Ngunit ang buhay ay hindi lamang pagpili sa pagitan ng mabuti at masama, tama o mali, importante o walang halaga. Mas madalas ang ating mga pagpipilian ay sa pagitan ng dalawang mabuti, dalawa-at-parehong makabubuting realidad. Ito marahil ang pinakamahirap na pagpili dahil sa huli kailangan may piliin kang isa. May isang aalis. Kailangang maging imposible ang isa upang makamit ang posibilidad ng isa. At sa totoo lang, mahirap pakawalaan ang isang bagay, lalo na kung isang tao, na naging bahagi ko na o sana’y magiging kabahagi ko pa ng aking buhay. Ito’y pagpiling kailangang maisakatuparan dahil ang bawat pangyayari sa buhay ay may dahilan o kapalit.
Matagal na mula noong huli tayong nagkita, nagpalitan ng mga mensahe sa isa’t isa, nagkaroon ng mahaba ngunit interesanteng pagpapalitan ng ideya ukol sa buhay, pag-ibig, at sa hinaharap. Matagal na mula nang makita kita, mula nang magkasama tayo, mula nang gugulin natin ang oras ng bawat isa na tayo lang ang magkasama. Matagal na nga, at sa pagitan noon at ngayon ay marami nang pagbabagong naganap. Ipinagpatuloy mo ang iyong aspirasyon sa buhay, pinanindigan mo ang iyong pinili, nakakita ka ng taong mamahalin, nagpatuloy ka sa pagtahak ng iyong pangarap. Gayon din naman ako. Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng ating mga pagpili, ng ating mga pagpapahalagang pinanghahawakan, ng ating mga pangarap na sinubukang tahakin. Nirespeto natin ang pinili ng bawat isa. Hinangad natin walang iba kundi yaong makabubuti sa bawat isa. Kaya isa sa naging epekto ay yung pakawalan natin ang bawat isa - pakawalan ang posibilidad, panahong magkakasama, oportunidad na magbahagi, ang kinabukasang maaari sana nating buuin. Ganoon talaga, kasama yun sa dapat pagdaanan.
Saan ka man ngayon, ano man ang iyong ginagawa, sino man ang kasama mo, sigurado akong masaya ka. Nasa tamang landas ka ng pagtahak sa iyong pangarap, ang gawing realidad ang mga ito. Upang buuin ang kinabukasan kasama ng iyong mahal. Ako rin naman ay nagbabalak na tumahak din ng buhay na naglilingkod at nagmamahal sa Diyos. At sa magkaiba nating landas, pareho nating hangad ang ikabubuti at ikaliligaya ng bawat isa.
Lumalabo na ang mga ilaw, nasusunog na ang mga tulay, at sa paglisan natin, hindi na tayo makakabalik.
"Ang umibig ay paghahangad sa kabutihan ng kapwa." Kung tama ang pag-alala ko sa aralin dati sa pilosopiya, si Sto. Tomas de Aquino ang nagsabi nito. Lagi at lagi, hangad ko ang kaligayahan mo. Nagbabago ang panahon, may dumarating at may umaalis, nauupos ang damdamin, ngunit ang hangad ko para sa iyo ay hindi nagbabago. Hanggang sa muli nating pagkikita.
No comments :
Post a Comment