Saturday, May 4, 2013

Mabuti pa ang bata.


Nakita ko ang litratong ito sa isang Facebook page na ni-like ng isang kaibigan. Kaya ni-like ko na rin at pinili kong i-share sa wall ko. Ritwal iyon ng ordinasyon sa pagkapari. Ipinakikita roon yung parte kung saan ang buong sambayanan ng Diyos ay dinarasal ang Litanya ng mga Banal, humihingi ng intersesyon sa lahat ng mga banal na alagad ng Diyos na ipanalangin at gabayan ang mga magiging bagong pari. Habang nagdarasal ang lahat, ang mga kandidatong pari ay nakadapa sa sahig ng altar, ipinakikita ang kababaang-loob, kahinaan at kawalang-lakas. Hindi mapapasubalian, ito ang pinakanakakaantig na bahagi ng seremonyas, kahit sa mga hindi pamilyar sa ritwal ng ordinasyon at kahulugan ng lahat ng nangyayari roon. Nakakaantig pagmasdan ang litratong nagpapakita ng isang bata, nang may buong sinseridad at kawalang-muwang, na ginagaya ang mga kandidatong pari, at kahit mapansin ng lahat, ay dumapa rin sa sahig doon pa sa mas malapit na puwesto sa mga kandidatong pari.

Naniniwala ako na yung bata sa ritwal ng ordinasyon ay maihahalintulad sa Kristiyano at buhay-pari. Sigurado akong hindi alam nung bata kung ano ang nangyayari sa mga oras na iyon. Pero naramdaman niya rin yung awa sa mga lalaking nakahandusay sa sahig. Basta niya lang naramdaman na kailangan niya ring gawin iyon kasama sila. Ito yung simbolo ng "solidarity" o pakikiisa sa Simbahan. At sa Diyos. Sa kabila ng alam natin (at maging yung mga di natin alam kung darating), makikiisa tayo sa babatahing hirap. Na una nang ginawa ng Diyos. Na tinatawag din tayo upang sundan Siya. Mabuti pa ang bata, kahit di niya alam ang ginagawa, nakiisa pa rin siya sa Simbahan. Kung sana ang bawat isa sa atin ay makikinig sa Salita ng Diyos at pipiliin ding makiisa sa Simbahan at hindi ito ang kikilos sa lalong ikasisira nito. 

Sabi ko roon sa Facebook post, sana sa susunod na pagkakataon, maging ako rin yung bata. Na masundan ko rin ang halimbawang ipinakita niya: walang muwang pero nagtitiwala at nakikiisa sa kalooban ng Diyos. 




No comments :

Post a Comment