Sunday, May 12, 2013
Kay Mama na siyang makauunawa sa tulang ito.
Laboy Kong Tsinelas
Pagbubuksan mo pa rin naman ako
sakaling umagahin muli sa paglalakwatsa,
alam ko. Hindi ko na kailangang kumatok pa
dahil kabisado mo ang yabag kong maysa-pusa
kahit ilang hakbang pa mula sa gate natin.
“Ipag-iinit kita ng ulam,” kabisado ko naman
ang isasagot mo sa aking pagmamano.
Ano'ng gabi ito at hindi ko malunok ang inihain mong
katahimikan kahit ang totoo’y hinihintay ko lang
na mapalo ang braso, binti at hita ko?
Ewan ko ba, ano’ng teleserye ang napanood mo
kahihintay sa akin at walang tensyong naganap.
Mas mahapdi pa pala ang makita kang umiyak
kaysa ang paulit-ulit na malatayan sa puwitan
ng lagi’t laging laboy kong tsinelas.
*Happy Mothers' Day to all the mothers in the world. Happy Fiesta to our Mother, Our Lady of the Abandoned! Bless and pray for Marikina. Thank you for everything Mama OLA! =)
Labels:
mother
,
mothers' day
,
ola
,
poem
,
tula
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment