Thursday, November 14, 2013

Mas malakas si Maria kay Yolanda!

Ito ang unang pagbabalak kong mag-blog matapos ang bagyong Yolanda na dumaan sa Pilipinas noong nakaraang Biyernes. Habang pinapanood ang mga balita sa telebisyon at nakikita ang mga litrato at video sa internet at Facebook, nahirapan talaga akong sumulat ng blog dala ng kabigatan sa pakiramdam para sa mga kababayan ko. Paano makakaligtas sa ganoong delubyo? Paano makakayanan ng isang naulila ang sakit na mawalan ng mahal sa buhay at makitang grabe ang pagkasira ng mga naipundar na ari-arian? Hindi ka talaga makakapaniwalang anim na beses nag-landfall si Yolanda. At mayroon pang mga lugar na hindi naaabot ng gobyerno dahil nasira ang komunikasyon at hindi madaanan ang mga kalsada. Ilan sa mga malalayong lugar sa Leyte ay halos mabura na sa mapa. Hindi ka talaga makakapaniwala kung gaano kadesperado ang mga tao, "ninanakawan" na ang ilan sa mga tindahan upang may makain at matawid ang gutom bawat araw. Sinisiguro ng gobyerno sa mga tao na may sapat na pagkain para sa mga apektado ngunit ang problema ay napakabagal ng pagdating ng mga tulong. Humigit-kumulang tatlong araw pa matapos ang pananalasa ng bagyo saka nadaanan ang mga kalsada. Ang tanging natira sa Tacloban Airport ay yung runway na nagsisilbing daungan ng mga C130 planes na nagdadala ng mga pagkain o relief goods para sa mga biktima.
Isang bagay siguro na mabuting malaman natin ay kahit saanman ngayon, nag-uumapaw ang tulong at hangaring makatulong ng bawat isa, dito sa loob maging sa labas ng bansa. Kahit na anong tulong ay mahalaga. Ito yung dahilan kung bakit nasasabi ng lahat na tayo ay makakabangon muli matapos ang pagdaan ng mga kalamidad sa ating buhay.
Malulungkot na alaala ang hatid ng bagyong Yolanda sa akin. Lalo pa't apat na taon pa lamang ang nakalipas nang isa ring mapaminsalang bagyo ang dumaan mismo sa Kamaynilaan, ang bagyong Ondoy. Ang bahay namin ay halos limang dipa ang pagkakalubog sa tubig-baha at marami, kung hindi man lahat, ng aming mga gamit ay nasira. Mabuti pa rin sa amin na may bahay kaming nabalikan kahit kailangang ayusin muli. Nasagi na ba sa imahinasyon mo yung ganong klaseng pakiramdam at tanging magagawa mo lang ay umiyak sa gitna ng ganitong pagkasira? Yung tanging magagawa mo lamang ay magdasal at kumapit sa mga kamag-anak dahil hindi ka sigurado kung bukas o sa isang araw ay magkikita pa kayo?
Mayroon kaming isinasagawang pangangalap ng tulong para sa mga biktima ng bagyo. Kaisa ng Parish Youth Ministry, nagpapasalamat ako sa lahat ng may mabubuting kalooban na handang magbigay at tumulong para sa mga kapatid nating nangangailangan. Sa bawat araw, idinadalangin ko sa Ina ng mga Walang Mag-ampon na sana'y gamitin niya ang bawat isang deboto bilang instrumento ng pag-ibig ng Diyos. Patuloy ang buhay kasama ang Diyos, sapagkat Siya ay Emmanuel, sumasaatin palagi. 
At noon ngang Sabado, kaming mga kabataan ng OLA ay nagtungo sa Simbahan ng San Mateo upang makiisa sa Episcopal Coronation ng Our Lady of Aranzazu sa pangunguna ni Antipolo Auxillary Bishop Francis de Leon. Paulit-ulit hanggang ngayon sa isip ko yung naisigaw ng kanilang Kura Paroko sa pagtatapos ng Misa. Sabi ni Fr. Larry Paz, "Mas malakas si Maria kay Yolanda!" Tunay nga, wala tayong sukat ikapangamba kapag si Maria ang sinisinta. Sapagkat sa pamamagitan ng Mahal nating Ina, makalalapit tayo kay Kristo Hesus.





Narito ang isang panalangin na maaari nating dasalin sa panahong gaya nito.

Compassionate Lord, we pray for those who have been devastated by the typhoon in our country.

We remember those who have lost their lives so suddenly. We hold in our hearts the families changed forever by grief and loss. Bring them consolation and comfort. Surround them with our prayers for strength.

Bless those who have survived and heal their memories of trauma and devastation. May they find courage to face the long road of rebuilding ahead.

We ask your blessing on all those who have lost their homes, their livelihoods, their security and their hope.

Bless the work of relief agencies, social action ministries of all dioceses and parishes, and all those providing emergency assistance. May their work be guided by the grace and strength that comes from you alone.

Help us to respond generously, Lord, in prayer, in assistance, in aid to the best of our abilities. Keep our hearts focused on the needs of those affected, even after the crisis is over.

We pray in Jesus' name. Amen.


Our Lady of the Abandoned, pray for us.
Our Lady of Aranzazu, pray for us.
Saint Pedro Calungsod, Patron of the Visayas, pray for us.


*Larawan kuha mula sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Aranzazu Facebook page.

No comments :

Post a Comment