Ang taong 2013 ay tila isang paglalakad sa Emmaus. Gaya ng mga disipulong naglalakad patungong Emmaus sa Ebanghelyo ni San Lukas, mayroon akong mga problema at alalahanin na isinusumbat tungkol sa Diyos, ngunit madalas, hinahati ni Hesus ang Salita sa akin at ipinaliliwanag sa iba't ibang paraan kumbakit nangyayari ang mga bagay-bagay. Kinailangan kong pahintulutan ang Diyos na punan pa ang aking mga dalahin – ang aking pagtingin sa mga bagay, ang rubdob ng aking pagmamahal at pagtanggap sa tuwa at sakit na kaakibat ng tunay na pagmamahal, ang aking kapasidad sa pagtupad at pagsunod.
Pinararamdam lagi sa akin ng Diyos na minahal Niya ako at sa kabila ng aking kahinaan, minahal Niya ako at gustuhin ko man o hindi ay minahal Niya ako kasama ng iba pa.
Hindi kailanman nagkulang ang Diyos sa regalo, sa biyaya, sa pagpapaalala, sa pagwawasto. Ang isang regalong lagi kong ipinagpapasalamat sa Diyos ay iyong walang palya Niyang pagpapadala ng mga tao upang lumabas ang kabutihan at kagalingan sa akin. Naniniwala akong tinatahak ko ngayon ang tamang landas na nais ng Diyos na daanan ko nang tawagin Niya akong maglingkod sa Parish Youth Ministry, ng mga taong madalas ko na ring makasama sa buhay – mga kaibigan, na kaakbay ko sa paglalakbay. Lubos akong nagpapasalamat sa kanilang lahat. Tunay na Emmanuel ang Diyos sa akin sa pamamagitan ng mga nakakasama ko.
Lubos din ang pagpaparamdam ng Diyos ng Kanyang presensya sa akin, sa mabunga mang karanasan sa buhay o sa tuyong karanasan ng pagkabasag at pagkatalo. Gustuhin ko man yung mas magagaang karanasan, alam ko na sa mga tuyo, mas masasakit at mas mabibigat na karanasan ako nais dalhin ng Diyos upang tumubo, mamunga at lumago.
Panalangin ko sa Diyos na gawing mas malaki ang aking puso upang mas marami akong mahalin at patuluyin sa aking buhay. Dalangin kong huwag maging iskandalo sa iba. Hiling ko para sa mga kaibigang nilayuan o iniwasan ako dahil sa mga bagay na nagawa ko noon na nagpalayo sa kanila na makatanggap sila ng pagmamahal at pagpapagaling mula sa Diyos na sa isang banda ay hindi ko makakayanang maibigay sa kanila.
Nais kong hingin sa Diyos ang pagpapala para sa mga taong nakasama ko sa paglalakbay sa higit dalawampung taon ng aking buhay. Sa pamilya ko't mga kaibigan, lalo na sa mga kapwa kong kabataan, humihingi ako sa inyo ng pabor na sana sa araw na ito ay mag-alay din kayo ng panalangin para sa akin, isang kawal na kabataan ng Panginoon, tunay na makasalanan ngunit nagsusumikap sundan ang daan ni Kristo na noong una pa'y tumawag at nagmahal na sa atin.
Nawa'y kahabagan tayo ng Diyos at pagpalain kailan man. Kasama ni Maria, ang Ina ng Diyos, ang Ina ng mga walang mag-ampon, harapin natin ang panibagong taon ng Diyos ng may pag-asa at buong pagpapakumbaba na anomang problema at hamon ng buhay ay kaya nating lampasan.
Maligayang Pasko at manigong bagong taon sa ating lahat! Dios mabalos! :)
Tuesday, December 31, 2013
Isang eksamen sa buhay 2013.
Labels:
2013
,
essay
,
journal
,
paglalakad
,
pagmumuni-muni
,
Parish Youth Ministry
,
Pasko
,
prayer
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
Keith, I will include you in my prayers today. Nagpapasalamat ako sa Diyos na naging kaibigan kita. Ikaw ang isa sa mga taong nagsisilbing paalala sa akin na may Diyos at kinakailangan ko lang ay magtiwala sa Kanya. Na ipahkakaloob Nya ang mga bagay sa tamang panahon. Salamat Kaibigan, isa kang inspirasyon sa aming lahat.
ReplyDeleteMaraming salamat, Arvin! Happy New Year!! :)
ReplyDelete