Tuesday, April 9, 2013

Pagmumuni-muni Ukol sa Pananalig at Kamatayan


“The world is comic to those who think, and tragic to those who feel.”
Sisimulan ko ang pagmumuni-muni ukol sa halaga ng pananalig sa pamamagitan ng isang pahayag (ni Horace Walpole) na nakaagaw ng aking pansin habang nagbabasa ng nobelang gawa ng dati kong guro sa Panitikan. Tunay nga, hindi maiaalis ang damdamin ng tao sa nangyayaring mga pagbabago sa mundo. Hindi maikakailang hindi lamang ang isip ang ginagamit ngayon sa pagharap sa buhay-tao. Nadadala pa nga tayo nang lubusan ng ating damdamin lalo’t nakapapangilabot ang nangyaring baha sa ating komunidad*.
            
Mabuting ipakita ko muna kung gaano nga ba karupok ang mundong ginagalawan ng tao ngayon. Sa ganang akin, ang lahat ng karupukang ito ay iisa lamang naman talaga ang hantungan, ang kamatayan. Kung hindi dahil sa posibilidad ng kamatayan noong panahong umaapaw na ang tubig-baha sa kalunsuran, hindi marahil makararanas ng kakaibang pakiramdam ang mga tao. Hindi ko pasusubaliang isa ako sa tinutukoy ko. Bibihirang hindi ko makita ang kamatayan ngayon, kahit hindi na ako magbukas pa ng telebisyon (dahil wala pa rin namang kuryente). Kahit saan ay may kamatayan. Paano kung gayon makapagsisimula ang mga nasalanta ng bagyo at pag-apaw ng dam? Ito ang tiyak na tinatanong ng mga dinatnan ng “mala-delubyong” pangyayari. Waring ito ang sinasabi ni Rudolf Otto na pagiging tremendum ng numen**. Na sa pamamagitan nito, nakararanas ang bawat tao ng isang pagkakataong malapit siya sa “banal.”
            
Ngunit ganito nga ba talaga nagsisimula ang ating pananalig? Kailangan pa ba talagang makaranas ng isang kakaibang kaganapan na lubhang makapagbabago sa mundong ginagalawan ng tao? Ganito ba talaga ang sinasabi ng ilang pilosopo ukol sa kahihinatnan natin dahil sa pag-iral ng pisikal at moral na mga kasamaan? Hindi maikakailang para sa iba, ngayon nagsisimula ang pagbabago. Pero ngayon ba talaga kailangang manalig? Kung ganito ang sitwasyon ngayon, may puwang pa nga kaya ang pananalig sa pang-araw-araw na buhay ng tao?
            
Mahalaga ang pananalig sa buhay ng tao. Itong pananalig na ito ang kanyang sandigan sa kahirapan ng buhay. Di hamak na nakatutulong ang pananalig na ito upang kahit papano’y mairaos ng sinuman ang kanyang mga paghihirap sa buhay. Ngunit gayon nga ba dapat ipakita ang halaga ng pananalig? Mukhang may iba pang mukha ang halaga ng pananalig. Hindi lang ito nariyan upang patatagin ang mahihina ang loob at palakasin ang nahihirapan na sa buhay. Ang pananalig mismo ang siyang bumubuhay sa tao. Ito ang mismong umaagapay sa pagpapatuloy ng buhay. Subalit hindi yata ito ang nosyon natin sa pananalig ngayon. Nariyan laamang ang pananalig sa panahong ito’y kailangan. Halimbawa, ngayong nag-abot-abot ang sakuna at trahedya sa kalunsuran. Matapos makabangon at malimutan ang trahedya, babalik at babalik na naman ang tao sa kanyang dating gawi, at maisasantabi na naman ang pananalig na parang perang itatago muna sa pitaka at kukunin lamang kung ito’y kakailanganin na. Mahahawakan lang ang rosaryo at mapapansin ang inaagiw nang Sto. Niño sa panahong gaya nito.
            
Hindi kinakailangang mapadpad ang sinuman sa isang mundong marupok para magkamit ng pananalig. Pero dahil naririto nga tayo sa mundong marupok at walang kasiguraduhan kung tayo’y kaya nitong bigyan ng matitirhan, hindi maaaring mawala ang pananalig. Sasabihin ng ilang pilosopo’t teologo, basta maniwala ka, manalig ka. Aanhin nga ba ang pananalig sa mundo natin ngayon? Kung tatanungin iyan ng isang inang namatayan ng anak o asawa dahil sa leptos pirosis o ng amang siya na lamang ang natirang buhay matapos anurin ng baha ang kanilang bahay kasama ng mga mahal sa buhay, marahil hindi nila mauunawaan kung para saan ang pananalig. O marahil maunawaan nila kung talagang ito ang sandigan nila ngayon. Hanggang ngayon nga, hindi ko pa rin ito mahiwatigan.
            
Kung kaya’t magtatanong ako sa aking sarili, bakit ba natin nararanasan ang ganito kakomplikadong sitwasyon? Paano masasagot ng aking pananalig ang tanong at hiyaw ng mga namatayan at nawalan na ng matitirhan? Para bang kayhirap na ngayong manalig at hindi kumilos para sa kapwa. Aba, pagkilos. Hindi kaya ang pananalig ay isang pagkilos? O kaya’y nangangailangan ng pagkilos ang pananalig? Marahil kailangan ngang kumilos para sa aking pananalig.
            
Magtataka ang marami kung bakit kahit nananalig ka na, gayon pa rin ang nararanasan natin sa mundong ito. Simple lang siguro ang sagot. Hindi lang nga pananalig ang kailangan, mahalaga rin ang pagkilos. Hindi ko sinasabing tumigil na sa pagluluksa at magsawalang kibo at kumilos na para sa ikauunlad muli ng bayan. Delikado ito kung hindi maiintindihan. At mas delikado kung pati ang tunay na halaga ng pananalig ay hindi nauunawaan.
            
Paano nga ba uunawain ng mga nasalanta ang tunay na halaga ng pananalig sa gitna ng kadalamhatiang kanilang nararanasan? Kahit saan man ang kamatayan, hindi naman nagtatapos doon ang lahat. Hindi natatapos ang pananalig, hindi rin ito nagsisimula ngayon. Matagal nang mayroon tayo nito. Hindi lang talaga pansin dahil walang nag-uudyok sa atin na pansinin ito. Pero ang mahalaga’y pinanghahawakan natin ang paniniwalang may pananalig tayo sa isang naglalang. Basta maniwala, sabi nga ni Pascal, walang masama kung pupusta ka sa pananalig kaysa ang wala kang gawin.
            
Sa puntong ito, sasabihin kong hindi mahalaga kung matuklasan ko ang halaga ng pananalig. Kung basta mananalig ako, at sigurado naman akong nananalig ako’t may mapapala ako rito, hindi ko na kailangang alamin pa ang halaga nito. Sapat na sa akin ang manalig at humarap sa hamon ng buhay gamit ang pananalig na pinanghahawakan ko.
            
Narito ang isang tulang aking nagawa matapos pagmuni-munihan ang isang bagay na hindi naman talaga malapit sa akin pero naramdaman kong malapit pala talaga ako, gaya ng ibang tao, sa kamatayan. Na kung hindi dahil sa nangyaring unos, hindi ko rin mararanasan ang isang kaganapang tinatawag pala akong muli upang manalig sa isang naglalang. Sa Diyos na siyang pinagmulan ng lahat, para sa kanya ang akdang nasa ibaba. (Mahalaga rin pala ang kapwa, dahil sa kasama ko sa bahay, sa eskuwelahan, sa komunidad ko nakita ang halaga ng pananalig. Ganoon pala talaga ang dinamismo ng pananalig sa Diyos: hindi lang ang Diyos ang mamahalin mo, pati rin ang kapwa.)


Ukol sa Pananalig at Kamatayan

Hindi ko (pa rin) alam na hindi ko alam
ang aking pupuntahan
sa dami ng daang nagsasanga-
sanga sa aking isipan—
            Nawawala na naman ako: matapos magsermon
ng pastor sa sinasakyang bus, gasgas na ang mga turo
gayong kasisimula pa lamang ng aking pagdidiskurso
ukol sa pananalig at kamatayan. Hanggang ngayon,
hindi ko pa rin nauunawaan ang hangganan
ng pag-ibig sa hinahabing tula, piping saksi
sa bawat nilang pagtakas tungo sa kabila ng lungkot
hanggang maranasang mangulila sa buhay
na mawawala. Hindi ko matanggap-tanggap
ang katwiran ng maiiwan, gayong kasama rin ako
sa mga pilit tumatakas sa namumukod-
tanging katotohanan ng buhay. Hindi ko alam
na nakita ko na pala sa kausap ang hindi ko nakita
sa kahuli-hulihan kong tula.


*Una ko itong naisulat noong Oktubre 2009, ilang linggo matapos maranasan ang bahang dulot ng bagyong Ondoy. Ngayon ko lamang nabalikan, nahalungkat sa mga computer folders at napagdesisyunang i-edit muli.
**Ayon kay Rudolf Otto, ang Diyos o ang presensya ng Banal ay parehong nakapapangilabot at nakaaakit. Ika nga niya, "mysterium tremendum et fascinosum."

No comments :

Post a Comment