Thursday, April 18, 2013

Huwag limutin.

H'wag limutin nakaraang araw,
sariwain kahit balik tanaw.
Takipsilim di man mapigilan,
sandali lang ang dilim.

'Yong bilangin ang bawa't sandaling
kagalaka'y wari'y walang patid.
Magkasama tayo sa pagsapit
ng 'sang langit sa daigdig.

Minamahal kitang tunay
ang tinig Ko sa'yo'y bubuhay.
Sambitin mo ang aking himig
at Ako sa iyo'y aawit

Alaala ng pagkakaibigan,
sa puso itago't ingatan.
Sa pagsilay ng bukas tingnan,
ala-ala't puso'y iisa!



Nakita ko nang magbago ang mga tao – may patungo sa mabuti at may patungo sa masama. May mga kaibigan akong nawala. Mayroon pa ngang basta na lang nawala. May mga bagong kaibigan naman akong natagpuan. Nakita ko na ring nagbago ang takbo ng oras. Napakabilis ng panahon kung masaya ka, napakabagal naman kung kalungkutan ang nadarama. Naranasan ko ring magbago ng relasyon. May mga relasyon akong binuo, binuno at pagkatapos ay itinapon. May mga relasyon akong di ko na mabalikan. May mga relasyon akong sa alaala ko na lang nababalikan. Samantala, may mga relasyon din naman akong natutuklasan ngayon at pinipili kong patatagin at pagyamanin. Nagbago rin ang mga pangako. May mga natupad subalit mas tumatatak sa alaala ang mga pangakong nasira. Mayroon din namang mga pangakong muling binuhay, kalakip ng bagong pag-asa at tiwalang ito’y matutupad.

Maraming tao, oras, relasyon at pangako ang nagbabago. Ano pa nga ba ang hindi nagbabago?

Naniniwala akong ang Diyos ay hindi kailanman nagbabago. Kung ang pagbabago ay magagawa ng isang hindi suheto sa Kanyang paglalang, yung isa na ‘yun ay dapat na makapangyarihan din tulad Niya. Pero hindi. Walang ibang Diyos na kayang pasimulan ang pagbabago. Consistent ang Diyos. Suminag na ang Kanyang pag-ibig bago pa man sumikat ang araw. Walang hanggan ang Kanyang awa at patuloy ang pagbabantay Niya sa Kanyang mga nilalang kahit sa panahong may dilim. Siya lamang ang makapag-aayos ng mga nasira ng pagbabago, lahat-lahat, sa pamamagitan lamang Niya – ng Kanyang dakilang pag-ibig.

Kahit na ang lahat ay nagbabago, wala sa ating pumipilit makalimot. Kailangan lang talagang magpatuloy. At kahit tayo naman ang magbago, nariyan pa rin ang Diyos na tatanggap sa atin bilang Kanyang mga kaibigan.

No comments :

Post a Comment