Bahagi ng pagsariwa sa pasyon, kamatayan at muling pagkabuhay ng Diyos na si Hesus ang pagdarasal ng Daan ng Krus tuwing Kuwaresma at Mahal na Araw. Kaya naman nagkayaan kaming bagong tuklas na magkakaibigang magkakapanalig kay Kristo na magtungo sa Via Dolorosa sa Pinagmisahan Street, Brgy. Dela Paz, Antipolo, Rizal. Kilala ang lugar na ito bilang White Cross sapagkat may isang napakalaking puting krus sa tuktok ng bundok dito. Bukod kina Jo Idris, Matthew, Jerome at Arvin, isinama namin ang aming mga Pedrito.
Nagsimula kami sa pagdarasal ng rosaryo. Isa-isang namuno sa bawat misteryo ng Tuwa. Habang nagdarasal, patawad pero hindi namin mapigilang kunan ng litrato si Pedrito. Talaga nga naman kasing kahit saang anggulo, maganda ang kinalalabasan ng kuhang litrato sa kanya.
Ang Via Crucis sa White Cross ay matarik. Sabi nga ni Arvin, bukod sa napakatarik ng hagdan at pabago-bago ang panahon nung nagtungo kami dun, pawis na pawis pa kami. Pero kahit na, konting tiis man lang bilang pakikiisa sa paghihirap ni Hesus noong Siya ang nagpasan ng Krus para sa ikaliligtas ng sanlibutan.
Narito ang mga kuhang litrato ng mga istasyon ng Via Crucis. Sa totoo lang, bawal kumuha ng litrato doon. Kasalanan namin na hindi kami sumunod sa regulasyon. Naisip ko, ibahagi rito upang sa mga makakakita nito, mas maengganyo silang hanapin at puntahan din ang Via Dolorosa sa Antipolo. Sulit po ang pagtungo doon. Walang bayad, basta bumili ka lang ng kandila bilang donasyon.
Unang Istasyon: Ang Huling Hapunan |
Ikalawang Istasyon: Ang Pagdurusa ni Hesus sa Halamanan ng Getsemani |
Ikatlong Istasyon: Si Hesus sa Harapan ng Sanedrin |
Ikaapat na Istasyon: Ang Paghahampas at Pagpuputong ng Koronang Tinik |
Ikalimang Istasyon: Ang Pagtanggap ni Hesus sa Krus |
Ikaanim na Istasyon: Si Hesus ay Nadapa sa Bigat ng Krus |
Ikapitong Istasyon: Tinulungan ni Simon na taga-Sirene si Hesus na Pasanin ang Krus |
Ikawalong Istasyon: Nasalubong ni Hesus ang mga Kababaihan ng Jerusalem |
Ikasiyam na Istasyon: Si Hesus ay Inalisan ng Damit at Ipinako sa Krus |
Ikasampung Istasyon: Si Hesus at ang Nagtitikang Magnanakaw |
Ikalabing-isang Istasyon: Sina Maria at Juan sa Paanan ng Krus |
Ikalabindalawang Istasyon: Si Hesus ay Namatay sa Krus |
Ikalabintatlong Istasyon: Si Hesus ay Inilibing |
Ikalabing-apat na Istasyon: Si Hesus ay Muling Nabuhay |
Matapos ang pagdarasal ng Via Crucis, tinungo namin ang White Cross at doon nagtagal sa pagkuha ng litrato sa aming mga sarili, kasama pa rin si Pedrito. At naroon ang dalawampung pulgadang imahen ng Birhen ng Antipolo, ang Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje. Kung kaya't naisipan na rin naming pagkalabas ng Via Dolorosa ay magtungo na rin sa Katedral ng Antipolo.
Sana marami pang ganitong paglalakbay kaming gawin. Basta sama-samang nagdarasal at nananatiling tapat sa debosyon kay Maria. Sa pagsisimula ng Mahal na Araw sa isang linggo, hangad ko ang matupad ang hangarin ng mga kaibigan ko. Sa bawat pagdarasal ko ng rosaryo kada papasok at uuwi mula sa trabaho, at sa tuwing may Monday devotion, iniaalay ko ang panalangin para sa mga kaibigan ko. Na sana sama-sama kaming tuklasin pa at paigtingin ang pananampalatayang Kristiyano. Na sana'y maging sentro ng buhay namin palagi si Hesus. At mas tumindi ang debosyon kay Maria.
Sa oras na isinusulat ko ito, naghahanda rin ako sa aming pagpunta sa Caleruega. Madadagdagan na naman ang inililista kong simbahang napuntahan sa taong ito ng pananampalataya (2013 Year of Faith). Hindi lang sa dahilang gusto kong makapunta sa 100 simbahan sa Pilipinas kundi upang mas mapalalim ko ang relasyon ko sa Diyos.
Sa bawat paglalakbay, dadalhin ko ang krus bilang aking gabay. Sabi nga sa isa sa paborito kong awitin:
We carry the saving crossthrough the roads of the world.
Through alleys of poverty and misery.Marching to a dawning dayto freedom and victory,to God's life and endless glory.
Panalangin:
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at Muling Pagkabuhay,
iniligtas mo ang mundo.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at Muling Pagkabuhay,
iniligtas mo ang mundo.
Makapangyarihan at walang hanggang Diyos,
namatay at matagumpay na muling nabuhay ang Iyong Bugtong na Anak
para iligtas kami sa aming mga kasalanan.
Sa Iyong kabutihan, muli mong buhayin ang Iyong mga tapat na nananampalataya
upang makiisa sa kanya sa buhay na walang hanggang sa langit,
kung saan nabubuhay siya at naghahari
kasama Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
namatay at matagumpay na muling nabuhay ang Iyong Bugtong na Anak
para iligtas kami sa aming mga kasalanan.
Sa Iyong kabutihan, muli mong buhayin ang Iyong mga tapat na nananampalataya
upang makiisa sa kanya sa buhay na walang hanggang sa langit,
kung saan nabubuhay siya at naghahari
kasama Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
No comments :
Post a Comment