Saturday, July 6, 2013

Ang kaibiga'y mag-aalay ng sarili niyang buhay.

I no longer call you servants, because a servant does not know his master's business. Instead, I have called you friends, for everything that I learned from my Father I have made known to you. You did not choose me, but I chose you and appointed you to go and bear fruitfruit that will last. Then the Father will give you whatever you ask in my name.
— John 15:15-16


Binibigyang depinisyon
ko ang pagkakaibigan sa pamamagitan ng pagkilala sa puso ng iba at pagbabahagi ko naman ng sariling puso sa kapwa. Ibinabahagi kasi natin ang nilalaman ng ating puso sa mga taong pinagkakatiwalaan natin, at pinagkakatiwalaan natin yung mga taong may pakialam sa buhay natin. Nagbabahagi tayo sa ating mga kaibigan dahil sigurado tayong gagamitin nila ang ibinigay nating personal na kuwento at impormasyon sa pagtulong sa atin, hindi sa ating pagkasira. Ganun din naman ang ating mga kaibigan sa atin sa parehong kadahilanan.

Madalas nating itinuturing si Hesus bilang ating kaibigan dahil alam nating ang tanging nais Niya ay yaong makabubuti sa atin. Ibinabahagi natin sa Kanya ang kuwento ng ating buhay dahil nagtitiwala tayo sa Kanya. Pero ganoon nga rin ba Siya sa atin?

Sinimulan Niyang tawagin ang mga disipulo hindi bilang tagasunod kundi bilang kaibigan dahil ipinagkatiwala Niya sa kanila ang lahat na narinig Niya mula sa Ama (Juan 15:15). Naniniwala si Hesus na gagamitin ng Kaniyang mga kaibigang disipulo ang lahat ng Kaniyang naibahagi para sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.


Kahit alam naman nating kaibigan si Hesus, masasabi ba nating kaibigan din tayo ni Hesus? Nakikinig ba tayo sa Kanya? O gusto nating sa atin lang makikinig ang Diyos? Gusto ba nating malaman kung ano ang nasa puso Niya? O gusto nating tayo lamang ang magbabahagi kung ano ang nasa puso natin? Upang maging kaibigan ni Hesus, kailangan nating makinig sa nais Niyang malaman natin at magamit ang mga impormasyong iyon upang madala rin ang ibang tao sa pakikipagkasundo o pakikipagkaibigan sa Diyos.


Ang kaibiga'y mag-aalay ng sarili niyang buhay,
walang hihigit sa yaring pag-aalay. 

Tuesday, July 2, 2013

Altar of Secrets.

Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil regalo itong tinanggap ko sa aking mga magulang. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil dito ko nahahanap ang paraan ng pagpapabuti ng pagkatao: sa Salita ng Diyos, sa Banal na Eukaristiya, sa sakramento ng pakikipagkasundo, sa mga turo at aral ukol sa maraming isyu ng buhay. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil sa kabutihang idinudulot niya sa buong mundo sa pamamagitan ng kaniyang mga institusyon: sa edukasyon, kagalingang panlipunan at kalusugan. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil sa mga lalaki’t babaeng, lahat ng nabubuhay at maging mga yumao na, nagbigay ng kahulugan ng pagiging-tao para sa ibang tao. Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil sa mga katulad ko ring pilgrims--mga kapatid ko sa pananampalataya--na naging mabubuting halimbawa at inspirasyon ko; na ang kahinaan nila ay nagpaalala sa akin ng kahinaan ng tao pero minamahal ng Diyos.

Hindi perpekto ang Simbahang Katolika. Hindi ito kailanman magiging perpekto sapagkat mga tao ang nagpapatakbo sa kanya. Subalit hindi siya katulad ng ibang institusyon sapagkat may divine intervention sa bawat pagkilos niya. Binubuo ang Simbahang Katolika ng mga tao, pamayanan ng mga mahihina, mahihirap at nagkakasalang mga tao. Ang bawat isa ay naglalakbay patungo sa hinahanap na kahulugan ng kani-kaniyang buhay.

Nasasaktan ako kapag nasasaktan ang Simbahang Katolika dahil sa mga iskandalo at kawalan ng pagkakaisa. Nakakasakit ng damdamin kapag, minsan, hindi ang criteria ng Ebanghelyo ang ginagamit nating criteria sa ating mga pagpili. Nakakasama ng loob kapag inaatake ang Simbahang Katolika, madalas ay hindi patas, ng mga puwersang nasa labas niya. Pero mas nasasaktan ako kapag napahihina ang Simbahang Katolika ng mismong kapalaluan o kayabangan ng miyembro nito.

Masakit mabasa ang mga paglalahad sa librong Altar of Secrets. Pero mahal ko ang Simbahang Katolika at hindi magigiba nito ang pananampalataya ko.

Sumasampalataya ako sa Simbahang Katolika sapagkat personal ang aking pagdanas dito ng presensya ng Diyos sa marami’t ordinaryong paraan. Iyon ang sa tingin ko ay mahalaga. Hindi lang mga pamantayan, ritwal, at programa ang mahalaga, kundi ang madanas ang presensya ng tunay na Diyos sa mga pamantayan, ritwal at programa ng Simbahang Katolika.

At ito ang isa pang dahilan kumbakit mahal ko ang Simbahang Katolika. Tinutulungan niya akong huwag gumawa at sumamba ng diyos na naaayon sa sarili kong pamantayan. Tinutulungan niya akong huwag mahulog sa patibong na sambahin ang sarili.

Mahal ko ang Simbahang Katolika dahil iyon ang ibinilin ni Hesus. Itinatag Niya ito upang makasama’t maalala natin Siya kahit noon pa Siya bumalik sa Ama. Kahit dahil lang dito, sapat na ang mahalin ko ang Simbahang Katolika.


Sunday, June 30, 2013

Usapang Pamilya.

Akala ko Vespers ang gumising sa akin kaninang umaga. Kanta pala ni Rey Valera, pinatutugtog ni Papa na naunang nagising kaysa sa akin. Sapagkat Linggo at wala naman akong pasok. Nagising ako at nagdasal: "kung ano mang dahila'y hindi mahalaga, basta't sinasamba kita."

Medyo puyat ako pero na-excite akong gumising sapagkat may bibisitahin akong simbahan. Nagyaya si Jo Idris at niyaya ko rin naman si Abi na magpunta sa Our Lady of the Abandoned Church sa Sta. Ana, Manila. Maganda yung simbahan at doon na kami nagmisa. Naalala ko nung bata pa ako at mayroon laging Children's Mass sa aming kapilya. Sapagkat sa unang misa sa hapon doon, mga bata ang nanguna at nagsidalo. Nag-feeling bata na lang din kami.

Habang nasa misa, napansin kong maaaring akyatin ang likod ng retablo at mahawakan ang manto ni OLA. Hindi kami nagkamali kaya't hindi namin pinalampas ang pagkakataong makaakyat at makahalik sa manto. Nakapagrosaryo pa kaming tatlo sa likuran ng Mahal na Ina ng mga Walang Mag-ampon.

May night out ang pamilya ni Jo Idris kaya't nagsiuwian kami bago pa gumabi. Sa OLA Marikina kami bumaba. At bago magkahiwa-hiwalay, tuwang-tuwa si Abi sapagkat unang beses niyang nakapag-bless kay Bishop Francis, ang Auxillary Bishop ng Antipolo at Kura Paroko ng OLA Parish. Biro ko pa sa kanya na huwag munang maghilamos ng noo ng isang linggo dahil sa pagbless ni Bishop. Iba talaga sa pakiramdam kapag yung gusto mo't kinasasabikan mong paring magmisa ay nahawakan ka sa noo. Nakakalundag sa tuwa---gaya ng ginawa ni Abi kanina.

At di pa roon natapos ang araw ko. Nagkayayaan pa kami ni Abi na manood ng sine. Four Sisters and a Wedding. Kaya't usapang pamilya ang pamagat ng blog post kong ito. Sapagkat tungkol sa dinamismo ng bawat miyembro ng pamilya ang buod ng kuwento ng pelikula. Nahagip ng pelikula ang bawat detalyeng sumasalamin sa mga isyung pampamilya. Hindi lang tawa ang hatid, nakakaantig at nakakaiyak ang mga linya.

Naisip ko tuloy ang aking pamilya. Yung mga pinagdaanan namin mula noong bata pa kaming magkakapatid, hanggang sa mag-aral na't makatapos at ngayo'y malalaki na nga. Naalala ko sina Mama at Papa na nakitaan ko ng katatagan ng loob at buong pagtitiwala sa Diyos na malalampasan ng aming pamilya, lalo na nila, ang mga problema. Naiyak ako sa komprontasyon sa pelikula. Hindi ko alam kung sakaling mangyari rin iyon sa aking pamilya. Naalala ko tuloy yung Gospel. Na sumunod sa Diyos agad-agad, walang lingunan at buong pagtitiwalang susunod sa daan ng krus. Ng buhay. At yung pangarap kong mapaglingkuran din ang Diyos. At paano ko ipaliliwanag ito sa aking pamilya. Paano kung may mangyari ring ganitong komprontasyon? Iyakan. Kabigatan ng pakiramdam. Hindi ko alam ang mangyayari. Gusto kong magtiwala at maghintay sa panahong inilaan ng Diyos.

Nalaman kong anniversary pala ng mga magulang ni Jo Idris. At sa buwan naman ng Hulyo ang anibersaryo ng aking mga magulang. Doon siguro dapat ako ma-excite ngayon. Kung paano ko sila i-treat. Kung paano ko maipaparamdam na minamahal ko sila.



O, mahal naming Ina ng mga walang mag-ampon, sa kupkop mo kami ay sumasalilong. Nawa'y ibulong mo sa iyong minamahal na Anak, na amin ding kapatid, na mapagtagumpayan ng aking pamilya at ng pamilya ng aking mga kaibigan at lahat ng pamilyang Pilipino ang mga usapin at isyu sa loob ng aming pami-pamilya. Kayo San Jose, Maria at Hesus ang halimbawa ng banal na pamilyang kinalugdan ng Diyos. Maging gabay nawa namin kayo sa aming bahay. Amen.

Maging Dakilang Guro.




Nangalahati na ang taong 2013. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakapagturo bilang Math tutor. Hindi dahil sa nakaka-miss yung kumikita ako sa dati kong sideline. Nakakagaan kasi ng pakiramdam kapag nagtuturo ako. Madalas na akakapagod pero nakakatuwa ang magturo. Lalo na kapag natututo ang mga tinuturuan ko. Sigurado akong hindi na nila malilimutan anuman yung ideya o konsepto, at dadalhin na nila iyon sa kanilang buhay. 

Naaalala ko, ang pinakamasayang pagkakataong nakapagturo ako ay iyong walang bayad. Nung katatapos ko pa lamang ng high school. Sa Pathways-Ateneo, sumali ako sa isang samahan na tinatawag na SERVICE. Mula 2005 hanggang 2009, naging kasapi ako. Bilang Chemistry tutor at department head ng subject na iyon. Pero yung pinakanagustuhan ko ay iyong maging CL teacher ako noong summer 2008. Christian Living subject. Nag-aaral ako sa Ateneo summer class kapag umaga at nagtuturo naman sa mga Marikina public high school students kapag hapon. Masusi ko namang isinusulat ang aking lesson plan at visual aids sa bahay kapag gabi. Masasaya ang mga naging usapan at diskusyon namin ng mga estudyante buong summer. Hindi sa nagbubuhat ng sariling bangko subalit sa palagay ko naman ay naintindihan na nila ang Trinity, Transfiguration, Salvation of Dying Jesus in the Cross, Holy Eucharist at ilang Parables. Maging ako ay natuto sa mga pagbabasa at pag-aaral kay Kristo. Pinagaan ko sa mga bata iyong napakahirap na diskusyon ukol kay Kristo. Nag-focus kami sa pinakapaboritong paraan ni Hesus sa pagpapalaganap ng kautusan ng Diyos: mga parabula.

Sa pagtuturo kong iyon, nakita ko yung halaga ng pagtuturo sapagkat si Hesus din mismo ay naging guro. Noong mga panahong iyon, iba't ibang paraan ng pagtuturo ang pinag-isipan at isinagawa ko. Ginamitan ko ng analohiya ang di-malinaw na konsepto nila ng Trinity. Nagsalo-salo kami sa spanish bread at isang litro ng Coke habang nag-uusap tungkol sa Huling Hapunan bilang institusyon ng Banal na Sakramento ng Eukaristiya. Closed-door open forum naman kami nung pinag-usapan ang salvific nature of Jesus' Cross. At siyempre, mabigat man sa mga estudyante dahil alam kong hectic din ang iskedyul at demanding din ang mga tutor nila sa ibang subjects, pinilit ko pa rin sila na makapagsulat ng journal entries pag-uwi ng bahay at ipapasa kinabukasan. Napakasayang magbasa ng kanilang mga insights at comments na isinulat sa journal notebook.

At bilang guro, nakilala ko rin si Kristo sa ibang aspeto. Kilala na Siya bilang Mabuting Pastol. Siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Ang Anak ng Diyos ay napakaraming pagkakakilanlan. Karamihan nga ay hindi naman madalas gamitin o hindi masyadong naiintindihan ng mga tao. Noon, nakilala ko si Kristo bilang guro.

Nagturo Siya gamit ang mga parabula. Gumamit Siya ng mga metapora at pagkukumpara upang maiparating ang Kaniyang punto. Nung maisip ko ito noon, mas ginanahan akong magturo. Nagturo Siya sa mga sinagoga, gumamit ng mga kuwentong maiintindihan ng mga tao. Sapagkat sa mga umpukan, kalong Niya ang mga bata habang nagsasalita. Bumibigat yung usapan kapag nagtatanong ang mga Pariseo at matatanda ng bayan ngunit pinalilinaw Niya ang mga turo sa harap ng mga bata. Hindi mga highfalutin words ng pilosopiya ang ginamit ni Hesus. Simpleng salita lamang. Kaya nga ganun din ang pinilit kong gawin. Ipaintindi sa mga estudyante ang buhay at mga turo ni Kristo sa paraang maiintindihan nila ito.

At ngayon, habang inaalala ko ang mga ito at nagre-reflect, na-realize ko kung paanong ginusto ni Kristo na maiparating at maipaunawa sa mga tao noon ang wagas na pagmamahal ng Ama. At noong hindi na epektibo ang Kaniyang mga kuwento, analogo, halimbawa at diskurso at hindi na Siya inunawa ng Kaniyang audience, ginawa nga Niya ang pinakamahalagang kuewnto ng pagmamahal. Inialay Niya ang sariling buhay para sa ating kaligtasan.

Bilang dating guro at ngayo'y nagnanais mapaglingkuran Siya, ipinapanalangin kong magkaroon ako ng sense of creativity sa pagiging halimbawa sa mga bata. Minsan nararamdaman kong napapagod ako sa pagbibigay ng aking kabuuan at hindi gaanong nagiging mabunga ang aking mga gawain. Dalangin ko na sana, gaya ng Dakilang Guro, maibigay ko ang lahat-lahat para sa Diyos at sa bayan: ang aking mga talento, kalakasan, at sana sa hinaharap, maging aking buong buhay.

Tuesday, June 25, 2013

Ang tanawin mula sa itaas.




Jesus answered and said to them, "Amen, amen, I say to you, no one can see the kingdom of God without being born from above." (John 3:3)

Ang tanawin mula sa itaas ang nagbibigay sa atin ng buong litrato. Ang tanawin mula sa itaas ang nagbibigay sa atin ng tamang batayan. Ito ang tanawing magpapakilala sa atin ng perspektibo ng Diyos.

Kapag tinitingnan natin ang buhay sa pananaw ng Diyos, alam nating anuman ang nangyayari ngayon, gaano man kahirap at kasakit ito, hindi iyon ang buong istorya. Sapagkat mayroon naman talagang masasaya at hindi masasayang araw ng nakaraan, ganoon din naman sa kasalukuyan, at maging sa hinaharap. Ang mabuti at hindi mabuti, ang masaya at hindi masaya - lahat ng ito'y bahagi lamang ng makulay na mosaik ng buhay.

Kapag tinitingnan natin ang buhay sa pananaw ng Diyos, naililigtas natin ang sarili mula sa maraming exaggerations at assumptions na umuubos sa ating lakas at nagnanakaw ng ating kapayapaan at kapanatagan ng loob. Alam nating anuman ang tila bundok na hindi natin malampasan ngayon, makaaasa tayong hindi tayo pababayaan ng Diyos. 


Kaya't hilingin nating bigyan tayo ng pananampalataya. Idalangin natin sa Diyos na pag-alabin at patatagin pa ang ating pananampalataya, na gaya Niya, makita nawa natin ang buhay mula sa itaas. 

Saturday, June 22, 2013

Pintig ng puso ko.

PINTIG NG PUSO KO
Batay sa Hosea 11: 1-9
titik: Arsobispo Luis Antonio G. Cardinal Tagle, DD (Arkidiyosesis ng Maynila)
lapat at musika: Eduardo P. Hontiveros, SJ (+)

1. Musmos ka pa lamang minahal na kita. Mula sa kawalan tinuring kang anak sa bawat tawag Ko ika’y lumalayo. Hindi mo ba batid ako’y nabibigo?

2. Aking isasaysay kung mararapatin sa una mong hakbang ng kita’y akayin. Binalabalan ka matang masintahin, kinakandong kita animo’y alipin.

Koda: Pinagtabuyan mo Ako! Pinagtulakan nang husto! Maglaho ka sa harap Ko! Ngunit yaring pintig ng puso Ko!

4. Matupok mang lahat sa buong daigdig hindi magmamaliw ang Aking pag-ibig. Panginoon Ako, at hindi alabok; Paano Ko kaya ikaw malilimot? Paano Ko kaya ikaw malilimot?



Reflectio:

Habang ninanamnam ang bawat linya ng kanta, isang kaibigan ang naaalala ko. Para sa kanya sana ito. Sayang, hindi ako ang naunang gumawa ng mga linyang nito. (Magaling ang pagkakasulat ni Cardinal Chito Tagle). Malapit sa puso ko ang awit; malapit sa mga naramdaman ko; malapit sa mga pangarap ko; malapit sa kuwento ko. Mahiwaga ang pakikipagkaibigan namin. Hindi ko na matandaan ang kwento. Natunaw na yata sa utak ko ang lahat. Pero ipinipintig pa rin ng puso ko.

LSS talaga ako sa huling linya ng kantang ito: "Paano Ko kaya ikaw malilimot?" Habang pinapatugtog ko ang isang cd na naglalaman ng mga awit na para sa Kuwaresma (kahit tapos na ang Kuwaresma!), bumalot sa aking isip ang paulit-ulit kong realisasyon na mahal tayong lahat ng Diyos. Na kasama natin ang Diyos sa paglaban natin sa makamundong inklinasyon. Kung sana'y hindi natin Siya ipagtatabuyan, ipagtutulakan at hahangaring maglaho sa ating buhay. 

Mananalo tayo sa mga hamon ng buhay kung hindi tayo bibitiw, at patuloy na magtitiwala sa Diyos. 

Thursday, June 20, 2013

Prayer to Know My Vocation.


Lord, my God and my loving Father,
you have made me to know you,
to love you, to serve you,
and thereby to find and to fulfill myself.
I know that you are in all things,
and that every path can lead me to you.
But of them all, there is one especially
by which you want me to come to you.
Since I will do what you want of me,
I pray you, send your Holy Spirit to me: into my mind,
to show me what you want of me; into my heart,
to give me the determination to do it,
and to do it with all my love, with all my mind,
and with all my strength right to the end.

***

Compassionate Heart of Jesus,
graciously listen to our prayers.
Give us generous hearts
to respond to your call in our lives.
Lift up courageous men and women
willing to follow after your heart
as priests, sisters, brothers, and deacons.
Help parents and teachers to share the
faith and to encourage young people
to explore religious vocations.
Guide all people, Lord, in your ways
of compassion, truth, and peace,
that we may find happiness
in fulfilling our vocation.
Amen.