Thursday, April 24, 2014

Totus Tuus, Maria


Ang blogpost na ito ay isang pag-alala kay Pope John Paul II na, sa darating na Linggo, pormal nang itatanghal bilang Santo ng Simbahang Katolika. Hindi ko siya kailanman nakita ng personal, ngunit siya ang unang Pope na nakilala ko noong bata pa at alam kong marami sa mga Pilipino hanggang ngayon ay minamahal siya. Nagkaroon kami ng koneksyon ni Pope John Paul dahil sa malalim niya ring pagmamahal sa isang babaesi Maria, ang Ina ni Hesus.
Ang pagmamahal ni Pope John Paul kay Maria ay napakahalaga sa kanyang buhay-espiritwal kaya nga pinili niya ang Totus Tuus bilang kanyang apostolic motto. Ito'y isang katagang Latin na ang ibig sabihin sa Ingles ay "totally yours," o sa Filipino ay "iyong-iyo." Ipinahahayag nito ang kanyang mapagmahal na debosyon at personal na konsekrasyon sa Mahal na Birheng Maria base na rin sa espiritwal na buhay at mga akda ni San Louise-Marie Grignion de Montfort.
Ang dalawang salitang ito ay halaw mula sa panalanging pang-konsekrasyon na matatagpuan sa isa sa mga aklat ni San Louis de Montfort, ang True Devotion to Mary. Ang kumpletong teksto ng panalangin ay ganito: Totus tuus ego sum, et omnia mea tua sunt. Accipio te in mea omnia. Praebe mini cor tuum, Maria. (I belong entirely to you, and all that I have is yours. I take you from my all. O Mary, give me your heart.)
Sabi noon ni Pope John Paul na noong siya ay batang seminarista pa lamang, binasa niya nang paulit-ulit at maraming beses ang ilan sa mga akda ni San Louis de Montfort. Ito'y napakahalagang bahagi ng kanyang buhay. Naintindihan niya mula noon na hindi puwedeng kalimutan ang Ina ng Diyos kung susundin niya ang tawag ng Diyos na Tatlong Persona.
Matagal din bago lumago ang pag-ibig ko sa Banal na Ina, kahit ang buto ng debosyon ay dati nang naitanim sa akin. Nang lumaki sa Marikina, nakilala ko si Maria sa pangalang Ina ng mga Walang Mag-ampon o mas tinatawag kong OLA. Mula noong high school, dumaraan muna ako sa Simbahan ni OLA, ilang lakaran lamang sa likod ng aming paaralan saka ako doon sasakay pauwi. Hindi ko pa alam ang kuwento niya kumbakit siya tinawag na OLA.
Noong ako nama'y nasa elementarya at naeengganyo sa mga kuwento ng mga katekista, nakabisado ko ang mga misteryo ng Santo Rosario. Galing pa man din ang pinakapaborito kong rosaryo sa yumaong si Presidente Cory Aquino, talagang gustong-gusto kong gamitin iyon. Doon ako nahumaling sa pagdarasal ng rosaryo, sa hamon ni Tita Cory na ang bawat isa sa amin ay magdasal nito para sa bayan at sa aming pamilya. 
Taong 2012 noon, kagagaling ko lamang sa Cebu at nakiisa sa National Thanksgiving Mass in honor of Saint Pedro Calungsod, nang magsimulang magpakilala si Maria sa akin. Sa isang malalim na paraan. Bilang Ina ng mga Walang Mag-ampon. Nagpakilala siya bilang OLA na noon pa ma'y gusto ko nang malaman kung sino siya.
Tuwing Lunes ng gabi, sumasama ako sa pagdarasal ng rosaryo habang madilim sa simbahan at si OLA lang sa altar ang pinagmumulan ng liwanag. Paglaon, dinala rin siya sa iba't ibang kapilya bilang bahagi ng programang Lakbay-Dalaw, ilang linggo bago ang pista. Habang nagaganap ang mga iyon, sa pagitan ng trabaho at pagpapahinga sa bahay, sinubukan kong tuklasin kung sino si OLA. Wala masyadong kuwento sa kanya; mas naisulat ang kuwento ng pinagmulan niya sa Valencia, Spain at maging ang OLA sa Sta. Ana, Manila. Sa mga kuwento-kuwento at ilang babasahin ko nakilala kung ano ang natatangi sa OLA ng Marikina.
Bunga ng aking pag-alam, mas lalo ko na siyang minahal at laging hinihingan ng tulong. Madalas, payo. Siya ang tinatawagan ko sa panahong nalilito ako, at siya ang modelo ko sa pagmamahal ko kay Hesus at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Natatangi sa kanya kumpara sa ibang mga imahen ni Maria sa buong bansa ang kalong niyang Niño Jesus. Lahat ng nakitang Hesus na bitbit ni Maria ay nakaharap sa tao. Tanging sa imahen ng Birhen ng Marikina ko lamang nakita ang batang Hesus na hindi nakatingin sa tao kundi sa kanyang Mahal na Ina. Bakit kaya ganoon? Napaisip ako. Dahil lang kaya sa mga may-ari o camarero nito? Dahil sa dating pari ng simbahan? May dahilan, pakiramdam ko. At habang nakaluhod at nagdarasal sa harapan niya, doon ko naisip ang posibleng sagot. Nakatingin ang batang Hesus kay Maria dahil may gustong ipabatid si Hesus sa atin. Na upang maipakita ni Hesus na tanging kay Maria tayo makahuhugot ng modelo ng pag-ibig sa Diyos. Dahil higit sa sinomang tao sa mundo, namatay na o buhay o mabubuhay pa lang, tanging si Maria lamang ang may isandaang porsiyentong pagmamahal kay Hesus.
Ito rin ang isinabuhay ni Pope John Paul. Kay Maria siya humugot ng inspirasyon kung paano mahalin at paglingkuran ang Diyos. Kung kaya't kay Maria ko rin utang ang inspirasyong mahalin ang Diyos. Siya ang Ina ng bokasyon. Siya ang Ina ng mundo.

No comments :

Post a Comment