Hindi ang pagpapakasakit ni Kristo ang ating kaligtasan. Hindi ang dami ng hagupit at sugat na tinamo Niya ang nagligtas at patuloy na nagliligtas sa atin. Iyong pagpapakasakit dahil sa pag-ibig ang siyang nagliligtas, hindi ang pagpapakasakit lamang.
Iniisip ko ngayon ang pag-aayuno sa pagkain at mga bagay na hilig kong gawin. Walang karne, walang tsokolate, walang soft drinks, walang panonood ng TV, walang panonood ng pelikula. Ilang araw ko na itong iniisip. Gusto kong magkaroon ng sariling pagpapakasakit upang makabahagi ko si Kristo sa kanyang pasyon. Ngunit sa aking pagmumuni-muni, napagtatanto kong wala naman akong dahilan, o siyang nag-uudyok sa aking gawin ito, o ng pag-ibig na nagtutulak sa aking gawin iyon. Gusto ko lang gawin iyon dahil lumaki akong iniisip na iyon ang dapat, at maging ang mga fast food restaurants nga ay nagtitinda ng isda kaysa ng karne, sapagkat iyon daw ang paraan ng pag-aayuno.
Ang pag-aayuno sa pagkain at mga hilig nating bagay o gawain ay talaga ngang pag-aayuno. Ngunit sa ganang akin, bawat isa sa atin ay may personal na paglalakbay, personal na sakripisyo, at personal na Kuwaresma.
Sa panahong ito ng Kuwaresma, ang pinakamahalagang sakripisyo na mula sa pag-ibig ay pagpapatawad. Pinakamahirap pero pinakamapanligtas na sakripisyo sa lahat. Hindi madali ang kalimutan ang sarili, at sumunod sa kagustuhan ng Diyos. Hindi madali na yakapin ang pagpapakumbaba. Kahit na hindi iyon madali, ang magpatawad dahil sa pag-ibig ang siyang pinakamahalagang pag-ibig. Masakit ang magpatawad ngunit iyon ang sa atin ay magliligtas.
Thursday, March 13, 2014
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment