Maganda yung homily ni Bishop Francis kanina sa OLA Parish Church para sa ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon K). Tungkol sa pagpapakumbaba bilang anyaya ni Kristo sa ating lahat. Hindi dapat magmalaki kung wala ka namang sinasabi. Hindi dapat magmataas kung wala ka namang binatbat. At pinakanagustuhan ko sa pasaring niya yung hindi dapat magpa-istar kung istariray naman.
Nagbigay siya ng halimbawa para ilarawan ang kahulugan ng humility o pagiging humble. Nagtanong siya kung sino sa tatlong estudyante ang humble.
A. Nakakuha ng 90 at nang tinanong ay sumagot na 80 ang nakuha niya
B. Nakakuha ng 80 at nang tinanong ay sumagot na 90 ang nakuha niya
C. Nakakuha ng 90 at nang tinanong ay sumagot na 90 ang nakuha niya
Hula kong sagot ay yung nauna. Ang sagot daw ayon kay Bishop Francis ay yung nakakuha ng 90 at nang tinanong ay sumagot na 90 ang nakuha niya. Napaisip tuloy ako. Kung ano ba ang tamang depinisyon ng humility. Sabi niya, humble ka kung ipinakikita mo yung katotohanan. You are humble when you hold on to truth. May punto siya. Kayabangan yung pagsasabi ng mataas na marka kahit mababa naman talaga. Parehong pagsisinungaling kapag mali ang sinabi mo at hindi yung tunay na marka. Humble ka kapag pinanghahawakan mo yung totoo.
Magaling yung ginamit na talinghaga ni Hesus sa Pariseo. Kung inimbita ka sa handaan, huwag yung kabiserang upuan ang kunin mo. Dun ka sa pinakaabang upuan. Kung sakaling dun ka naman talaga pauupuin ng nag-anyaya, mabuti sapagkat hindi ka na lilipat ng puwesto. At kung sakaling dun ka naman pala sa kabisera pauupuin ng nag-anyaya, mabuti sapagkat mas pararangalan ka. Dahil ang mataas ay ibababa samantalang ang mababa ay itataas.
Ang katotohanan ay simple lang. Ganun kasimple na kapag sinubukan mong ipaliwanag o bigyang pakahulugan ay lalo lamang nagiging komplikado. Kung pinanghahawakan mo yung totoo lamang, hindi ka makagagawa ng samot-saring sapot o kawing-kawing na sitwasyong di mo na maaaring labasan. Gaya ng nangyayari sa bansang Pilipinas ngayon. Nagsisilabasan ang noo'y hindi inilalantad. Sapagkat tunay nga ang ipinababatid sa atin ng Diyos - na lalabas ang katotohanan kahit ano pang gawin mo para lang mapagtakpan.
Dalangin ko ngayong buwang ito ng Setyembre na matutuhan ko ring panghawakan ang katotohanan. Na nawa'y dun lamang ako pumanig at hindi matukso na magmataas o magmapuri. Kasama ko rin sa panalangin si Bishop Francis, na ayon sa kanya ay ipinagpapasalamat niya ang kanyang ikaanim na taon bilang obispo. Yun sa tingin ko ang humble. Na alam mong hindi mo kakayanin kaya humihiling ka pa rin na ipagdasal ka. :)
Sunday, September 1, 2013
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment