Thursday, May 7, 2015

Tula Alay sa Ina ng mga Walang Mag-ampon, Birhen ng Marikina



Turuan Mo ang Aking Pusong Tumibok
(Tulang alay sa Ina ng mga Walang Mag-ampon, Birhen ng Marikina)

Hipuin mo ang aking pusong
umiibig nang seryoso
ngunit hindi pa rin perpekto.
Ituro mo kung paano ito dapat tumibok,
kung paano ito mabuhay ng banal,
kung paano ito mamatay ng may ipinaglalaban;
kung paano ko ito maiaalay:

tulad ng iyong puso—
maawain, maalam at matamis
para sa mga kapuspalad ng aming bayan.
Sa mga nanlilimos sa dyip, turuan mong tumibok.
Sa harap ng may kapansanan, turuan mong tumibok.
Sa mga inampon na ng lansangan, turuan mong tumibok.
Sa mga nagkasala sa akin, turuan mong tumibok.
Dahil ang puso ko'y sa 'yo, Ina.
Turuan mo rin sanang tumibok sa mga walang mag-ampon.

Ang buhay mong puno ng katahimikan
at pagtitiwala ay nag-iwan sa akin ng susundang landas.
Naunawaan mong nasa mga kamay ng Diyos
ang iyong buhay. Sa gitna ng alinlangan at takot,
pinili mong sa Kanya pa rin sumunod.
Kaya turuan mo rin sana akong sumunod sa Kanya
kahit pa itong puso ko ay naliligalig
sa dami ng pangamba,
sa dami ng takot
at pag-aalinlangan sa plano ng Diyos.

Pahimlayin itong aking puso, Ina,
at ibulong sa akin ang mga salita
ng pag-ibig mong nakauunawa
sa kabutihan ng Diyos
sa taong tulad ko: takot at mahina.

No comments :

Post a Comment