Sunday, March 31, 2013

Salamat sa lamat.

Kapag nasusugatan tayo at sa puntong maghilom na ito, may naiiwang marka o peklat. Isang palatandaan ng sugat, ng sakit at ng nakaraan. At siguradong matatandaan natin kung kailan ito naging sugat, kung kailan tayo nasaktan kaya may nagmarkang sugat. Madalas, naaalala natin ito, yung sakit at hinagpis ng pagkakasugat. Pero hindi lang sugat ang nag-iiwan ng marka. Pati rin ang pagsasama, ang relasyon sa kapwa-tao. Kung paano ka naging kabahagi sa buhay. Kung paano ka hinugutan ng lakas ng loob at hiningahan naman ng sama ng loob. Kung paano ka nakagaanan ng loob. Kung paano ka nakaramay sa dinanas na dalamhati o pangamba. Tila ka rin nag-iiwan ng marka. Nag-iiwan ka rin ng lamat sa puso niya, sa buhay niya. Gaya ng sugat, hindi ba't tanda mo rin kung kailan siya naging malaking bahagi ng buhay mo?

Ganyan ang pasasalamat. Laging nagbabalik-tanaw. Bumabalik sa unang pagkakataong may mabuting nagawa sa iyo ang tao. Kaya't babalik-tanaw ako sa nakalipas na mga araw upang makapagpasalamat. Sapagkat sa bawat araw na puno ng hamon ang buhay, nararapat pasalamatan ang mga taong nakapagbigay ng lamat sa akin. At sa nakalipas na tatlong buwan, may iilang taong nakasama ko't nakapagbigay ng lamat sa akin. 

Salamat sa mga simpleng gimmicks at trips natin, Mhafans. Sa mga kuwentuhan at sharings (both words and food! hehe). Sa pagtitiwala ng mga bagay-bagay sa akin. Salamat sa pagpapakatotoo at pagiging simpleng kaibigan. Ang pagiging simple ang pundasyon sa pagkakaibigan nating ito. Manatili sana tayong ganito.

Salamat dahil tinuruan niyo akong hindi mag-isa at tingnan ang mga bagay-bagay sa iba't ibang pananaw ng kabataan. Sapagkat tayo'y iba-iba pero nagkakaisa. 

Salamat sa growth experiences na kasama kayo. Tinuruan niyo akong mamulat at tumingin sa mga bagay na di ko pinapansin at marahil ay di ko gustong makita. 

Gaya ng narinig nating aral sa pagsisimba sa Caleruega, ipinagpapasalamat ko ang mga lamat sa aking buhay. Gaya ng mga bangang may pilat na't may butas, nakaisip ang bata ng paraan upang patunayan sa kanyang ama na may silbi pa ang bangang may lamat. Nung ipakita ng anak sa ama ang kanyang ginawa, lahat tayo ay namangha sa ginawa ng bata. Na kahit ang bangang may lamat ay maaari pang ipagbili. Kung lalagyan ng ilaw o kandila sa loob ng banga, doon sa lamat o butas lalagos ang liwanag. May silbi pala ang lamat.

May sugat din si Hesus. Sa mga sugat na ito dumaloy ang dugo ng paghango sa atin mula sa kasalanan. Napagtibay nito ang tunay na hangarin ng Diyos sa tao. Na mas mapalapit tayo sa Kanya sa kabila ng ating mga kahinaan at kasalanan. Salamat sa Diyos dahil nabigyan ng mas positibong pananaw ang sugat o lamat. Hindi na lang ito isang pasakit kundi siyang tagapagpagaling. Kaya nga kay Hesus tayo humihiling na hilumin ang ating sugatang puso dahil Siya mismo ang sagot sa ating pagkasugat. 

Kaya kayo na nag-uukit ng lamat sa aking puso, hinding-hindi ko kayo malilimutan. Sa akin mang kahinaan, tinuturuan niyo akong manatili at makinig. Inaasahan ko pa ang mahaba-haba nating paglalakbay na magkakasama. Ito ang hiling ko ngayong Easter. Na gawin nating puno ng mas masasaya at puno ng paglago ang mga susunod na araw. Sana nariyan pa rin kayo para sa akin, at ako para sa inyo. Sana'y may bahagi ng sarili ko ang naibahagi ko sa inyo. Samahan niyo akong maging panatag sa mga susunod na buwan. Ipagdasal niyo ako sa aking pipiliing bokasyon. Upang maging karapat-dapat ako para sa kagustuhan ng Diyos sa buhay ko. Salamat sa pagiging bahagi ng buhay ko. ü

Salamat sa lamat.


No comments :

Post a Comment