Wednesday, January 22, 2014

Bakit dapat natin dasalin ang Liturgy of the Hours?

5:30 ng umaga. Madilim pa sa labas ng bahay at tahimik pa ang paligid. Gigising na ako at uupo malapit sa altar ng bahay, bubuksan ko ang aking prayer book (breviary) at magdarasal ng Liturgy of the Hours. Minsan tinatawag ko rin itong Divine Office. Ito’y pampubliko at pang-araw-araw na panalangin ng Simbahan. Halos binubuo ang laman nito ng Scriptures – karamihan ay mga Salmo at Gospel canticles – na naaayos sa apat na linggong siklo ng mga panalangin, at binabasa sa ispesipikong oras sa bawat araw. 

Sa kanyang apostolic exhortation tungkol sa Scripture na Verbum Domini (The Word of God) matapos ang 2008 Synod of Bishops, ipinaalam sa atin ni Pope Benedict XVI ang ganda at halaga ng Liturgy of the Hours, at hinikayat niya ang mga layko na dasalin ito. 

Nagsimula ang Liturgy of the Hours bilang panalangin ng mga layko noong unang mga taon ng Simbahan, at ito ang paraan ng pananalanging walang patid, na binanggit ni Apostol San Pablo sa mga unang Kristiyano sa kanyang Unang Sulat sa mga taga-Tesalonika. 

Ang Liturgy of the Hours ay binubuo ng mga panalangin para sa mga sumusunod na bahagi ng araw: morning, midmorning, noon, midafternoon, evening at night. Tinatawag ko naman ang morning prayer na lauds, ang evening prayer na vespers, at ang night prayer na compline. Iba-iba ang panalangin bawat araw, ayon sa liturgical season ng Simbahan. Hinihikayat ang mga layko na dasalin ito samantalang required itong dasalin ng mga pari, seminarista at mga religious communities. Kapag dinarasal mo ang Liturgy of the Hours, ang bawat oras mo ay naiaayon sa Misteryo Paskwal. 

Ang Katolikong nagdarasal ng Liturgy of the Hours, kahit na mag-isa, ay nagdarasal kasama ng buong Simbahan. Ayon sa wika ng Simbahan, ang Liturgy of the Hours ay ang bride na nagdarasal kasama ng bridegroom; ito ang katawan [ng Simbahan] na nagdarasal kasama ng ulo nito. Nakasaad ito mismo sa dokumento ng Vatican II tungkol sa liturgy (Sanctosacrum Concilium) at maging sa Cathecism of the Catholic Church. 

Ang pagdarasal ng Liturgy of the Hours ay umuubos ng oras; ang lauds at vespers ay parehong umaabot ng 15 minuto. Kaya madaling huwag gawin ang pagdarasal nito para sa mga abalang Katoliko. Pero sa totoo lang, flexible ang pagdarasal nito lalo na para sa mga layko. Ang baguhan sa pagdarasal nito ay maaaring dasalin lamang yung lauds at vespers o kahit nga isa lang sa isang araw. Ang mahalaga’y kinalulugdan ng Diyos ang paglalaan ng oras sa panalangin. 

Tradisyonal man ang paraan ng pagdarasal nito gamit ang isang set ng apat na libro o yung single volume lang na Book of Christian Prayer, mayroon na ring mga websites at smart phone applications na mapagkukunan nito. Maaari kang pumili kung gusto mo yung nagpapalipat-lipat ng pahina sa pagdarasal o yung easy-to-follow format na inihahandog ng mga website gaya ng universalis.com/today, divineoffice.org, at liturgyhours.org. Magandang suhestiyon na simulan ang pagdarasal ng Liturgy of the Hours sa panahon ng Adbiyento dahil ito ang simula ng liturgical year. 

Halata na ngayon sigurong hinihikayat ko kayong magdasal din ng Liturgy of the Hours, ano? Heto ngayon ang naisip kong mahahalagang dahilan kumbakit dapat nating dasalin ang Liturgy of the Hours: 

1. Mas malalim ang matututunan mo sa Scriptures. Karamihan ng dasal sa Liturgy of the Hours ay galing sa aklat ng mga Salmo. 
2. Makikilala mo ang mga Church Fathers at mga santo. Ayon sa liturgical calendar, makikilala natin ang mahahalagang karakter ng mga santo na karamihan sa atin ay hindi malalaman sa pang-araw-araw na gawain. At maaari ring magtaglay ng debosyon kay Maria. 
3. Makapagdiriwang ka ng mga seasons na ayon sa itinakda ng Simbahan. Kaysa mag-isip sa pamamagitan ng winter, spring, summer at fall, mas maiintindihan mo ang takbo ng taon kung maisasabuhay mo ang Advent, Christmas, Lent, Easter at Ordinary Time. 
4. Ang Liturgy of the Hours ay ecumenical. Sapagkat buhat ito sa Sacred Scriptures, may ilan ding mga Protestante na nagdarasal nito. 
5. Ang Liturgy of the Hours ay universal. Sapagkat parehong ang Roman at Eastern Catholic churches ay nagdarasal nito. 
6. Mababawasan nito ang ating mga pag-aalala. Makokondisyon ang ating isip sa mga bagay sa langit, kung saan naroon si Hesus. 



No comments :

Post a Comment