Habang pumapasok at lumalapit sa simbahan, sa Katedral ng Antipolo, kung saan naroon ang Basilika ni Maria bilang Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje, todo-todo ang pagdarasal ko ng Aba Ginoong Maria. Napakahirap ang unang karanasan ko sa Alay Lakad. Pero sigurado akong pinadali ni Maria sa pamamagitan ng aking mga kaibigang kapanalig. Matapos ang saglit na pagkakalapit sa harapan ng simbahan, wala na akong masabi. Basta na lang tumulo ang luha ko. Pumasok sa isip ko: Grabe, Grabe, Grabe, Maria!
Tatlong grabe ang naisip ko tungkol kay Maria na nais kong pagnilayan sa pagkakataong ito.
Una, grabe ang paglalakad ng mahigit dalawampung kilometro mula sa bayan ng Marikina patungong bundok sa Antipolo. Mabuti't gabi. Mabuti't may mga kasama akong karamay sa paglalakad. Mabuti't may pagkakataon kaming tumigil sumandali, kumain o uminom. Hindi katulad noong naglakad si Maria sa gitna ng umpok ng mga tao patungong Golgotha. Maikli lang dapat ang lakarin, wala pang isang kilometro. Pero grabe ang tagal, grabe ang hirap. Dinanas ng Mahal kong Ina ang sakit na siya lamang ang makakayanang indahin. HIndi ko nga alam kung nakayanan nga niya. Pero ayon sa tala, tinanggap niyang lahat ng mga ito bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Gayon na lamang kagrabe ang dinanas ni Maria. Gayon kagrabe ang pagmamahal niya sa Diyos.
Ikalawa, grabe ang debosyon ng mga tao kay Maria bilang Ina ng Diyos. Kung saan-saan pa nagmula ang mga tao na nag-Alay Lakad ngayong taon. Sa unang pagkakataon, namalas ko 'yung kakaibang presensya ng Diyos sa oras na iyon. Lahat ay Kaniyang ginabayan upang makarating sa Katedral ng Antipolo. Dakila ang pag-ibig ng Diyos kung kaya't lahat ay naaakit sa Kaniyang presensya. Grabe ang dagsa ng tao, maging sa mga nag-aabang na sa pagbubukas ng simbahan pagputok ng bukang-liwayway. May kani-kaniya silang dahilan ng pagpunta sa Katedral. Hindi gaya ko na walang dahilan kundi dahil nayaya lamang ng mga kaibigan. Kayhirap tanggihan dahil paulit-ulit kong sinasabi rito na ang pag-iimbita nila Jo at Matthew ay nakikita ko bilang pag-iimbita na rin ng Diyos at ni Mama OLA. At sa paghahagis ko ng barya bilang pakikiisa sa pasasalamat sa kabutihan ng Diyos, dalawa ang hiniling ko. Na anumang kahilingan ng mga taong naghagis ng barya katulad ko ay matupad sana. At, na sa bawat araw hindi magsasawang magdasal at magpasalamat ang mga taong nakipagsisiksikan para lamang makalapit sa dambana ni Mariang Birhen ng Antipolo. Sana matupad. Sana kalugdan ng Diyos.
Ikatlo, grabe ang enerhiya na aking naramdaman nung makalapit na ako sa harapan ng simbahan. Napaiyak ako at napasabi sa sarili: Grabe, Maria! Punong-puno ka ng grasya. Minamahal ka ng Diyos at nais kong mahalin din kita. Ipinagkaloob mo ang iyong buong buhay sa nais ng Diyos. Nailigtas kami sa kasalanan sa pamamagitan ni Kristo dahil may isang ikaw na sumagot ng "oo" at tumalima sa kalooban ng Diyos. Grabe ang enerhiya mo saanmang sulok ng simbahan. Ikaw yung isa sa nagpapabanal ng lugar. Ikaw yung isa sa nagpapabanal sa bawat tao. Tanging pagluha na naman ang nagawa ko.
Naisip ko, saan kami tutungo matapos ang Alay Lakad? Gusto na nilang umuwi. Gusto ko na rin namang umuwi. Pero gusto kong maiuwi ang grabedad na aking namalas sa simbahan. Gusto kong umuwi kasama ni Hesus. Dahil Siya lang ang tanging hantungan. Hinihiling ko at ipinapanalangin ang lahat ng ito ngayong Biyernes Santo at sinasariwa ng mga Katoliko ang karangalan ng Krus ni Hesus.
P.S.
Salamat mga kaibigan sa patuloy na pagpapatatag sa ating samahan. Sana sa pagtatag ng ating samahan, tumatag din at lumalim ang ating pananampalataya at debosyon kay Maria. Salamat talaga nang maraming-marami Jo, Matthew, Abi, Jerome, Giezel, Mhafe, Maxy, at Arvin.
Friday, March 29, 2013
Grabe, Grabe, Grabe, Maria!
Labels:
alay lakad
,
antipolo
,
friends
,
Holy Week
,
Mhafans
,
penitential walk
,
Virgin Mary
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment