Ang pipiliin ng puso ang siyang mahalaga. Pumipili ang puso nang walang alinlangan, walang panlilinlang, at walang kasinungalingan. At kahit sa totoo lang ako'y hindi pa sigurado sa kalooban ng Diyos, nais kong sundin ang puso ko at nakikita ko roon ang magiging buhay ko. Na nananahan ang puso ko sa isang lugar na di ko kilala pero gusto kong mapuntahan. Na nais ng puso kong manahan sa mas higit pa, sa pinakahigit sa lahat.
Lalo kong napatunayan na tumatawag pa rin ang Diyos at niyayakap ako sa kabila ng lahat ng nangyari sa aking nakaraan: ang aking kawalang-katapatan, ang aking kalungkutan, ang aking karamutan. Patuloy pa rin ako sa pagtatanong, "Diyos ko, talaga bang tinatawag Mo ako sa ganitong buhay?" o sa panahong ako'y ubod nang lungkot, "Panginoon, tinatawag Mo pa ba ako?" Kayraming sagot, lahat ay nakasentro sa rebelasyong minamahal pa rin Niya ako. Nakikita ko ang sagot sa bawat pananalangin. Nakikita ko rin sa bawat realisasyon at discernment. Nakikita ko ang isang mapagkumbabang Diyos sa bawat araw. Naririnig ko ang sagot Niya, "Oo, tinatawag kita, sa kabila ng lahat." Naiiyak ako at naaalala 'yung mga panahong basag ako at ginamot ng Diyos. May mga pagkakataong ang Diyos lamang ang nakapagpapagaling at nakapagtatahi sa aking sugatang puso. Pero hindi ko pa rin mapaniwalaang totoong-totoo ang tawag Niya.
Naisip ko, kahit ganito ako, mahal na mahal pa rin ako ng Diyos. Sapagkat tinuturuan Niya akong magtiwala at maghintay. Upang sa pagdating ng takdang oras, kaya ko nang harapin ang hamon ng bokasyon. Naisip ko, hindi lang iyon sapat, sobra-sobra nang pagmamahal iyon ng Diyos sa akin. At ang matutuhan ko ang magtiwala at maghintay ay sapat na upang makapagpatuloy sa hirap ng buhay.
Sana sa pagsusuri ko pa ng aking sarili sa mga susunod na araw, maipagkaloob nawa ng Diyos ang kapanatagan ng loob sa aking pagsagot sa Kanyang tawag nang buong hinahon, ang kapakumbabaan upang tanggapin at matuto mula sa nakaraan, at taos na pananampalataya upang maipagpatuloy ko itong paglalakbay-espiritwal. Ipanalangin mo ako.
Tuesday, March 26, 2013
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment