Saturday, March 8, 2014

Operari sequitur esse.


Walang tayong desisyon na hindi personal, sapagkat ang bawat nating desisyon ay nagbibigay kahulugan sa ating pagkatao - kung sino tayo bilang rasyonal na tao. Hindi tayo ginawa sa loob ng isang araw. Kung ano tayo ngayon ay dahil sa isang mabagal na ebolusyon. Ang bawat hakbang natin pasulong at maging paurong ay siyang bumubuo ng ating pagkatao, ng ating buhay-tao.

Kapag nakagagawa tayo ng pagkakamali, pwede nating piliin ang manatili sa ganoong sitwasyon at pwede rin nating piliin na maglakas-loob na magsisi at itama ang kamalian. Mahirap at napakatapang na pagdedesisyon.

Ang ibang tao at mga pangyayari sa mundo ay may mabuti at hindi mabuting maidudulot sa atin, ngunit ang pagdedesisyon para sa ating sarili ay sa sarili rin nating kagustuhan nagmumula. Ito sa palagay ko ang kahulugan ng katagang Latin na "operari sequitur esse." Sa mga scholastics at seminaristang nag-aaral ng Latin, alam nila ito: na ang bawat pagkilos ay dinidiktahan lamang ng ating pagkatao. Pero sa pananaw ko, nakikipagtalaban din talaga yung pagkilos at pagkatao. Kung ano ang kilos mo ay siyang pagkatao mo. At kaalinsabay nito, kung ano ang pagkatao mo ay siyang pagkilos mo. Hindi ba mas malinaw iyon?

Sa ganang akin, wala kang gagawing kilos na hindi sumasalamin sa pagkatao mo. Kung ikaw ay lingkod-simbahan, at iyon ang pagkatao mo, doon na rin iikot ang lahat ng pagkilos mo. Pero may "catch" ang katagang ito. Sapagkat may Diyos na siyang kaagapay natin sa ating buhay. Kaya may factor din siya sa ating pagkatao. Kung sa kanya iikot ang buo nating pagkatao, lahat ng ating kilos ay magiging kilos na dinikta ng Diyos, purong kagustuhan ng Diyos. 

No comments :

Post a Comment