Madalas maikli ang pasensya ng mga tao. Sinusunod yung instinct na "survival of the fittest." Bira dito, bira doon. Walang pakundangan sa mga pagkilos. Ganun nga rin ako noon. Hanggang sa may nangyari sa buhay ko. At di ko maiwasang magpasalamat sa Diyos na nagturo sa akin ng dalawang katangiang ito: ang pagtitiwala at paghihintay.
Noong makatapos ako sa kolehiyo, kung saan-saan ako nag-apply ng trabaho. Makati o Ortigas o maging sa Roxas Blvd. Mahigit dalawang buwan akong hanap nang hanap ng trabaho. Puro interview at exam, wala namang tumatawag para sa next o final interview. Nakakaubos ng pasensya, nakakaubos ng pera. Puro management training job ang pinagpasahan ko ng resume. Dahil gusto ko mabilis maging officer sa trabaho. Pero walang return reply yung mga kompanya. Nakakainis. Parang binabalewala lang nila ako. Hanggang sa nagdesisyon akong ayaw ko nang mag-apply para sa management training at tatanggapin ko yung trabahong unang iooffer sa akin ng kahit na sinong kompanya.
Hanggang sa nagpadala ng imbitasyon ang propesor ko mula sa BPI para sa management training. Ayaw kong pumunta, ayaw kong pansinin yung imbitasyon. Ang gusto ko ay agarang trabaho. Pero pinilit akong pumunta ng dalawa sa kaklase ko. Kaya tinanggap ko na rin yung imbitasyon. Nagpasa ako nung gabing iyon ng aking resume. Hindi naman nakakagulat na nung nasa bus na ako pauwi, biglang may nagtext na HR personnel tungkol sa exam at interview para sa trabaho. Bukas na bukas. Pero yung nakakagulat, matapos ang exam at interview, may sumunod na interview agad kinahapunan. At may isa pang panel interview kinabukasan na siyang magdedesisyon kung tanggap na ako. Kaybilis ng pangyayari. Doon ako namangha. Pwede pala iyon mangyari sa akin.
Nakakatuwa talaga na sa loob lang ng dalawang araw, tinanggap na agad ako ng BPI para sa kanilang Officership Training Program. Tuwang-tuwa ako na nagbunga rin yung paghihirap ko sa paghahanap ng trabaho. Nagsimula ako nang may galak sa puso na mabilis akong natanggap sa trabaho. Naipadala ko pa ang text message na ito sa mga kaibigan at tita ko:
God is so good! God is so great! In just two days, tanggap na ako sa trabaho. Thank you Lord!
Totoo pala talaga na kahit parang tahimik lang ang mundo, kumikilos pa rin ang Diyos. Nariyan siya sa kahit anong oras. Kailangan ko lang magtiwala at maghintay.
Lord, salamat po sa bawat pagkilos Mong nakalulugod. Natutunan ko kung paano magtiwala sa Iyo at kung paano maghintay nang buong tiyaga sa nais Mong matupad. Ikaw nga yung sandigan ko. Ikaw yung nakaaalam kung ano'ng makabubuti sa akin.
Tapos na ako sa management training at ganap na officer na ako ngayong taon. Patuloy pa rin akong nagtitiwala at naghihintay sa kagustuhan ng Diyos. Kahit ako yung laging tumatawag sa atensyon Mo at paminsan-minsa'y naiinip sa sagot Mo, napapanatag ang loob ko sa isipang naririnig Mo talaga ako at lingid man sa kaalaman ko, gumagawa Ka ng plano para sa akin. Salamat Lord! You are really good. Sana po kapag Ikaw naman ang tumawag sa akin, masagot ko agad nang walang pasubali. Nang buong pusong pagtanggap.
No comments :
Post a Comment