagsimula akong magtaka, "Ito? Ano'ng mga ito Panginoon? Ito bang mga kamag-anak at kaibigan ko? Ito bang talento at kakayahan ko? Itong mga pagkakamali, kahinaan at problema ko? Itong mga karangalan ko? Itong alaala ko?"
Sumagot ang Diyos sa nagtatakang tanong ko, "Ito." At kahit sobra ang pagtataka ko'y sumagot ako sa tanong Niya, "Oo Panginoon ko. Iniibig kita nang higit sa mga ito."
Mahal na araw noon ng nakaraang taon nang magnilay ako sa tanong na ito. Matapos ang ilang buwan nang pakikipagbuno sa tanong pa rin na ito, matapos ang marami-raming pagkakataon ng soul-searching, at matapos ang napakahabang proseso ng discernment, alam ko sa sarili ko na tinatawag ako ng Panginoon gaya ng ginawa Niyang pagtawag kay Simon Pedro.
Mahaba pa ang lalakbayin ko. Ang opsyon na tanggapin ang hamon ng bokasyon ay unang gumambala sa akin noong kukumpilan ako nung grade 5. Hindi ko maikuwento sa iba sapagkat natatakot akong baka di ako paniwalaan ng mga pagkukuwentuhan ko na noong kinumpilan ako ay talagang naramdaman ko ang presensya ng Diyos, ng dakilang Espiritu Santo. Ipinangako ko noon na gagamitin ko ang aking buhay, sampu ng mga biyaya ng Espiritu Santo sa aking kumpil, sa lalong ikaluluwalhati ng Diyos. Kaya nga ako sumali sa mga gawain ng aming kapilya bilang katekista at lector. Pero parang nakukulangan ako sa ginagawa ko.
Dinaanan ko ang high school at college na iniisip ang hamon ng bokasyon subalit hindi ko sineryoso. Hanggang sa dumating ang graduation at mas lumakas ang tawag sa akin. Pero nagdesisyon akong pumasok sa corporate world, at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang bangko. Ang mundo ng banking at finance ay masaya at rewarding, subalit sa mga tahimik kong sandali, sa pagitan ng mga pagdarasal, nakikita ko ang sarili ko na may ibang nais gawin sa buhay. Yung lampas sa mundong ginagalawan ko sa ngayon. Matagal pa bago ko iyon matupad. Pero araw-araw akong magtitiwala at maghihintay. At sa bawat araw, sasagot ako ng "Oo" sa mga pagsubok na darating sa buhay ko. Ilalaan ko ang aking buhay hindi dahil ang sundan at gayahin ang buhay ni Kristo ay madali, kundi dahil alam kong napakahirap ang gawin ito. At tinatanggap ko na makasalanan ako pero sasagot pa rin ako ng "Oo" dahil mahal ako ng Diyos.
Sa mukha ng lahat ng ito, iisa lang ang aking sagot sa Kanyang tawag. At iyon ay ang pagsang-ayon. Dahil sa lahat ng paghihirap ko para sa aking pamilya, sa lahat ng pagmamahal ko sa aking mga kaibigan, sa lahat ng mga nakakamit ko sa trabaho, iisa lang ang nakikita ko: na walang mas hihigit pa kaysa sa Kanyang kabutihan. Mas may magagawa Siya kumpara sa kaya kong gawin nang mag-isa. So I let go and let God. Sa kabila ng hindi ko alam at sa kabila ng lahat ng aking pangamba at kinatatakutan, tatanggapin ko ang Kanyang tawag. Sa piling ng Diyos lamang ako mapapanatag.
No comments :
Post a Comment