Thursday, April 24, 2014

Totus Tuus, Maria


Ang blogpost na ito ay isang pag-alala kay Pope John Paul II na, sa darating na Linggo, pormal nang itatanghal bilang Santo ng Simbahang Katolika. Hindi ko siya kailanman nakita ng personal, ngunit siya ang unang Pope na nakilala ko noong bata pa at alam kong marami sa mga Pilipino hanggang ngayon ay minamahal siya. Nagkaroon kami ng koneksyon ni Pope John Paul dahil sa malalim niya ring pagmamahal sa isang babaesi Maria, ang Ina ni Hesus.
Ang pagmamahal ni Pope John Paul kay Maria ay napakahalaga sa kanyang buhay-espiritwal kaya nga pinili niya ang Totus Tuus bilang kanyang apostolic motto. Ito'y isang katagang Latin na ang ibig sabihin sa Ingles ay "totally yours," o sa Filipino ay "iyong-iyo." Ipinahahayag nito ang kanyang mapagmahal na debosyon at personal na konsekrasyon sa Mahal na Birheng Maria base na rin sa espiritwal na buhay at mga akda ni San Louise-Marie Grignion de Montfort.
Ang dalawang salitang ito ay halaw mula sa panalanging pang-konsekrasyon na matatagpuan sa isa sa mga aklat ni San Louis de Montfort, ang True Devotion to Mary. Ang kumpletong teksto ng panalangin ay ganito: Totus tuus ego sum, et omnia mea tua sunt. Accipio te in mea omnia. Praebe mini cor tuum, Maria. (I belong entirely to you, and all that I have is yours. I take you from my all. O Mary, give me your heart.)
Sabi noon ni Pope John Paul na noong siya ay batang seminarista pa lamang, binasa niya nang paulit-ulit at maraming beses ang ilan sa mga akda ni San Louis de Montfort. Ito'y napakahalagang bahagi ng kanyang buhay. Naintindihan niya mula noon na hindi puwedeng kalimutan ang Ina ng Diyos kung susundin niya ang tawag ng Diyos na Tatlong Persona.
Matagal din bago lumago ang pag-ibig ko sa Banal na Ina, kahit ang buto ng debosyon ay dati nang naitanim sa akin. Nang lumaki sa Marikina, nakilala ko si Maria sa pangalang Ina ng mga Walang Mag-ampon o mas tinatawag kong OLA. Mula noong high school, dumaraan muna ako sa Simbahan ni OLA, ilang lakaran lamang sa likod ng aming paaralan saka ako doon sasakay pauwi. Hindi ko pa alam ang kuwento niya kumbakit siya tinawag na OLA.
Noong ako nama'y nasa elementarya at naeengganyo sa mga kuwento ng mga katekista, nakabisado ko ang mga misteryo ng Santo Rosario. Galing pa man din ang pinakapaborito kong rosaryo sa yumaong si Presidente Cory Aquino, talagang gustong-gusto kong gamitin iyon. Doon ako nahumaling sa pagdarasal ng rosaryo, sa hamon ni Tita Cory na ang bawat isa sa amin ay magdasal nito para sa bayan at sa aming pamilya. 
Taong 2012 noon, kagagaling ko lamang sa Cebu at nakiisa sa National Thanksgiving Mass in honor of Saint Pedro Calungsod, nang magsimulang magpakilala si Maria sa akin. Sa isang malalim na paraan. Bilang Ina ng mga Walang Mag-ampon. Nagpakilala siya bilang OLA na noon pa ma'y gusto ko nang malaman kung sino siya.
Tuwing Lunes ng gabi, sumasama ako sa pagdarasal ng rosaryo habang madilim sa simbahan at si OLA lang sa altar ang pinagmumulan ng liwanag. Paglaon, dinala rin siya sa iba't ibang kapilya bilang bahagi ng programang Lakbay-Dalaw, ilang linggo bago ang pista. Habang nagaganap ang mga iyon, sa pagitan ng trabaho at pagpapahinga sa bahay, sinubukan kong tuklasin kung sino si OLA. Wala masyadong kuwento sa kanya; mas naisulat ang kuwento ng pinagmulan niya sa Valencia, Spain at maging ang OLA sa Sta. Ana, Manila. Sa mga kuwento-kuwento at ilang babasahin ko nakilala kung ano ang natatangi sa OLA ng Marikina.
Bunga ng aking pag-alam, mas lalo ko na siyang minahal at laging hinihingan ng tulong. Madalas, payo. Siya ang tinatawagan ko sa panahong nalilito ako, at siya ang modelo ko sa pagmamahal ko kay Hesus at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Natatangi sa kanya kumpara sa ibang mga imahen ni Maria sa buong bansa ang kalong niyang Niño Jesus. Lahat ng nakitang Hesus na bitbit ni Maria ay nakaharap sa tao. Tanging sa imahen ng Birhen ng Marikina ko lamang nakita ang batang Hesus na hindi nakatingin sa tao kundi sa kanyang Mahal na Ina. Bakit kaya ganoon? Napaisip ako. Dahil lang kaya sa mga may-ari o camarero nito? Dahil sa dating pari ng simbahan? May dahilan, pakiramdam ko. At habang nakaluhod at nagdarasal sa harapan niya, doon ko naisip ang posibleng sagot. Nakatingin ang batang Hesus kay Maria dahil may gustong ipabatid si Hesus sa atin. Na upang maipakita ni Hesus na tanging kay Maria tayo makahuhugot ng modelo ng pag-ibig sa Diyos. Dahil higit sa sinomang tao sa mundo, namatay na o buhay o mabubuhay pa lang, tanging si Maria lamang ang may isandaang porsiyentong pagmamahal kay Hesus.
Ito rin ang isinabuhay ni Pope John Paul. Kay Maria siya humugot ng inspirasyon kung paano mahalin at paglingkuran ang Diyos. Kung kaya't kay Maria ko rin utang ang inspirasyong mahalin ang Diyos. Siya ang Ina ng bokasyon. Siya ang Ina ng mundo.

Saturday, April 19, 2014

There is no place like home.

Matagal din pala ang siyam na araw na bakasyon. Ang nagdaang mga araw sa bahay ay tila mga araw ng retreat, ng pagtahimik sandali sa mga sistema at pakikinig sa nakabibinging katahimikan sa lugar kung saan ako lumaki: sa bahay.

Napakahalagang magpahinga. At higit na makapagpapahinga sa loob ng bahay. There is really no place like home. Walang tatalo sa paghiga lamang sa kama sa loob ng mahabang oras nang walang ginagawa kundi ang magpahinga.

Habang nasa bahay at walang ginagawa, nagmuni-muni ako tungkol sa bahay. Na-miss ko ang bahay. Kung sakaling makapagkukuwento ito ng mga istorya, ilalahad nito kung paano ako lumaki, ipapaalala nito ang mga panahong ako'y nadapa at tinulungang makabanagon, panahong nagkasala at nakapagsisi, ilalahad nito ang kuwento ng aking bakasyon. 

Nagkaroon tuloy ako ng pagkakataong magnilay nitong nakalipas na siyam na araw; iyong isa ay tungkol sa pagpapatawad ng Diyos. Bakit kaya hinahayaan ng Diyos na magkasala ang tao at patatawarin din naman? Bakit hindi na lamang Niya gawing mapayapa ang mundo para sa lahat? Marami akong napagnilayang sagot. Ito ang pinakabuod: Nirerespeto ng Diyos ang ating kalayaang pumili at magdesisyon, isang regalong hindi babawiin ng Diyos dahil hindi Niya sinisiil ang anomang Kanyang nilikha. Hindi contradicting ang Kanyang pagka-Diyos. Siya ang Perpekto sa lahat ng perpekto.

At ngayong Sabado de Gloria, na-realize kong lahat tayo ay nasa estado ng paghihintay. Sa iba, ito'y pinaka-boring sa lahat ng gawain. Sino'ng hindi mababagot sa paghihintay? Pero may ibang punto ang Diyos ukol sa paghihintay. Tayo ay tinatawag Niya upang maghintay sa napakagandang araw, sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Kung magtitiwala tayo sa pag-asang hatid ng bawat nating paghihintay, siguradong may magandang plano ang Diyos. Maghihintay akong may buong pag-asa, gaya ng pag-asang pinanghawakan ko noon ilang buwan na ang nakaraan. Maghintay ako sa paghinog nitong hinahawakan kong pag-ibig.

Magtitiis ako sa paghihintay.

Tuesday, April 15, 2014

I beg to fall in love with Thee, my Lord.

"Hindi lang kita mahal, kundi 'in love' ako sa 'yo, at tinatawag kita kahit na ganyan ka." Ito yung mensaheng natanggap ko sa Diyos habang nasa Oremus (Lenten Eucharistic Adoration) kagabi. Basta na lang dumating iyan sa akin, at naniwala akong naroon Siya, kasama ko Siya.

Ang Diyos ay personal kong Diyos. Siya ang aking Diyos. Madalas napapalayo ako sa Kanya, sapagkat lagi kong nararamdamang sobrang buti ng Diyos para magkatotoo ang lahat. Too good to be true. Sa Oremus, sa pagkakataong napakalapit ng Diyos, narinig ko ang kakaibang kuwento tungkol sa pag-ibig Niya. Ang pag-ibig Niya ay lampas sa kayang abutin ng aking imahinasyon, marahil may mas mabigat na dahilan kaysa sakripisyo at pagpapakasakit. Ang dahilan ng pag-ibig ng Diyos ay laging mas higit sa kahit na anong dahilang maiisip natin. Laging mas matiisin, laging mas mapagpatawad, laging mas mapagbigay, at lalo pa Niya tayong minamahal hanggang sa puntong lumalim ang relasyon Niya sa atin; hanggang sa puntong ma-in love Siya sa atin. Mahal Niya kahit na sino. Hindi kailangang may magbago - ng ugali, ng paniniwala, ng buhay - para lang ibigin Niya. Manalig lang tayo sa Kanya. Na Siya'y buhay. Na Siya'y nagmamahal. Na Siya'y Panginoon at Diyos. Mahal Niya talaga tayo; tayo lang talaga ang nakakalimot sa katotohanang iyan. Kaya nagpapasalamat ako sa Kanya na pumasok Siya sa aking pusong hinayaan kong maging bukas kagabi. Salamat sa Kanya dahil naramdaman kong ako'y mahal.

Ito ngayon ang aking dasal, ang aking sagot sa Diyos ng pag-ibig, sa Diyos na unang na-in love sa akin bago pa man ako makaramdam ng pagmamahal sa Kanya. 

I beg to fall in love with Thee, my Lord with every breath of life I take. I beg to fall in love with Thee, my Lord, its every beat, I to Thee forsake.
For even if my thoughts fall short of knowing You, and even if my will runs terrified, Your passion thins the darkness of my soul, shed it light, breaths it life, stills the murmur of the night.
I beg to fall in love with Thee, my Lord with every breath of life I take. I beg to fall in love with Thee, my Lord, its every beat, I to Thee forsake.
For even if my heart falls short of loving You, and even if my spirit hides away, Your love for me surpasses all my fears, all I do, all I am, all that I can ever be.
I beg to fall in love with Thee, my Lord with every breath of life I take. I beg to fall in love with Thee, my Lord, its every beat, I to Thee forsake.

Lalong napatatak sa aking isipan na pwede pa rin akong tawagin at yakapin ng Diyos kahit na may lamat sa aming relasyon dahil sa mga nagawa ko noon: infidelity, despair, selfishness. Tinanong ko muli yaong lagi kong tinatanong sa Kanya, "O Diyos ko, tinatawag Mo ba talaga ako sa ganyang buhay?" Marami akong natatanggap na sagot; lahat ay nakasentro patungo sa pagpapahayag Niya ng pag-ibig sa akin, ngunit ang Oremus ay naiiba sa mga dating retreat na nadaluhan ko. Hindi lang ito basta retreat. Ubod ng pagpapakumbaba ang Diyos na naramdaman ko kagabi. Ganoon pa rin ang sagot Niya, "Oo, tinatawag kita, kahit na ganyan ka." Nakakaiyak at nakakapatid ng sandaling hininga. Para akong basag na plato at sugatan pero mapaghilom Siya. Sa gitna ng paghawak ko sa tela, gaya ng babaeng humawak sa Kanyang damit at gumaling, na-realize ko ang isang proof na talagang minamahal ako ng Diyos. Ito ay yung pagkakaloob Niya sa akin ng desire o hangaring magpursige para sa pipiliin kong bokasyon. Naisip kong sapat na iyon para kahit papano ay makatulong sa aking patuloy na pagtatanong at paglalakbay patungo sa inaasam kong pagpasok sa seminaryo.

Nawa'y naramdaman din ng mga nagsidalo sa Oremus ang nagmamahal na Diyos, gaya ng naramdaman kong pagtabi Niya sa aking piling. Nawa'y patuloy tayong gabayan at ingatan ni Hesus na nabubuhay at naghahari sa mundo ngayon.