Tuesday, January 21, 2014

Hamog.

Gusto kong nakakakita ng hamog. 

Ipinapaalala sa akin ng hamog ang Baguio. Tuwing may hamog, gusto kong tumigil sa aking ginagawa at panoorin lamang ito. Kung maaari, damhin ang mga hamog. Gusto ko yung malamig na hangin at maliliit na patak ng tubig na nakabalot sa akin. Kalmado ang aking pakiramdam kapag nakakakita ng hamog. 

Subalit ano ba ang meron sa hamog? Pinalalabo nito ang tanawin. Mayroon itong malamig na hanging nagpapanginig. Nagbibigay ito ng kalabuan sa kotse at taong dumadaan. Bakit ko ngayon gusto ang hamog? 

Siguro dahil naroon ako ngayon. Mahamog at malabo ang bawat bagay. Walang malinaw sa ngayon: nasaan ako, saan ako patungo, at paano ako makararating sa patutunguhan. Nakikita ko lang ay mga bakas na nasa aking harapan. Hindi ako maaaring magmadali kung nagbibiyahe dahil ayaw kong mabangga o mahulog sa bangin. Ipinapaalala sa akin ang magdahan-dahan sa pagsulong. 

Mahamog ngayon. Ngunit gusto ko ito. Ninanamnam ko ang hamog dahil alam ko sa sarili kong mayroong lampas pa sa mga bakas sa daan at mga puno sa aking harapan. Patuloy ang aking paglalakad kahit may ambang panganib sa harapan dahil alam kong makikita ko rin nang malinaw kung itutuon ko lang ang mga mata sa daan at kikilos tungo sa tamang landas. Mahalaga rin ang paglalakbay, hindi lang yung destinasyon. 

Gustuhin ko man, sa ngayon, hindi pa rin malinaw sa akin ang lahat. Ngunit itong bagay na ito ay alam ko, pinaniniwalaan ko, at tinatayaan ko: gugugulin ko ang oras ko nang buong sigasig sa Parish Youth Ministry, makikisalamuha sa bawat kabataan upang makapagbigay karunungan at matuto rin sa kanila, at palaging iisipin na ang lahat ng gagawin ko (offline at online) ay para sa ministry. Mag-aapply ako sa seminaryo – 2016 o 2017 o kung kailan nararapat – ihahanda ko ang aking sarili, at doon ako magpapatuloy sa paglalakbay. Sapagkat ang hamog ay hindi permanente, ang mga hangin ang papawi rin mismo sa kalabuan ng daan at tanawin. 

Ang kalabuan, kalituhan at kawalan ng mas malaking abot-tanaw ay pawang repleksyon ng nasa loob ko. Ngunit ang hanging hahawi sa hamog ang titiyak na magiging maayos din ang lahat, na kontrolado ng Diyos ang sitwasyon, at walang dapat ikabahala kung pag-ibig ang namamayani. Tatlong bagay ang kailangan upang malampasan ang hamog: pananampalatayang makakausad ako sa aking paglalakbay, pag-asang hindi magtatagal ang hamog at tutulungan ako ng hangin na makita ang lampas pa sa aking harapan, at pag-ibig na siyang tutulong sa aking itaya ang buo kong sarili sa Diyos na Siyang tanging hantungan ng lahat.

No comments :

Post a Comment