Tuesday, February 26, 2013

Buksan ang aming puso.

Isang araw matapos ang Consistory noong November at ginawaran ng red hat si Cardinal Chito Tagle, ang Arsobispo ng Maynila, kinausap niya ng personal si Pope Benedict XVI. Sabi ni Cardinal Tagle: "My Pope, I am sorry for being so emotional yesterday." Ipinagpaumanhin ng Cardinal ang kanyang di-mapigilang pag-iyak at pagbuhos ng emosyon habang nasa harapan ni Pope Benedict XVI.

Sumagot si Pope Benedict XVI nang ganito: "Cardinal, you should not be sorry. The Church needs a heart like yours."

Sa panahon ngayon, nababalot ang mundo, maging ang Simbahan, ng iba't ibang ideolohiya. Liberalism. Conservatism. Idealism. Secularism. Post-modernism. Puro debate ng isip, puro pagtatalo ng mga intelektwal. Naniniwala ako sa sinabi ni Pope Benedict XVI kay Cardinal Tagle. Kailangan ng Simbahan ang puso.

Sa tuwing umuuwi ako galing sa trabaho, sa Bayan sa Marikina ako bumababa ng shuttle van. At saka roon ako sasakay ng jeep pauwi sa barangay namin. Madalas, naaabutan ng trapiko ang sinasakyan kong jeep sa panulukan ng Shoe Avenue at Sumulong Highway. Mahigit isang minuto titigil ang sasakyan, mahigit isang minuto akong makakapag-isip o makakasilip sa labas ng jeep. At madalas, may sasakay na batang nakayapak. May dalang sobre, may sulat na nanghihingi ng tulong - kahit na magkano - para sa kaniyang pamilya.

Minsan, kumakanta pa ang batang nakayapak pagkabigay ng sobre sa mga nakasakay sa jeep. Minsan, pinapababa agad ng driver. Subalit madalas, iniaabot ang marungis niyang kamay sa aming mga binigyan niya ng sobre.

May maririnig akong bulong ng katabi ko. Na hindi dapat bigyan ng limos yung batang nakayapak sapagkat maaaring gamitin lang sa pambili ng solvent o yosi. Na hindi dapat bigyan ng limos sapagkat maaaring miyembro siya ng sindikato. Pero, maaari rin namang hindi. Hindi ako nakakasigurado kung talagang ipambibili niya ng solvent o miyembro siya ng sindikato. Hindi ko masisisi yung katabi ko kung ganun ang tingin niya sa batang nakayapak. Pero yun din minsan ang tumatakbo sa isip ko. Isip na naman! Hindi ko maiwasang humusga. Hindi ko man lang nagamit ang puso ko. Kaya pala ganun ang sinabi ni Pope Benedict XVI kay Cardinal Tagle. Kailangan ang puso sa Simbahan.

Sana magamit ko ang puso ko kahit kayhirap masaktan. Sana hindi lang isip ko ang masunod kahit kayhirap ang maloko. Sana magamit ko ang puso ko sa pag-iisip kahit kayhirap ng buhay. Sana ganun din ang ibang tao, ang bumubuo sa Simbahan.


Buksan ang aming puso
Turuan Mong mag-alab
Sa bawat pagkukuro
Lahat ay makayakap.

Buksan ang aming isip
Sikatan ng liwanag
Nang kusang matangkilik
Tungkuli'y mabanaag.

Buksan ang aming palad
Sarili'y maialay
Tulungan mong ihanap
Kami ng bagong malay. 

No comments :

Post a Comment