Wala akong oras o kapasidad na pasalamatan ang lahat agad-agad, nawa'y ang mga mensaheng ito ay magsilbing ekspresyon ng aking walang hanggang pasasalamat sa bawat isa.
Sa Diyos
Salamat po sa pagkakataong mabuhay, sa pagbibigay Mo sa akin ng aking buhay, at sa pagmamahal Mo sa kung sino ako. Salamat sa pagpili Mo at paghahangad Mo sa akin, sa pag-ibig Mong kaytamis, kaylalim, perpekto at bukaspalad. Salamat sa pagbabahagi Mo ng buhay na puspos ng pag-ibig sa akin at ang mga adventure ko kasama Ka ay mananatili sa aking puso magpakailanman. Salamat sa pagtulong Mo sa akin habang patuloy ako sa aking discernment sa pipiliin kong bokasyon, at sa kaakibat nitong surpresang yaman ng mga relasyong dumarating. Salamat po sa lahat-lahat. Ikaw ang pinakadakila at pinakamagaling.
Kina Mama at Papa
Salamat sa pagdadala sa akin dito sa mundo. Sa inyong napakaraming sakripisyo, luha, at pag-ibig na naging halaga ng pagpapalaki ninyo sa akin. Alam niyo na kung gaano ko kayo kamahal. Patawarin niyo po ako sa aking mga pagkukulang. Ang bawat birthday ko ay nagpapaalala sa akin na walang hanggan ang aking utang na loob sa inyo. Masuwerte ako na kayo ang aking mga magulang, simple ngunit napakadakilang mga tao na ibinigay ang lahat at inibig ako ng lampas pa sa naiisip kong pagmamahal. Salamat sa pagpaparamdam sa akin na mahalaga ako at sa pagtitiwala ninyo sa akin. Mahaba pa ang listahan ng aking mga pasasalamat sa into at ayaw kong maging litanya iyon dito. Hangad ko lamang na magsilbing karangalan sa inyo ang buhay ko at maging masaya kayo lagi sa buhay dito sa mundo.
Sa aking mga kapatid at kamag-anak
Proud ako na kayo ang aking mga kapamilya. Sa tatlong kapatid kong babae na nakabahagi ko sa aming childhood, sa tawanan at iyakan; sa mga tito at tita na pumuspos sa akin ng pagmamahal at pagtuturo sa akin sa buhay; sa mga lolo at lola na nagbahagi sa akin ng kanilang kayamanan sa talino at eksperiyensya. At sa pinakamamahal kong pamangking si Kyllie na nagpakita sa akin kumbakit sa lahat ng tao ay mga bata ang higit na iniibig ni Hesus. Sa inyong lahat, salamat sa pagbabahagi ng buhay.
Sa mga brothers at sisters ko sa Mhafans
Paano ko malilimutan yung mga kapatid kong tumutulong at gumagabay sa akin na isabuhay ang isang buhay na puno ng discernment, tuwa at debosyon? Kayo ang mga kapatid kong hiniling sa Diyos na magkaroon ako. Hindi na mabubura ang lamat na itinatak ninyo sa aking buhay. Ang mga mukha ninyo ang pumupuno sa aking mga litrato at pinaganda ninyo ang kulay ng mga taon ko bilang kabataan. Nais kong magpasalamat nang higit sa lahat kina Sister Abigail, Bro Idris, Bro Matthew at Master Jerome sa pagtuturong muli sa aking puso na mas paigtingin pa ang debosyon sa pinakamawain, pinakamaalam at pinakamatamis na inang nakilala ko, ang Ina ng mga Walang Mag-ampon. Salamat sa lahat at sa patuloy na paglago sa buhay at bilang ng pinakamahalagang grupo sa aking buhay, ang Mhafans.
Sa mga naging benefactors at spiritual help
Nais ko ring pasalamatan yung kahit hindi ko nakilala yung iba ay patuloy na sumuporta sa akin, materyal at ispiritwal. Hindi ko kayo mapapangalanan dito ngunit nais ko pa ring ipabatid ang aking pasasalamat at pananalangin sa inyo. At sa mga nananalangin para sa akin, sa mga lalaki at babaeng nakilala ko sa daan ng buhay, maraming salamat.
Sa mga naging guro, kaklase at kaeskwela
Espesyal ang pasasalamat ko sa mga nakilala ko't nakasalamuha rito sa Marikina, mula sa pagkabata hanggang ngayon, tinuruan niyo akong magpakumbaba. Sa kaisa-isa kong kaklase noong kindergarten na naging kaibigan ko ngayon, sa mga kapwa Atenistang gumagawa na ngayon ng mga marka sa ating lipunan, sa mga nakasamang Sta. Elenian na nagbahagi ng saya noong high school, at sa lahat ng aking mga naging guro at propesor, salamat nang marami sa pagpapatingkad sa kulay ng aking buhay.
Sa mga kabataang nakilala ko
Sa aking mga naging estudyante at kaibigan, binigyan niyo ako ng kasiyahan at inspirasyon na magpatuloy. Salamat sa pagtitiwala at pagtawag sa akin bilang kuya. Salamat sa mga program officers, youth volunteers at participants ng Pathways; sa mga nakasamang delegado sa katatapos lang na local World Youth Day celebration na ginanap sa Don Bosco Makati; sa dedikadong mga Obreros de la Nuestra Señora de los Desamparados; sa mga talentado kong kasamahan sa BPI Chapel Choir; at sa mga katrabaho sa BPI. Maraming salamat sa pagbabahagi ng buhay at kasiyahan sa akin. Napakarami ninyo, sobrang dami ng mga pangalang nais kong pasalamatan.
Sa mga online friends at acquaintances
Ano kaya ang aking online social life kung wala kayo? Sa mga nakilalang kaibigan sa Facebook, Blogger, Twitter at Instagram, maraming salamat po.
Hindi ko hangad o intensyon na maglimot ng mga pangalan at tao, kaya gusto kong pasalamatan kayong lahat na makababasa nito. Salamat sa pagiging bahagi ng buhay ko. Sa pag-iiwan ng lamat (o marka) sa akin, salamat sa lamat. Lagi ko po kayong ipinagdarasal. Pagpalain po tayo nawa ng ating mahabaging Diyos, ngayon at magpakailanman.
No comments :
Post a Comment