Sabi nila mas tumatalas ang isip mo kapag tumatanda ka. Nag-23 anyos na ako nitong 2013 at pakiramdam ko nagsisimula pa lang akong tuklasin kung para saan ba ang buhay ko. Sobrang pasasalamat sa Diyos, sa aking Dakilang Guro, sa dahan-dahang pagkilos Niya sa buhay ko. At dahil yearend na, nais kong ibahagi ang mahahalagang aral na natutunan ko ngayong taon kasama Siya.
1. Tupdin ang mga pangako. Pagsikapang maging committed at faithful sa lahat ng binuo, binuno at bubuuing mga relasyon.
2. Makinig nang mabuti. Karamihan kasi ng mga problema ay umuusbong dahil sa kawalan natin ng abilidad na makinig sa sinasabi ng ibang tao sa atin. Kaya't hayaan nating magpahayag sila at buong sinseridad na tanggapin ang kanyang punto, na maaaring tama sila at ikaw ang mali, at ito ang simula ng pagpapakumbaba.
3. Ayos lang ang maging mahina. Tanggapin ang katotohanang hindi mo magagawa ang lahat na mag-isa. Kaya't humanap ng isang tao na puwede mong kausapin nang komportable at mahihingahan ng nasasaloob. Hayaang maging malakas ang iba para sa iyo tuwing napanghihinaan ka ng loob.
4. Piliing maging inspirasyon. Bahagi ng pagiging tao ay ang hikayatin ang kapwa na magpatuloy, ang ipakita sa kanila na may mas higit pa sa buhay, at may ibang perspektibo pa sa pagtingin sa mga bagay-bagay. Ilahad ang iyong istorya at iparamdam sa kapwa na hindi sila nag-iisa sa kanilang mga laban sa buhay. Huwag iiwanan ang isang tao nang hindi siya napapangiti. Sikaping mabuhay sa kapayapaan kasama ang sinomang makakasalamuha.
5. Walang perpektong tao. Kahit na sino ay may kakayahang inisin ka, kalimutan ka, galitin ka, saktan ka, at maging talikuran ka. Mahalin mo pa rin sila. Napakahirap gawin iyon, sa totoo lang, pero piliin mong magbukas ng mas malaking puwang sa maliit mong puso.
6. Hindi ka pa matanda para sa mga bagong bagay. Luminang ng bagong talento, gumawa ng mga personal na records, magtungo sa mga di pa napupuntahang lugar, magkaroon ng mga bagong kaibigan, at gawin ang mga childhood dreams. Mabuhay nang ayon sa kagustuhan ng Diyos sa iyong buhay. Pinakamagandang paraan ng pagpupuri sa Diyos ay mabuhay nang umaayon sa kagustuhan Niya.
7. Alalahanin palagi ang pagmamahal Niya. Pansinin ang mga handog ng Diyos sa iyo at magkaroon ng panahong magpasalamat sa bawat regalo. Maaring bagay, tao o magagandang karanasan. Pasalamatan ang Diyos para sa iyong pamilyang minamahal ka nang sobra-sobra, para sa iyong mga kaibigang hindi ka iniiwan sa tuwina. Magpasalamat ka sa iyong talento. May kaya kang gawin na tanging ikaw lamang sa mundo ang makagagawa. Alalahanin ang mga karanasang humubog sa iyo sa bawat taon at sipatin ang pagkilos ng Diyos sa mga pangyayaring iyon. Tandaan na minamahal ka Niya kahit hindi ka karapat-dapat mahalin.
8. Laging magdasal sa bawat pagdedesisyon, malaki man o maliit. Kapag inilalagay mo ang Diyos bilang pangunahing prayoridad---ang Kanyang kalooban at anomang ikinalulugod Niya---ang lahat ng bagay ay mangyayari ayon sa nararapat nitong kalagyan. At kung hindi mangyari ang mga bagay ayon sa plano mo, tandaang nasa Diyos ang huling salita.
9. Magtiwala at maghintay. Kapag tinuturuan ka ng mundo na tumakbo para makamit ang kagustuhan mo, piliing maglakad. Kailanman hindi tayo dapat magmadali. Mahabang panahon ang binuno upang maitayo ang mga kastilyo, hindi ba? Perpekto lagi ang timing ng Diyos.
10. Laging maging konektado sa Kanya. Ang ating kaabalahan ay hindi dapat maging excuse para hindi magdasal. Mas busy tayo, mas maraming oras dapat ang ilaan natin sa Diyos. Huwag natin sabihing ang ating trabaho ay isa na ring anyo ng panalangin. Gayong maaari itong maging tama sa isang banda, ang panalangin ay dapat maging quality time kasama ang Diyos at tayo'y tumatahimik upang mas mapakinggan Siya.
11. Tanggapin ang mga interruptions. Pagbigyan ang Diyos na gambalain ka sa iyong mga plano, na nagtitiwalang Siya ang nakakaalam sa mas mabuti. Hindi Niya ibinibigay ang ating naisin agad-agad upang mapanatili tayo sa focus at makita ang pinakamahalaga. Dakilang halimbawa ay si Maria, na sa edad na 14 ay hindi inakalang siya ang magiging Ina ng Diyos. Isa pang halimbawa si Jose, na marahil nais ang normal at tahimik na buhay-may-asawa. Paminsan-minsan ginagambala tayo ng Diyos, hindi dahil isa Siyang kill-joy kundi dahil may mas mabubuti Siyang plano para sa atin. Pagbigyan natin Siyang kumilos sa ating buhay dahil alam Niya ang Kanyang ginagawa.
12. Magtapos nang mabuti. Huwag bumitaw sa gitna ng mga bagay. Kahit gaano ka pa sugatan, sikaping abutin ang finish line. Kapag sinimulan mo ang isang bagay, piliin mong magpatuloy hanggang sa huli. Huwag kalimutan ang dahilan kumbakit pinili mong gawin ang isang bagay. At huwag kalilimutan ang mga taong tumulong sa iyo sa paglalakbay.
13. Magpatawad gaano man kasakit ang idinulot sa iyo ng ibang tao. Gayong mas madali at mas komportable ang basta na lamang lumimot at magpatuloy, may kakaibang kalayaang matatamo kung pipiliing magpatawad. Nagpapatawad tayo dahil naniniwala tayong may mas mahahalagang bagay pa kaysa sa ating emosyon.
Monday, December 30, 2013
13 Aral na Natutunan Ko Ngayong 2013.
Labels:
2013
,
essay
,
God
,
lessons
,
prayer
,
reflection
,
relationship
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment