Matagal din pala ang siyam na araw na bakasyon. Ang nagdaang mga araw sa bahay ay tila mga araw ng retreat, ng pagtahimik sandali sa mga sistema at pakikinig sa nakabibinging katahimikan sa lugar kung saan ako lumaki: sa bahay.
Napakahalagang magpahinga. At higit na makapagpapahinga sa loob ng bahay. There is really no place like home. Walang tatalo sa paghiga lamang sa kama sa loob ng mahabang oras nang walang ginagawa kundi ang magpahinga.
Habang nasa bahay at walang ginagawa, nagmuni-muni ako tungkol sa bahay. Na-miss ko ang bahay. Kung sakaling makapagkukuwento ito ng mga istorya, ilalahad nito kung paano ako lumaki, ipapaalala nito ang mga panahong ako'y nadapa at tinulungang makabanagon, panahong nagkasala at nakapagsisi, ilalahad nito ang kuwento ng aking bakasyon.
Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataong magnilay nitong nakalipas na siyam na araw; iyong isa ay tungkol sa pagpapatawad ng Diyos. Bakit kaya hinahayaan ng Diyos na magkasala ang tao at patatawarin din naman? Bakit hindi na lamang Niya gawing mapayapa ang mundo para sa lahat? Marami akong napagnilayang sagot. Ito ang pinakabuod: Nirerespeto ng Diyos ang ating kalayaang pumili at magdesisyon, isang regalong hindi babawiin ng Diyos dahil hindi Niya sinisiil ang anomang Kanyang nilikha. Hindi contradicting ang Kanyang pagka-Diyos. Siya ang Perpekto sa lahat ng perpekto.
At ngayong Sabado de Gloria, na-realize kong lahat tayo ay nasa estado ng paghihintay. Sa iba, ito'y pinaka-boring sa lahat ng gawain. Sino'ng hindi mababagot sa paghihintay? Pero may ibang punto ang Diyos ukol sa paghihintay. Tayo ay tinatawag Niya upang maghintay sa napakagandang araw, sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Kung magtitiwala tayo sa pag-asang hatid ng bawat nating paghihintay, siguradong may magandang plano ang Diyos. Maghihintay akong may buong pag-asa, gaya ng pag-asang pinanghawakan ko noon ilang buwan na ang nakaraan. Maghintay ako sa paghinog nitong hinahawakan kong pag-ibig.
Magtitiis ako sa paghihintay.
Saturday, April 19, 2014
There is no place like home.
Labels:
bahay
,
conversation
,
essay
,
Holy Saturday
,
Holy Week
,
pagmumuni-muni
,
reflection
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
No comments :
Post a Comment