Sunday, March 30, 2014

Kapag nagpatawad ang Diyos...

Ang sabi ng Poong mahal,
"Sa daigdig ako'y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki'y mabubuhay."


Kapag nagpatawad ang Diyos, pinatatawad Niya ang lahat-lahat. Walang kalahati, walang hindi buo sa panukat ng Diyos. Isa ito sa nahihirapan tayong intindihin dahil ang buhay natin ay madalas na nakokondisyon ng mga "kung" at "pero". Mahirap para sa ating paniwalaan na may isang kayang magpatawad ng lahat-lahat.

Ngunit sa kaibuturan ng puso natin, ito yung hinahanap-hanap natin. Bawat isa sa atin ay mayroong pakiramdam na pagdududa ngunit umaasa.

Puno ng masasaya at malulungkot na sandali ang buhay. Kahit iyong pinakamagagaling sa atin ay nakararanas din na malasin ang kanyang araw. Kailangan nating lahat ng isang kilala natin na hahawi sa ating pangamba at sa halip na tayo'y mag-alala, ipapakita sa atin ang halaga ng ating buhay. Laging may pag-asa tayong bumangon muli. 

Kung ang bulag nga sa Ebanghelyo ay napagaling ni Hesus, tayo pa kayang sumasampalataya sa Kanya. Iisa lang naman ang nais ng Panginoon, ang tayo'y makabahagi Niya sa Kanyang kaharian sa langit. Paano ito makakamit? Mahirap, kung pananaw nating mga tao ang gagamiting sukatan. Ngunit sa sukatan o timbangan ng Diyos, hindi natin alam pero baka nga madali lamang. Kailangan lang natin Siyang sundan. Sapagkat Siya ang ilaw na gagabay sa atin. Mumunti ang krus na pasan natin kumpara sa pinasan Niya noon. Natubos na tayo sa putik ng kasalanan; hindi na tayo dapat maputikan pa ng paulit-ulit, araw-araw.

No comments :

Post a Comment