Kung ako ang tatanungin mo, ito marahil ang aking isasagot.
1. Ang rosaryo ay isang debosyon sa buhay-katoliko. Ipinapaalala sa akin ng rosaryo ang kasaysayan ng aking pananampalataya. Gaya ito ng nangyaring conversion sa buhay ni San Pablo. Sa totoo lang, hindi masyadong relihiyoso ang pamilya ko. Hindi deboto ang aking mga magulang. Habang lumalaki kaming magkakapatid, dumadalang ang pagsama nila sa pagsisimba. Hinahayaan na lang nila kaming magsimba ng kanya-kanya. Ang mga kapatid ko ay dating miyembro ng Legion of Mary sa kapilya, dating miyembro ng Children’s choir at Marian/Mayflower Committee. Pero hindi kami pinalaking nagpupunta sa mga mahahabang nobena. Kung may isang maaalala ako tungkol sa pag-ibig ng aking pamilya sa Diyos, iyon ay ang tuwinang pagdarasal ng rosaryo ng aking yumaong tita. Tuwing dapithapon, bago maghapunan, sumasama kami sa pagdarasal. Nagpapatuloy ito hanggang ngayon.
2. Ang rosaryo ay hango sa Banal na Kasulatan. Ang rosaryo ay isang mahalagang gamit namin noong nasa elementarya at hayskul ako. Naaalala ko yung mga living rosaries na isinasagawa noon tuwing Oktubre. Malaking bahagi ng binibigkas sa rosaryo ay mekanikal: paulit-ulit na Aba Ginoong Maria at Ama Namin, at ang pagkakabisado sa tatlong Misteryo (wala pang Liwanag; tanging Tuwa, Hapis at Luwalhati pa lamang ang misteryo noon). Kung meron mang bagay na natutunan ako sa mga pag-uulit-ulit na ito, iyon ay ang makabisado ko ilang bahagi ng Bibliya. Ang Aba Ginoong Maria ay hinango sa Lukas 1:28 mula sa pagbati ng Anghel Gabriel at sa Lukas 1:42 mula sa salita ni Elisabet, ang pinsan ni Maria. Ang Ama Namin ay galling naman sa Lukas 11 at Mateo 6. Gayundin, ang panalanging Luwalhati ay dasal sa Santisima Trinidad. At higit sa lahat, nakabisado ko ang buhay ni Kristo. Kapag nakabisado mo ang mga misteryo ng Santo Rosario, makakabisado mo ang buhay ni Kristo. Hindi ito nalalayo sa kasaysayan. Noong panahon ng Middle Ages, ang edukasyon ay tanging pribilehiyo ng mga monghe. Malaking bahagi ng populasyon ay walang natatamasang edukasyon. Upang maintindihan nila ang mensahe ng salita ng Diyos, itinuro sa kanila ng mga monghe ang Aba Ginoong Maria, Orasyon (Angelus) at Pater Noster (Ama Namin). Ang rosaryo ay ginamit noon sa edukasyong pangkateketikal.
3. Ang rosaryo ay isang meditasyon sa buhay ni Hesus. Tinuruan ako ng rosaryo na pahalagahan ang buhay ni Hesus. Mas madalas kong dinarasal ang rosaryo tuwing nagbibiyahe. Inaamin ko, magandang paraan iyon upang hindi mainip sa kawalan ng Gawain sa pagbibiyahe. Madalas, nakakatulog ako. Pero ang gusto ko sa pagdarasal ng rosaryo ay ang maraming paraan kung paano ito dasalin. Pwede mong dasalin ang buong misteryo, o maaari mong dasalin lamang ang unang misteryo at magkaroon ng meditasyon sa particular na aspeto ng buhay ni Kristo, o dasalin lang ito upang sa pagtulog ay Diyos ang iyong huling gunita. Mabuting matulog sa yakap ng Diyos.
Kung ihahambing ko ang buhay ko ngayon kay Kristo, kailangan ko ang paulit-ulit na meditasyon sa buhay Niya. Isang bagay na dapat klaro sa ating lahat: hindi natin sinasamba si Maria---tanging ang Diyos na Santatlo ang ating sinasamba. Ngunit binibigyan natin ng pinakamataas na pagpapahalaga si Maria. Sa maraming imahen ni Maria, bawat galaw o hilig ng katawan (gesture) ay may kahulugan. Halimbawa ang sa Ina ng mga Walang Mag-ampon. Isa sa gestures niya ang pagtingin sa batang Hesus. Ipinapakita niyang sa paglalim ng ating debosyon kay Maria, naihahatid niya tayo sa kanyang anak na si Hesus. Hindi aksidente lang na tinatawag din natin ang rosaryo bilang debosyon. Ang pagdedebosyon ay nagpapalalim sa ating pagmamahal, pagtitiwala at pananabik sa isang tao, gawain o bagay. Sa ganang akin, ang pagdedebosyon kay Maria ang magpapalakas ng ating pagmamahal sa kanyang Anak na ating Diyos.
4. Nag-uulit tayo upang maalala; umaalala tayo upang mag-ulit. Kapag tinanong kumbakit paulit-ulit ang rosaryo, hango kasi ito sa totoong buhay. May namamayaning kultura ngayon na gustong-gusto ng pagbabago. Ang kahit na anong nag-uulit ay boring. Ngunit mag-isip muli. Maraming bagong bagay ang nagmula sa pag-uulit. Ang isang siyentipikong imbensyon ay bunga ng paulit-ulit at madalas ay palpak na eksperimento. May mga bago at dagdag na ideya dahil sa paulit-ulit na pag-aaral ng mga batis. Nahahasa ang ating talento at kakayahan dahil sa paulit-ulit na ehersisyo at disiplina sa sarili. Lumalalim ang pag-ibig dahil sa paulit-ulit na pagbigkas sa salitang "I love you," at maraming paraan upang ipakita ito: araw-araw na paghahanda ng nanay sa hapag-kainan, araw-araw na pagpapadala ng text messages, regular na dates at selebrasyon. Lahat ito'y paulit-ulit. walang magaganap na pagbabago hangga't hindi paulit-ulit itong gagawin. Kung nais mong mahalin si Hesus, paulit-ulit mong ulit-ulitin ang Kanyang buhay. Hindi ka lang nagkakaroon ng habit, ikaw mismo ang magiging habit. Dasalin mo ang buhay ni Hesus, at magiging tulad mo siya.
Iyan ang rosaryo para sa akin. Ito ang mga dahilan kumbakit dinarasal ko pa rin ito hanggang-ngayon.
Post Scriptum
At ngayong buwan ng Oktubre, mapalad akong maging kabahagi ng huling proyekto ng Parish Youth Ministry, ang Living Rosary. Nawa'y maging matagumpay ang pagdaraos namin nito bukas sa Patio ng OLA Parish Church dito sa Marikina.
On the Occasion of the Month of the Holy Rosary and the Year of Faith.
The Our Lady of the Abandoned Marikina Parish Youth Ministry invites all of you to be with us in the recitation of the Joyful Mystery.
October 19,2013
7:00PM; OLA Patio
Very well said. Thanks.
ReplyDeleteThanks
ReplyDelete..Salamat poh sa npka gndang mensahe.sa totoo lang ngaun lang ako natututong mag rosaryo pero sa araw araw na ginagawa ko ito pkiramdam ko mas npapalapit ako sa ating mahal na panginoon,.prang ndi kumpleto ang araw ko pg ndi ko nkakapag rosary.m
ReplyDelete