Sunday, February 24, 2013

Monday devotion

Nagsimula ang taong 2013 na lagi akong excited sa pagdating ng Monday. Gaya noong 2008 na lagi akong excited sa pagdating ng Thursday. May gayuma sa akin - kapanatagan ng loob - kung may nakakasama akong magdasal ng rosaryo at/o magsimba. Hindi sa ayaw kong mag-isa dahil nagagawa ko rin namang magdasal ng rosaryo at magsimba kahit na mag-isa. Masarap lang talaga sa pakiramdam na isiping may kasama ka, may karamay sa pagninilay ng misteryo ng rosaryo.

Nagpapasalamat ako sa kaklase't kaibigan kong si Jo na nag-imbita sa akin at ilan ko pang kaklase't kaibigan (sina Abi at Jerome) na dumalo sa kanilang Monday devotion. Tuwing Monday, siyempre! Balak ko lang talagang iabot sa kaniya yung pasalubong kong danggit mula sa Cebu noong nagpunta ako roon para sa National Thanksgiving Mass alay kay San Pedro Calungsod. (Sa susunod, ikukuwento ko ang buhay ko bilang deboto ni San Pedro Calungsod.) Pero wala siya sa bahay, nasa simbahan pala. Ano'ng ginagawa nito sa simbahan isang Lunes ng gabi? E malamang na naroon na siya nung Linggo, bakit nandoon na naman ng Lunes? Hindi niya lang basta tinanggap ang dala kong pasalubong, hinikayat niya muna ako na samahan siya sa loob ng simbahan upang magdasal ng rosaryo. (E nagdasal na ako ng rosaryo nung umaga!) Hindi ko iyon matanggihan sapagkat kayhirap tanggihan ang presensya ng Diyos.

Puro mga binatilyo ang naroon sa Monday devotion. Kilala ko yung ilan, namumukhaan ko naman ang iba dahil siguro nakikita ko ring madalas magsimba sa OLA (Our Lady of Abandoned Parish). Matapos ang pagninilay sa Misteryo ng Tuwa, sunod na dinasal ang dalit kay Maria, Ina ng mga Walang Mag-ampon. Si OLA kung tawagin ng karamihan sa kanila. Siya yung Pintakasi ng bayan ng Marikina. (Base sa pagkukuwentuhan namin ni Jo, ang orihinal na debosyon kay OLA ay nagmula pa sa Valencia, España. Bukod sa Marikina, deboto rin ni OLA ang distrito ng Sta. Ana, Manila.) Nakakamangha ang kanilang debosyon kay Maria bilang Ina ng Diyos.

Matapos ang pagdarasal, nagkaroon kami ng pagkakataong lumapit sa imahen ni OLA sa altar. Hindi ko akalaing may kakaibang enerhiyang bumalot sa akin nung lapitan ko si OLA at hawakan siya. Sapat na yung mamasdan siya, ano pa kaya 'yung mahawakan siya?

At hindi pa roon natapos ang imbitasyon ng kaibigan ko. Magkita raw ulit kami sa susunod na Lunes. Hindi ko na sinabing busy ang Lunes ko. Salamat sa halimbawa ni Maria, "oo" ang isinagot ko. At pakiramdam ko talaga, hindi lang 'yung kaibigan ko ang nag-imbita. Si OLA mismo ang may imbitasyon sa aking bisitahin siya.

Kaya tuwing Monday, nagmamadali akong makaalis ng opisina. Kahit na tuwing Martes ng umaga ay may report ako sa unit na kinabibilangan ko. At ilang Lunes na ang nagdaan ngayong taon na di ko nararanasang maipit sa trapiko gayong laging mabagal ang trapiko sa rutang dinaraanan ko. Salamat sa Diyos hindi Niya tinutulutang mahuli ako sa Monday devotion.

Nakakatuwang isiping may mga kabataan pa ring nagdarasal ng rosaryo. Hindi na lang matatanda ang marunong umusal ng Salve Regina. Sa panahong bukambibig ng mga tao ang salitang "pagbabago," naniniwala akong hindi dapat isama sa pagbabago ang pagdarasal ng rosaryo. Hindi nakakasawa ang pag-uulit-ulit. Sapagkat sa pag-uulit tayo natututo. Nagiging matagumpay ang isang eksperimento kung paulit-ulit itong ginagawa. Gumagaling sa badminton at iba pang sports kung paulit-ulit ang pag-eensayo. Sa disiplina umuusbong ang talento at kakayahan. Lumalalim ang relasyon dahil sa paulit-ulit na pagsasabi ng "I Love You" at sa paulit-ulit na pagpapakita ng manipestasyon nito: ang pagluluto para sa atin ng almusal ng ating magulang, ang araw-araw na text message, ang regular na date at selebrasyon ay paulit-ulit. Hindi boring ang pag-uulit. You just don't form a habit, you actually become the habit. Kapag paulit-ulit ang pagdarasal ng pagsagot ng "oo" ni Maria, napapasagot na rin tayo ng "oo" sa tawag ng Diyos. Kapag paulit-ulit ang pagsambit natin sa dasal na itinuro sa atin ni Hesus, nagiging katulad na rin tayo ni Hesus.

Paulit-ulit ang Lunes pero hindi boring. At sa mga susunod pang Lunes, paulit-ulit akong dadalo sa Monday devotion. Hindi lang dahil sa niyaya ako ng kaibigan ko kundi dahil sa niyaya ako ni OLA mismo. At kapag may nagtanong sa akin kumbakit excited akong umuwi kapag Monday, ikukuwento ko sa kaniya yung paulit-ulit kong ginagawa. At kahit nadasal ko na ang mga misteryo ng rosaryo tuwing nagbibiyahe sa umaga, gusto ko pa ring ulitin ito pagsapit ng gabi. We repeat to remember; we remember to repeat.


2 comments :